Sugatan, nauuhaw at pagod na pagod na sa kakatakbo si Isko. Napapapikit at sigaw pa siya habang tumatakbo, tinitiis niya lang kasi ang hapdi at kirot na nararamdaman mula sa kanyang sugat sa paa. Kahit sa maliit na hubog at payat na katawan, ang labing-apat na taong gulang na si Isko ay kakikitaan pa rin ng kakisigan at lakas na parang sa isang beteranong mandirigma na handang makipaglaban kanino man. Sa kanyang sitwasyon ngayon, para siyang manok-panabong na tumakas sa kanyang amo kahit katatapos niya pa lang ipanglaban.
“Ipaglaban natin ang ating karapatan! 'Wag tayong pumayag na tayo'y mahihirap at tinatatapak-tapakan lamang. 'Wag natin basta tanggapin na hanggang dito lamang sa bundok na ‘to ang kaya nating lakaran, ipaglaban natin ang ating karapatan! Dapat lahat ng tao'y pantay-pantay! Ipaglaban!"
Habang nakataas ang mga armas na animo'y mga tropiyo na pinagmamayabang, inulit naman ng kanyang mga kasamahan ang huling salitang tinuran ni Ka Dodong.
Sa mga salitang binitiwan niya'y parang nagising ang mga natutulog na ligaw at mababagsik na hayop na nasa loob ng katawan ng kanyang mga kasamahan. Para niyang pinalakas ang apoy na matagal nang nakatanim sa kanilang mga puso at ngayo'y lumalagablab na sila sa galit. Babae man o lalaki, bata man o matanda ay makikita sa grupong ‘yon. Iba't-ibang tao na may iba't-ibang trabaho at prinsipyo. Pero may isang bagay silang pinagkakaisahan: ‘Hindi nila tanggap ang buhay na kinagisnan kaya sila naririto.’
Pinilit pa ni Iskong tumakbo ng ilan pang milya. May mga dugo na ring umaagos mula sa kanyang mukha at braso; nakuha niya ang ilang sugat sa mga sanga at dahong matutulis na kanyang nabangga sa daan. Ang kanyang maong na pantalon at kulay asul na damit ay nagkasira-sira na rin. Isang pares na lang din ng tsinelas ang natitira sa kanya kaya itinapon niya na lang din ito't tumakbo nang nakapaa. Kalunos-lunos ang kanyang sitwasyon ngayon, para na nga siyang basahang hindi na kayang linisin at kulang na lang ay itapon.
Isa sa mga batang nandoon ay si Isko. Si Isko na anak ng isang magsasaka at kasambahay. Si Isko na naulila ng kanyang ina nang nuebe anyos pa lamang siya. Nagkasakit ang kanyang ina ngunit dahil sa hirap, hindi nila ito napagamot kaya binawian rin ito ng buhay. Lalo pang lumalala ang sitwasyon nang magkasakit naman ang ama niya nang trese anyos na siya. Gawa ng kayod-kalabaw na pagtratrabaho, nagkahika ito at hindi man lang nagawang ipagamot dahil sa kakapusan ng pera. Muli'y nalagasan na naman ang pamilya nila Isko, ngunit sa pagkakataong ito'y wala nang natitira para umagapay sa kanya. Para siyang isang bulaklak na unti-unti nang natutuyo dahil wala nang dumidilig dito. Sa panahong 'yon akala ni Isko'y katapusan na ng kanyang buhay; nakadepende kasi siya sa kanyang magulang katulad sa pagdepende niya sa hangin upang makahinga.
Sa edad na katorse, buong tapang niyang pinasok ang bagay na para lamang sana sa mga taong nasa wastong gulang na. Ang pagtratrabaho. Hanggang grade 2 lang ang natapos ni Isko kaya mas lalo siyang nahirapang maghanap ng trabaho. Wala siyang ibang opsyon kundi ang maging magsasaka sa isang hacienda. Taga-hakot ng mga saku-sakong naaning palay, taga-tanim at taga-ani. Naramdaman niya ang paghihirap na naramdaman noon ng kanyang ama, doon niya napagtantong dakila ito dahil galun-galong pawis ang nilalaan nito mapakain lamang sila.
Akala ni Isko'y habang buhay na siya doon, ngunit may isang hindi inaasahang bagay ang dumating sa buhay niya. Ang bagay na nagpailaw muli sa kanyang madilim na buhay.
Isang araw, pinatawag ang lahat ng mga magsasaka, trabahador, kabataan at maski'y matatanda sa isang bulwagan sa taas ng bundok sa baryo nila.
Kakaunti lamang ang dumalo, ngunit kabilang si Isko sa kakaunting ‘yon. Hindi lamang basta-basta pagtitipon ang nandoon, bagkus ay isang piging na may kay dami-daming pagkain. Ngayon lamang ulit nakakita si Isko ng ganoon kadami at kasasarap na pagkain, hindi niya na nga matandaan kung kailan siya huling nakatikim ng ganun o kung nakatikim na nga ba siya. Kahit kasi noong buhay pa lang ang kanyang mga magulang, tuyo at asin lang ang nakakayanan nilang bilhin.