Sa lansangan ng Pulang Lupa sa bayan ng Teresa ay may mga batang naglalaro ng piko, tumbang preso, luksong tinik at “Good Morning, Mickey Mouse,” hindi alintana ang init na dala ng buwan ng Mayo maibsan lamang ang pagkabagot na kanilang nararanasan sa kalagitnaan ng bakasyon.
Bukod sa masaya dahil sa mayroon silang pampalipas-oras ay wala ngayon si Juan. Nasaan nga ba siya?
Naroon si Juan! Padabog na naglalaba sa talon na nasa tabi ng kanilang tahanan. Masama ang kanyang loob dahil siguradong hindi siya makakagala ngayon dahil nariyan ang kanyang ama, si Mang Okoy. Sa tuwing wala kasi ito at lumuluwas ng Maynila para magtrabaho ay halos buong araw siya sa galaan at walang ibang ginawa kundi mang-away ng kapwa bata. Malaki kasi ang takot niya sa kanyang ama dahil hindi niya ito lubusang kilala dahil madalas nga itong wala sa kanila.
“Nakakainis! Sana umalis na si Tatay bukas para makapunta akong kapatagan. Nakakatamad dito sa gubat, wala akong magawa,” sambit ni Juan sa sarili kinagabihan.
Sa lansangan ng Pulang Lupa sa bayan ng Teresa ay may mga batang naglalaro ng piko, tumbang preso, luksong tinik at “Good Morning, Mickey Mouse,” hindi alintana ang init na dala ng buwan ng Mayo maibsan lamang ang pagkabagot na kanilang nararanasan sa kalagitnaan ng bakasyon.
Bukod sa masaya dahil sa mayroon silang pampalipas-oras ay wala ngayon si Juan. Teka, wala nga ba?
“Nandyan na si Juan! Takbo,” bulalas ni Karding, ang batang magaling sa tumbang preso.
Dahan-dahang nilingon ng mga bata ang direksyon kung saan nakatingin si Karding. Doon, nakita nila si Juan, ang batang kinatatakutan ng lahat. Nakangisi ito habang naglalakad palapit sa covered court ng barangay kung saan sila naglalaro. Kanya-kanyang takbo ang mga bata para maiwasan ang nagbabadyang unos. Sa kasamaang palad, nahuli ulit ni Juan si Toto, payat at pandak na bata na paborito niyang paglaruan. Hinawakan niya ang tela ng damit nito sa ilalim ng batok at binuhat nang walang kahirap-hirap.
“Magandang araw sa iyo, Toto Palito,” pangungutya ni Juan.
Hindi niya ito tinigilang asarin hanggang sa umiyak ito. Ganoon ang lagi niyang ginagawa. Masaya kasi siya kapag nakakakita siya ng umiiyak. Masayang-masaya.
“Juan! Ano ba iyang ginagawa mo?”
Natigilan ang pilyong si Juan nang marinig ang pamilyar na tinig. Nakita niya mula sa di kalayuan ang kanyang ina na malungkot siyang pinagmamasdan. Agad namang tinanggal ni Juan ang pagkakakapit sa damit ng kawawang si Toto. Bumagsak ito sa lupa at mabilis na tumakbo palayo. Gustuhin man niyang lapitan ang kanyang ina ay hindi niya magawa dahil tila naparalisa ang kanyang mga binti.
Lumuluhang umalis si Aling Seth. Tila naman dinudurog ang puso ni Juan nang masilayan niya sa kauna-unahang pagkakataon ang hitsura na iyon ng kanyang butihing ina.
Nanay.
Minabuti na lamang ni Juan na maglakad-lakad upang makapag-isip na din ng mabuti. Walang kasiguraduhan kung saan siya tutungo. Dahil sa nakayuko siya habang naglalakad ay may mangilan-ngilan siyang nakakabangga sa daan ngunit hindi naman niya pinapansin ang mga ito. Sa paglipas ng mga oras ay nasa harap na ng Sta. Rosa de Lima Church ang pilyong si Juan. Tahimik lang niyang pinagmamasdan ang luma nang pigura at disenyo ng simbahan. Huli na nang mapagtanto niyang pumasok na pala siya sa loob. Sa totoo lang, hindi naman talaga gawain ni Juan ang magdasal, subalit tila may kakaibang damdamin na nag-udyok sa kanya na kausapin panandalian ang Panginoon.
Naupo si Juan sa pinakadulong bahagi ng simbahan. May iilang tao ding nagdadasal nang mga oras na iyon. May nakaluhod at nagrorosaryo, mayroon din namang nakaluhod habang naglalakad at nagrorosaryo papuntang altar ng simbahan.
Habang nahagip ng paningin ni Juan ang imahe ni Hesu Kristo na nakapako sa krus ay mabilis na nagbalik ang mga alaala noong musmos pa lamang siya.
“Ipinako si Hesus sa krus anak kasi tinubos niya tayo sa ating mga kasalanan.”
Hindi lubos maunawaan ni Juan ang sinabing iyon ng kanyang ina. “Ano po ang ibig niyong sabihin, Nanay?”
“Bilang kapatawaran ng Diyos Ama sa atin ay inialay niya ang sarili niyang anak upang makapiling natinsiya sa langit pagdating ng panahon at hindi tayo magdusa sa dagat-dagatang apoy.”
“Kung patuloy akong gagawa ng masama, para ko na ring paulit-ulit na ipinapako si Lord sa krus dahil paulit-ulit din niyang pinagbabayaran ang aking mga kasalanan?” sambit ni Juan sa sarili.
Tuluyan nang kumawala ang mga luha sa mata ni Juan na kanina pa nagbabadyang pumatak. Ngayon lamang niya napagtanto na mali naman pala talaga ang kanyang ginagawa at kahit na inuulit-ulit niya ang ganoong gawain, ang mang-api ng kapwa bata ay patatawarin at patatawarin pa rin siya ng Panginoon.
Kailangan ko nang magbago. Hihingi ako ng tawad sa mga nasaktan ko.
Paglingon ni Juan para makalabas ng simbahan ay nakita niya ang kanyang ina na nakangiting naghihintay. Napatakbo si Juan at napayakap sa kanyang Nanay. Humingi ng tawad si Juan sa pagitan ng kanyang paghikbi sa kanyang ina. Mahigpit na yakap ang naging kasagutan ng huli.
Sa lansangan ng Pulang Lupa sa bayan ng Teresa ay may mga batang naglalaro ng piko, tumbang preso, luksong tinik at “Good Morning, Mickey Mouse,” hindi alintana ang init na dala ng buwan ng Mayo maibsan lamang ang pagkabagot na kanilang nararanasan sa kalagitnaan ng bakasyon.
Bukod sa masaya dahil sa mayroon silang pampalipas-oras ay malakas ang kutob nila na hindi na magpapakita si Juan dahil sa nangyari kahapon. Hindi na nga ba?
“Toto, Karding, si Juan, paparating,” bulong ng isang bata sa dalawa.
Tatakbo na sana ang mga ito subalit ppinigilan sila ni Juan.
“Sandali lamang! Huwag kayong umalis. May nais akong sabihin sa inyo.”
Napahinto ang mga bata sa tinuran na iyon ni Juan. Nilingon nila ito at pinagmasdang maigi.
“Ano ang iyong sasabihin?” tanong ni Toto.
Napakamot at napalunok muna si Juan bago magsalita.
“G-gusto ko sanang humingi ng tawad sa mga nagawa ko sa inyo. Napagtanto ko na mali ang mga nagawa ko, kaya sana mapatawad niyo ako.”
Ang pilyong si Juan ay humihingi ng kapatawaran?
Walang sumagot mula sa mga bata. May mga pag-aagam-agam pa sa kanilang mga damdamin. Hindi kasi nila mawari kung totoo ang mga sinasabi ni Juan. Nagulat sila nang akmang luluhod si Juan sa harap nila. Mabilis na kumilos si Karding at pinigilan siya sa gagawin.
“Oo, pinapatawad ka na namin. Diyos nga nagpapatwad, tae ay este, tao pa kaya. Basta ipangako mo sa amin na hindi ka na mang-aaway ulit.”
Sumilay ang isang matamis na ngiti sa labi ni Juan. Iniangat niya ang kanang kamay at nanumpa sa harap ng mga batang naroroon.
“Ipinapangako ko, magiging mabait na ako sa inyo.”
Sa lansangan ng Pulang Lupa sa bayan ng Teresa ay may mga batang naglalaro ng piko, tumbang preso, luksong tinik at “Good Morning, Mickey Mouse,” hindi alintana ang init na dala ng buwan ng Mayo maibsan lamang ang pagkabagot na kanilang nararanasan sa kalagitnaan ng bakasyon.
Bukod sa masaya dahil sa mayroon silang pampalipas-oras ay wala na silang dapat ipangamba. Dahil ang dating pilyong si Juan, ngayon ay kanila nang mabuting kaibigan.