The Right Thing

90 2 2
                                    

 “’Wag! Tama na po! Tama na! Na--” “Mira, Mira gising!” Niyugyog ni Mang Doming ang asawang binabangungot.

Pawisan at umiiyak namang nagising at bumangon ang ginang, Niyakap nito ng mahigpit ang asawa at humikbi sa kanyang mga bisig.

“Tahan na, panaginip lang ‘yon. ‘Wag ka nang umiyak. Tulog ka na ulit.” Niyakap pabalik ng ginoo ang kanyang asawa. Inalalayan itong mahiga ngunit magkayakap pa rin sila. Hinimas-himas niya ang buhok ng asawa hanggang sa makatulog ulit silang dalawa.

“Ate, ibigay mo ang Barbie ko! Isusumbong kita kay mama. Ate ano ba!” Sigaw ng maliit at patpating batang babae.

“Ayoko! Ako muna ang maglalaro nito, parati na lang ikaw!” Sabay kurap ng mata ng mas matangkad ngunit patpatin ring batang babae.

“Ate akin na kasi!” Nilakasan pa ng mas batang babae ang kanyang sigaw.

“Ayoko nga!” Tinugunan naman ito ng malakas ding sigaw mula sa mas matanda.

Nagising ang mag-asawa dahil sa sigawan na nagmumula sa labas ng kanilang kwarto. Dali-dali silang lumabas at nadatnan ang dalawang babaeng anak nila na nag-aaway nang dahil lang sa isang laruan. Lumuluha na ang siyam na taong gulang na bunsong anak nila, habang nakalabas naman ang dila ng panganay na labing-isang taong gulang na.

Dala na rin ng kulang sa tulog, agad na nag-init ang ulo ni Aling Mira. Agad siyang pumagitna sa dalawa at hinawakan ang mga ito sa kanilang mga braso. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa dalawa, umiiyak na rin ang kanyang panganay na anak dahil dito.

“Ang aga-aga pa nambubulabog na agad kayo! Mga wala kayong kwenta!” Lalo niyang hinigpitan ang hawak sa dalawa, hinila niya ang mga ito papunta sa kanilang kusina.

“Mira, tama na. Ako nang bahala sa dalawang ‘yan.” Pilit na pagpigil ni Mang Doming sa kanya. Ngunit hindi nakinig ang babae, hinila-hila pa rin niya ang kanyang mga anak.

“’Wag! Tama na po! Tama na! Na--” Marahas niyang binitiwan ang dalawang nagmamakaawang anak, dahilan para sumubsob ang mga ito sa malamig na sementadong sahig.

Agad na kumuha ang ginang ng sako mula sa loob ng aparador sa ilalim ng kanilang lababo. Kinuha rin niya ang lalagyang may lamang asin. Agad na inilatag ng ginang ang sako sa harapan ng dalawang nakatumbang bata. Pagalit naman niyang ibinuhos lahat ang lamang asin ng lalagyan.

“Hindi na talaga kayo nagtatanda! Ilang beses ko ba kayong dapat pagsabihan na ‘wag kayong mag-aaway! Lumuhod kayo dito!” Nagmamakaawang tiningnan sa mata ng dalawang bata ang kanilang ina. “Luhod!” Sa kabila ng nakaambang sakit, napilitang sumunod ng dalawang bata. Iyak lang ang naging tugon ng dalawang bata sa nag-aapoy sa galit na ina.

“Mira! Tama na ano ba!” Napasigaw na si Mang Doming, normal nang napapagbuhatan ng kamay ng kanyang asawa ang kanilang mga anak, ngunit mas malala na ang ginagawa nito ngayon. Noon, hindi siya nangingialam sa ginagawang pangdidisiplina ng kanyang asawa sa mga anak nila, naiintindihan kasi niya ang pinanghuhugutan ng sama ng loob ng ginang.

“Tumahimik ka! Kaya lumalaking suwail at masasama ang ugali nitong mga anak natin, e dahil sa kinukun--” Hindi na pinatapos ni Mang Doming sa pagsasalita ang asawa. Hinila niya patayo ang kanyang mga anak at itinago ang mga ito sa likuran niya na para bang maproprotektahan niya ang mga ito sa pamamagitan noon.

“Mira makinig ka nga! Sumusobra ka na sa pananakit sa mga anak natin, hindi ‘yan gawain ng mabuting magulang!” Lalong humigpit ang hawak ng ginoo sa kanyang mga anak, mas lalo pang lumakas ang iyakan ng mga ito dahil ngayon lang din nagkasagutan ang kanilang mga magulang.

“Pero dapat lang ‘yon sa kanila! ‘Yan ang sabi ng na--”

“Ni sino? Ng nanay mo? Mira alam kong galit ka sa kanya, alam kong gusto mong maghiganti sa ginawa niya sa’yo noon, pero hindi mo dapat saktan ang mga anak natin ng ganyan!” Binitawan ng ginoo ang kanyang mga anak at nilipat ang kanyang mga kamay sa magkabilang braso ng kanyang asawa. “Hindi mo kailangang manakit ng ibang tao para lang mailabas mo ang hinanakit mo sa kanya. Sa gingawa mong ‘yan nagiging katulad ka na rin niya.” Malumanay nang saad nito nang mapansing umiiyak na ang kanyang asawa.

DAYDREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon