Alak

119 6 7
                                    

Ilang buwan mo na siyang pinakikiramdaman at inoobserbahan ang lahat ng kanyang kinikilos.

Nakakahilong amoy, tila ba lahat ng hangin ay nagiging polusyon na pumapasok sa kanyang ilong. Hindi mo man makita ang hangin para mapatunayang nakakasama ito sa kalusugan ng iyong inay ay kaya mo pa ring mapanindigan. Minsan kasi’y naririnig mo siyang umuubo pagnakakahigop nang masamang hangin na dulot ng isang stick na nakatultol sa mga labi niya. Ubong tunog na hirap na hirap siya.

Nakakalangong lasa, parang tubig kung tunggain ng iyong ina ang alak sa baso niya. Minsan ay nakakatikim ka rin dahil hinahayaan ka lang niya. Mapait, kaya nagtataka ka tuloy kung bakit niya paulit-ulit iniinom ang nakakasukang lasang iyon? Hindi man masarap para bang hinahanap-hanap ng sistema ng katawan niya ang pag-inom ng alak. Alak na para bang tinuring na niyang gamot, gamot sa katawan niyang namamanhid na sa hapdi ng katotohanan.

Lagi ka lang nakapikit, pinakikiramdaman ang bawat kilos na ginagawa ng iyong ina. Bakit ka nakapikit? Kasi kahit mulat mo man ang mata mo wala ka namang makikita. Naguguluhan ka, naguguluhan sa bawat kilos niya. Nagtataka, kung bakit sinasadya yata niyang sirain ang katawan niya. Hindi malinaw sa’yo, walang malinaw na konklusyon ang pumpasok sa isip mo.

At dahil nasimulan mo na rin naman ang pagoobserba sakanya, hindi ka na titigil hanggang sa makakuha nang tamang sagot na magpapaliwanag kung bakit ginagawa niya ang mga bagay na iyon.

“Nay, bakit?”

Ilang linggo na ang nakakalipas ng magkaroon ka nang maraming tanong sa iyong kokote.

Tanong na gusto mo sanang itanong ng diretso sa’yong inay pero hindi mo magawa. Kahit pilitin mo pa ang iyong sarili ay walang lumalabas na salita sa’yong lalamunan. Tanong kung saan nadagdagan lang ang kuryosidad mo imbis na makatulong. Nadagdagan ng tanong ang dati nang gumugulo sayo sa mga kinikilos niya.

Tanong kung bakit minsan ay nakakaramdam siya ng takot. Magkasama naman kayong dalawa pero bakit sa tuwing sasapit ang gabi, sa tuwing babawiin na ng araw ang liwanag na kanyang dala ay parang normal na sa katawan niya ang matakot at manginig. Bakit kaya?

Tanong kung bakit, bakit kailangan niyang makaramdam nang lungkot? Lungkot kung saan pati ikaw ay naapektuhan, hindi mo kayang itanggi na pati ikaw ay nakakadarama ng lungkot na dinadala niya. Lungkot at hinagpis, magkaiba ang depinisyon pero mukhang parehas lang sa nanay mo. Kulang pa kaya ang prisensiya mo? Hindi paba sapat na araw-araw mo siyang kasama? Para man lang maibsan kahit kaunti ang lungkot na kinikimkim niya?

Tanong kung bakit siya nasasaktan. Hindi mo man nakikita kung paano siya masaktan, ang maramdaman mo lang kung gaano siya naapektuhan ay sapat na para agad dumami ang katanungan sa’yong isipan. Hindi naman kasi pala kwento ang nanay mo, hindi siya sweet, hindi siya masalita kaya nga wala kang halos magawa kung hindi obserbahan na lang ng palihim ang kanyang kilos, pakiramdaman ang iba-iba niyang emosyon na tinatago at muli itanong mo sa’yong sarili kung bakit.

Kung hindi ka lamang nahihiya at binigyan ka lamang ng pagkakataon para magsalita hindi mo sasayangin na sabihin ang nakalista na sa isipan mong mga tanong.

DAYDREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon