“Oh Jonah, magmeryenda ka muna. Heto ang ginataan. Kumain ka,” pag-aalok ni Aling Ezra sa kanyang anak.
Inilapag ng binata ang hawak niyang lapis at isinantabi ang mga pahina na nasa kanyang mesa saka tinanggap ang grasyang iniabot ng kanyang ina.
“Salamat ho, Inay.”
Nilisan din naman agad ni Aling Ezra ang anak dahil baka maabala pa niya ito sa kanyang ginagawa.
“Panginoon, patnubayan niyo po ang aking anak,” maikling panalangin ng ginang nang makalabas na siya ng silid ni Jonah.
Hinimas-himas muna ni Jonah ang malapad na papel saka pumili ng tamang grano ng lapis na kanyang gagamitin. Ipinusisyon ng binata ang lapis. Nasa ilalim ito ng kanyang palad at tanging ang kanyang hinlalaki at hintuturo lamang ang humahawak nito, habang nakasuporta naman ng bahagya ang kanyang hinliliit sa makinis na papel. Sinimulan niyang iguhit ang kanyang isip. Tila niluwa ng kanyang utak ang ideyang nasa loob nito at idinikit sa papel.
Ilang minuto pa ang nakalipas bago natapos ng binata ang kanyang iginuhit. Iniangat niya ang naturang papel. Nagtungo siya sa bintanang nakabukas sa kanlurang bahagi ng kanyang silid at itinapat ito sa liwanag ng papalubog na araw. Nakita ni Jonah ang larawan ng isang batang lalaki na itinutulak pababa ang araw na nasa pagitan ng mga bundok at nasa ilalim ng maninipis na ginintuang kahel na ulap. Napangiti naman ang binata sa resulta ng kanyang iginuhit.
Bata pa man ay nakitaan na ng talento sa sining si Jonah ng kanyang mga magulang. Ngayong malaki na siya ay mas lumaki na din ang bilang ng mga taong nakakapansin at napapahanga sa angkin niyang galing sa pagguhit. Isang araw ay inimbitahan si Jonah ng kanyang gurong tagapayo na sumali sa isang paligsahan sa pagguhit at upang magreprsenta na din para sa kanilang paaralan. Dahil na din sa paghangad na mas mapahusay pa ang kanyang kakayahan ay hindi nagdalawang-isip ang binata na sumali sa naturang patimpalak.
“Nanay, aalis na po ako,” pamamaalam ni Jonah sa ina.
Niyakap ng ginang ang kanyang nag-iisang anak. “Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak,” sabay halik sa pisngi ng binata.
Dalawampu’t isang mga kalahok ang naglaban-laban mula sa iba’t-ibang paaralan ng sekundarya sa bayan ng Teresa nang umaga ding iyon. Binigyan sila ng tatlumpung minuto lamang upang matapos ang ipinagagawa sa kanila. Kailangan nilang iguhit kung ano ang batayan ng pagiging isang tunay na makabansa.
Ibinuhos ni Jonah ang buo niyang isip at konsentrasyon sa papel na nakalatag sa desk na nasa harap niya ngayon. Tila mga bubuyog ang tinig ng mga taong nagbubulungan dito sa bulwagan, dahilan para masungkit ang kanyang atensiyon. Isa, dalawa, apat na beses niyang inulit ang pagguhit dahil sa paulit-ulit na pagkakamali. Lumuluha na ang kanyang puso. Ilang minuto na lamang ang nalalabi ngunit hindi pa niya nalalapatan ng gel pen ang kanyang obra maestra.
Wala na akong oras. Kailangan kong magmadali kung hindi—
Kumalembang na ang kampanilya ng mga hurado. Isa-isa nang kinolekta ang gawa ng bawat kalahok. Malungkot namang ipinasa ni Jonah ang iginuhit niyang lalaki na may hawak na Bibliya sa kanang kamay at bansang Pilipinas naman sa kaliwa na nakadipa at nakaluhod sa mundo. Sa ibabaw ng lalaki naroroon ang Diyos at nakasuporta sa lalaki.
Limang buwan na ang nakalipas mula nang matalo si Jonah sa patimpalak na huli niyang sinalihan. Simula noon, hindi na niya tinangkang gumuhit pa. Tinanggal na niya ang parting iyon ng kanyang pagkatao. Masakit man sa kanyang damdamin, ngunit bumigay na siya sa paniniwalang mananalo siya sa mga patimpalak na kanyang sinalihan, sapagkat paulit-ulit na pagkatalo lamang ang kanyang natatanggap.
Isang gabi, kumatok si Aling Ezra sa pinto ng silid ng kanyang anak.
“Bukas po iyan,” narinig ng ginang na sagot ng binata.
Pumasok ang ginang dala ang isang kahon. Naupo ang ginang sa gilid ng kama ng kanyang anak. Naupo din naman si Jonah mula sa pagkakahiga. Hindi maitatago na nagulat siya nang makita ang kahon na dala ng kanyang ina. Ang kahon kung saan niya itinabi ang mga iginuhit ng nakaraang “siya”.
“Alam mo anak,” umpisa ni Aling Ezra. “Ikinuwento sa akin ito ng tatay mo nung nabubuhay pa siya. Sabi niya ikinuwento din daw iyon sa kanya ng ama niya. Handa ka bang makinig?”
Dahan-dahang pagtango ang naging sagot ng binata. Ngumiti naman ang kanyang ina.
“May isang lalaki na nasa gitna ng pamilihan. At alam naman natin ang mga eksenang makikita sa ganoong klaseng lugar, hindi ba? Maingay at matao. Pero itong lalaking ito, nasa pamilihan hindi para bumili. May hinahanap kasi siyang kuliglig. Tinalasan niya ang kanyang pandinig, maging ang kanyang pakiramdam. Alam mo ba, sa kabila nang ganoong kaingay na lugar ay nahanap niya ang kuliglig? Nasa ilalim ito ng isang dahon na nasa kalye. Nang iniangat ng lalaki ang dahon ay nakita niya ang kanyang hinahanap.”
Huminto si Aling Ezra sa pagkukwento upang pag-aralan ang reaksyon ng kanyang anak. Ngunit blangko pa din ang mukha nito. Napabuntung-hininga ang ginang.
“Ikaw ang lalaki. At ang misyon mo ay hanapin ang kuliglig, ang iyong pangarap. Sa kasagsagan ng iyong misyon, hindi maiiwasan ang mga balakid na susubok sa iyong katatagan. Pero ang kailangan, ang pagtitiwala sa iyong sariling kakayahan, ang paggamit ng matalas na pandinig at ang matinding konsentrasyon. Anak, marami mang humadlang sa pangarap mo, marami ka mang pagsubok na pagdaanan, magtiwala ka lang sa iyong kakayahan. At higit sa lahat, magtiwala ka sa Diyos. Marahil may mas maganda siyang plano para sa iyo pagdating ng panahon. Ipinagkaloob niya sa iyo ang talentong iyan, marapat lang na linangin mo ito at pakanibangan.”
Maluha-luhang niyakap ni Jonah ang ina. Sa pagitan ng paghikbi ay sinikap niyang magsalita.
“S-salamat ho, Inay. Salamat ho sa pagmamahal, at suporta.”
Makalipas ang ilang taon..
Dinumog ang isang exhibit na ginanap sa Cultural Center of the Philippines nang araw na iyon. Maraming mga tagasuporta at tagahanga ang bumili ng iba’t-iba niyang obra maestra. Dumayo din ang mga sikat na pintor sa mula pa sa bansang Italya para masilayan ang kahanga-hangang gawa ng isang tunay na alagad ng sining.
“Ladies and gentlemen, please welcome the illustrator of these magnificent works, no other than Mr. Jonah Almabis!”
Habang papasok siya ng bulwagan ay sinalubong si Jonah ng isang masigabong palakpakan mula sa mga bisita at mga kaibigan. Nakangiti siyang humarap sa mga ito.
Pagtitiwala sa sariling kakayahan at pagtitiwala sa plano ng Diyos, salamat po sa gintong aral, Inay.