Munting Hiling

125 0 4
                                    

Si Fides ay isang batang babae na wala nang ama dahil pumanaw ito noong sanggol pa lamang siya. Si Fides ang klase ng bata na walang sinusunod na utos—‘Sutil’, ‘pasaway’, o ‘makulit’ ang tawag ng mga tao sa kanya. Kahit sino, sinasagot niya at tinatarayan pero wala nang hihigit pa sa kasutilan niya tuwing nasa harap siya ng kanyang butihing ina. Wala siyang pakundangan tuwing nag-uusap sila nito.

Dahil doon, naisipan ng kanyang ina na mag-trabaho na lamang sa Maynila at iwan si Fides sa kanyang tita, sa taong tanging kinatatakutan niya. Kung mataray si Fides, paniguradong mas tatarayan siya ng kanyang tita. Kaya ganoon na lamang ang bait niya tuwing nasa bahay nila ang tita niya—para mabait din ito sa kanya.

“Kung ganyan din lang naman ang trato mo sa akin, mabuti pang magtrabaho nalang ako sa malayo! Mas malaki pa ang kikitain ko at ang maganda, hindi pa kita makikita! Mas lalong hindi ko maririnig ang mga reklamo at kaartehan mo. Biruin mo, sa araw-araw na ginawa ng Diyos nagta-trabaho ako para sayo tapos pag-uwi ko, ganito! Ang masamang ugali mong ang bumubungad sa akin,” litanya ng ina ni Fides. Napahawak pa ito sa kanyang noo gawa ng inis para sa anak. Punong-puno na siya.

“Eh kasi!” daing pa ni Fides ngunit sa katunayan ay nagulat sa pagsabog ng ina na parang isang bulkan.

“Ano? Anong kasi? Sige nga! Mag-isip ka, Fides! May araw ba na hindi ka nagtaray? May araw ba na hindi mo ako sinagot ng pabalang?” sarkastikong tanong ng kanyang ina. “Wala diba? Ang tigas kasi ng ulo mo! Kahit kalian, hindi ka nakinig sa akin!”

“Hala!” reklamo niya pa pero hindi siya binigyan ng ina niya na makapagsalita ng matagal.

“Sige, sumagot ka pa! Para hindi na sa Maynila ang punta ko kundi sa ibang bansa na!” banta ng ina ni Fides. “Sumasakit na talaga ang ulo ko sayo kaya bahala ka na dahil bukas na bukas din, luluwas na ako. Magtuos kayo ng tita mo!”

“Edi lumuwas ka! Ingat!” mataray na sabi ni Fides at padabog na umalis sa harap ng nanay niya. Dumiretso siya sa kwarto at doon nagmaktol.

“Nakakainis! Ako nalang palagi ang mali! Edi umalis siya. Wala naman akong pakialam. Bahala siya,” galit na sabi niya sa sarili pero hindi niya rin napigilang umiyak. Marahas niyang pinunasan ang mga luhang tumulo at inulit ang kaninang sinabi, “Bahala siya.”

Humagi na si Fides at hindi na inisip kung kakausapin niya ba ang nanay niya. Talagang hinayaan niya na ito at natulog na siya.

Paggising ni Fides, napatingin siya sa orasan na nakasabit sa dingding ng kwarto. “Nine na ng umaga ah? Bakit hindi pa rin nagluluto si mommy?” tanong niya sa sarili. Kadalasan kasi, ang mabangong amoy ng umagahan nila na niluto ng mommy niya ang gumigising sa kanya. Nakapagtataka nga lang na wala ang mabangong amoy na iyon sa pagkakataon na ito.

Naisipan ni Fides na bumaba para malaman ang sagot sa katanungan niya. ‘Siguro ay kakagising palang din ni mommy. Minsan nahuhuli talaga siya ng gumising kapag wala akong pasok sa school.’ sabi niya pa sa isip niya.

Pagbaba niya, nagulat siya nang makita ang tita niya.

“Tita, andito po pala kayo? Kailan pa po kayo dumating?” takong tanong niya. Sa loob niya ay may kaba siyang nararamdaman.

“O, gising ka na pala. Kaninang madaling araw lang ako dumating kaya ngayon lang ako nagising. Pasensya ka na. Maghahanda palang ako ng agahan,” sagot naman ng tita niya.

“Ha? Hindi na po kailangan. Siguro po nagluto o magluluto si mommy,” paliwanag niya.

“Mommy mo? Akala ko, alam mo? Umalis na siya. Isang oras pagdating ko,” diretsong sabi ng tita niya na para bang normal lang iyon pero kay Fides, hindi.

DAYDREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon