Tuyo at mainit ang maari mong gamitin na mga salita para ilarawan ang panahon ngayon. Katulad ng mga mata mong nakatitig lang sa malawak na kawalan na walang kurapan. Walang partikular na bagay, lugar o tao kang tinitingnan. Sa katunayan nga ay hindi naman naproproseso sa utak mo ang kung ano mang kanina mo pa tinititigan.
Bahagyang nakanganga ang labi mong may kalakihan na sa palagay mo ay namana mo pa sa iyong ina. Iyon kasi muna ang ginagamit mo ngayong paraan sa paghinga dahil nahihirapan ka sa sipong nakabara sa’yong ilong. Halos makiliti ka naman dahil sa dahan-dahang pagpatak ng mga pawis mo sa may noo, tila ba kasi nag-uunahan ang mga butil na iyon na parang kabayo.
“Isko! Isko!” Parang popcorn na pumutok ang puso mo nang makilala ng tainga mo ang boses na nanggagaling sa labas. Sa halip na sumagot ay lalo ka pang sumiksik sa maliit na bodega sa ilalim ng hagdan. Lugar sa bahay niyo na tanging ikaw lang ang nakakaalam, ikaw ang gumawa para makatakas sa sakit na dala ng realidad.
“Isko! Asan ka? Lumabas ka na riyan!” Marahang dinakot ng palad mo ang labi mong nagsisimula nang manginig dahil sa takot. Tuwing matitimbrehan kasi ng tainga mo ang boses ng iyong ina ay nagkakaroon ng kakaibang reaksyon ang iyong katawan.
Habang sakop-sakop ng maliit mong palad ang iyong bibig, pinunasan naman ng kaliwa mong kamay ang pawis na dumadaloy sa gilid ng iyong pisngi. Dahan-dahan mong pinunasan iyon papataas hanggang sa nagkaroon ng tanong ang iyong isipan kung bakit imbis na sa noo manggaling ang pawis ay sa kumikirot mong mata ito nagmumula.
Pumikit ka nang dahan-dahan ngunit mariin. Pinakiramdaman mo ang mangilan-ngilan mong mga pilik-mata gamit ang iyong hintuturo. Ngunit para bang mali ka yata nang hakbang, dahil mabilis kang nilamon ng kadiliman sa pagpikit mo pa lamang. Hindi mo alam kung saan ibabaling ang iyong ulo. Hindi mo alam kung paano mo tatakasan ang pait ng kahapon dahil kahit kailan hindi mo ginustong lakbayin pa ang nakaraan.
“Asan ka Isko!” Sa tuwing rumerihistro ang boses na iyon sa’yo ay parang nagiging sariwang muli ang mga sugat na pilit mong kinukubli. Itinatago at pilit iniinda nang maliit mong katawan ang sakit na iyong tinataglay.
Ang mga pasang galing sa hampas ng tubo, ang mga latay mula sa sinturon, mga paso mula sa sigarilyo ay iilan lamang sa mga nakahilera sa loob ng damit mo. Halos maging kulay ube na ang iyong mata dahil sa pagkakatama no’n sa gilid ng bintana. Ang bakas ng gapos sa iyong pulso, ang bako-bakong tuhod galing sa pagkakaluhod sa munggo.
Sa isang katulad mong labing apat na taong gulang ay hindi mo alam kung paano mo nakakayanan ang lahat nang pagmamalupit na iyong natatamasa. Baka nga kasuklam-suklam ka lang talaga? Baka naman dahil inutil ka? O baka dahil masama kang anak? Hindi mo talaga alam ang dahilan pero pilit ka pa ring nag-iisip ng dahilan kung bakit nakakaya kang saktan ng sarili mong ina.
Dahil mas masakit naman ‘di hamak kung malalaman mong sinasaktan ka niya ng wala man lang dahilan.
“Isko! Wag ka nang magtago lumabas ka na riyan!” Lalo kang sumiksik sa sulok ng bodega narinig mo kasi ang yabag ng iyong ina papaakyat sa ikalawang palapag.
Imulat mo man ang iyong mata o ilibot man ito sa loob ng bodega ay parehas lang naman, parehas na hindi ka makakita nang ayos. Bigla mo tuloy natanong sa’yong sarili, ang mga ibang bata kaya ay kaparehas mo rin? Parehas nasasaktan, parehas na umiiyak, parehas nahihirapan? Normal ba ang ganyang uri nang pagtrato ng ina sa anak?
Hindi mo alam, gustuhin mo mang malaman ay parang wala namang paraan. Dahil simula pagkabata ay ang umapak sa labas ng pintuan niyo ay hindi mo magawa. Ano nga kaya ang itsura sa labas? Ni amoy ng hangin mula sa kalsada ay hindi mo pa nalalanghap.