“Faith don't come in a bushel basket, Missy. It comes one step at a time. Decide to trust Him for one little thing today, and before you know it, you find out He's so trustworthy you’d be putting your whole life in His hands.”
Napatigil ako sa pagbabasa ng librong Candle in the Darkness nang mabasa ko ang mga linyang ‘yon. Gusto kong tumawa at umiyak, may naaalala akong pangyayari na minsan na ring nagpakilala sa akin sa mga katagang ‘Magtiwala ka sa Kanya.’
Ipinikit ko ang aking mga mata, masikip man sa dibdib, pilit kong inalala ang pangyayaring nagpabago sa buhay namin.
---
“Gumising na kayo!” Nagising ako sa sigaw at pagyuyugyog ng kama. Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata, medyo natagalan pa nga dahil sa nakakasilaw ang ilaw. Kinusot-kusot ko pa ang aking mga mata hanggang sa luminaw na ang aking paningin at nakita kong si mama pala ang sumigaw at yumuyugyog sa hinihigaan namin ng mga kapatid ko.
Nang tinitigan ko si mama, bakas ang kakaibang ekspresyon sa kanyang mukha. Pinagpapawisan siya at malalalim ang paghinga, para siyang nagpipigil sa pagtae. Ano ba ang nangyari o nangyayari? Ang tanong na agad na sumilay sa utak ko.
Tila nababasa ni mama ang aking iniisip sapagkat niyugyog niyang muli ang kama, kasabay ang paliwanag niya.
“Mga anak bumangon na kayo! ‘Yong mga gamit na importante, ilagay niyo sa bag at balutan niyo ang huli ng plastik, lumalaki na daw ang dagat lagpas na sa seawall! Ito na ‘ata ang bagyong Pablo. Bilis na!” Agad kaming napabalikwas sa pagkakahiga ng dalawa ko pang kapatid. Hindi sa dahil nagulat kami sa salitang bagyo, kundi dahil sa kinurot kami ni mama.
Padabog pa akong naglakad palabas ng kwarto, nakita ko si papa na nagbabalot na rin ng mga gamit. Halos mabangga rin ako ng isa kong kapatid, tumatakbo siya papunta sa kabilang kwarto at may dala-dalang plastik.
Bagyo? Baka naman high tide lang ‘yon! Mga katagang nais kong sabihin sa kanila. Kanina pa kasi ang balitang may bagyo at Signal No. 3 pa raw ang aming munisipyo. Kung totoo ‘yon, di sana kanina pa siya dumating! Kanina pa kasi ako naiinis sa balitang ‘yon, hindi natuloy ang lakad namin papunta sa Tagum City kanina para sana sa Regional Leadership Training for Student Government Ofiicers dahil doon. Isang buong araw akong naghintay na magparamdam na ang bagyo, ngunit ni umambon wala akong nasaksihan. Sayang talaga at ‘di kami natuloy.
Tiningnan ko kung anong oras na, alas-onse pa lang pala ng gabi, kung gayon December 3 pa rin. Sa totoo lang, hindi ko rin talaga alam kung anong oras at kailan talaga magla-landfall angbagyong Pablo na sinasabi nila. Sa naisip ko, bigla akong kinabahan. Napasabi ako sa isip kong baka nga ngayong gabi ‘yon darating. Tumulong na lang din ako sa pagbabalot ng mga mahahalagang gamit.
“Sa munisipyo tayo pumunta.” Ang suhestyon ni mama matapos ang matagal na katahimikan sa bahay. Kanina pa kasi kami nag-iisip kung saan pupunta, kung sa paaralan ba, sa covered court o sa munisipyo. Ayon daw sa balita, malakas na hangin ang dala ng bagyo at maari pang umapaw ang dagat dahil dito. Takot kami lalo na’t yari lang sa kahoy at nipa ang aming bahay na minana pa ni papa sa lola niya at hindi rin ito kalayuan sa dagat. Kung tutuusin, hindi kalayuan ang buong munisipyo sa dagat.
Buhat-buhat ang isang malaking bag na binalot ng plastik, kasama ang ilang unan at pwedeng mahigaan: sinimulan na naming maglakad patungo sa minisipyo. Hindi man ito kalayuan sa amin, nahirapan pa rin kaming maglakad sa daan sapagkat medyo malakas na ang hangin.