Isang Oras

87 4 7
                                    

“Ina? Maari ko bang makita ang mga tao?” Walang kamuwang-muwang na tanong ng batang diwatang si Anna sa kanyang ina.

Kumunot naman ang noo ng huli na tila ba’y isang ipinagbabawal na tanong ang binitiwan niya. “Anak, saan mo narinig ang tungkol sa mga tao?”

Ikinwento naman ni Anna ang narinig mula sa kanyang mga kaibigan tungkol sa mga tao. Kahawig daw nila ang mga ito ngunit walang mga kapangyarihan. ‘Di hamak din na mas malulusog at magaganda ang katawan nila sa mga ito dahil sariwa ang kanilang kinakain at preskong hangin ang kanilang nalalanghap sa kanilang munting kaharian sa kagubatan. Napukaw ang atensyon ni Anna sa usaping ‘yon, at ngayon nga’y gusto niyang masilayan ng sarili niyang mga mata ang mga nilalang na tinatawag na tao.

“Nais ko po silang makita,” pagtatapos ni Anna sa kanyang pagkikwento.

“Hindi maaari!” Pasigaw na sambit ng kanyang ina. Galit na ito at kitang-kita nga sa pagtaas nito ng boses. Hindi maintindihan ni Anna kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon ng kanyang ina. Mas lalo tuloy siyang nahihiwagaan sa mga tao.

“Ngunit Ina..” pagsisimula ni Anna.

“Makinig ka sa’kin anak, magulo at hindi maganda ang buhay sa mundo ng mga tao. Hindi tayo nararapat sa mundo nila kaya hindi mo na sila kailangang makita pa.” Malumanay nang saad ng kanyang ina na tila ba’y nagpapa-amo ng isang mabangis na hayop.

Tumango na lang si Anna at nakayukong naglakad papasok sa kanilang tahanang puno. Nakatira sila sa loob ng isang malaking puno na aakalaing mong simpleng puno lang ng narra sa labas. Ngunit pagpasok mo sa loob ay makakakita ka ng malaking espasyo na may mga kagamitan. Lahat ng ito’y gawa ng mahikang taglay ng mga diwata.

Kinagabihan, gising pa rin si Anna kahit na tanging pag-awit na lang ng mga ibon, huni ng mga insekto at pagpatak ng ulan ang maririnig sa labas ng kanilang tahanan. Sa tingin niya’y hindi siya makakatulog hanggang sa hindi niya makita ang mga tao na kanina pang nagpapabagabag sa kanyang isipan.

Naisip niyang tumakas na lang at pursigido na nga siyang gawin ito. Tahimik niyang nilingon ang kanyang inang mahimbing na natutulog sa kanyang tabi. Sinigurado niyang tulog na tulog ito bago siya dahan-dahang bumangon. Nagpalit siya ng isa sa mga puti niyang mahabang damit at dahan-dahang lumabas ng kanilang silid.

Maingat siyang pumunta sa kanilang pinakapintuan. Tuwang-tuwa pa siya dahil tila nakumbinsi niya ang kanyang ina na wala talaga siyang gagawin na hindi man lang binantayan ng mahika ang kanilang tahanan. Nakangiting hinawakan ni Anna ang pinto nang bigla siyang makarinig ng mga atungal ng iba’t-ibang ligaw na hayop.

“Anna!” Biglang naglaho ang ingay sa labas ng kanilang tahanan at napalitan ito ng malakas na sigaw mula sa kanyang ina. Nanginginig na nilingon ni Anna ang sariling ina at nakita ‘tong nababalutan ng pulang aura. Nagngingitngit ito sa galit na kitang-kita sa paggamit ng kanyang kapangyarihan.

“Binalaan na kita anak! Masiyadong matigas ang ulo mo’t nagpadala ka sa kuryosidad. Patawad anak ngunit kailangan mong magtanda!” Ikinumpas ng kanyang ina ang kamay nito at biglang may mala-alikabok na bagay ang lumabas na nagpahilo sa kanya.

Unti-unti nang bumibigat ang talukap ni Anna. Alam niyang anumang segundo ay babagsak na ang kanyang katawan at tuluyan nang pipikit ang kanyang mga mata. Bago tuluyang magsarado ang kanyang mga mata ay may narinig pa siyang sinambit ng kanyang ina.

“Dahil sa kagustuhan mong makita ang mga tao, ipapakita ko sila sa’yo. Ipapakita ko sa’yo ang mga batang katulad mo, batang mausisa sa iba’t-ibang bagay. Ngunit sa pagkakataong ‘to, magiging sila ikaw. Bawat oras, magpapalit ka ng anyo…” wala nang narinig pa si Anna dahil tuluyan na nga siyang nawalan ng malay.

DAYDREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon