Ubas

148 3 5
                                    

“Magtiwala ka lang sakin Tina,” mahinahon mong sabi sa iyong kabiyak, na nakabantay sa’yo habang inilalagay mo ang mga pinipig sa isang transparent na plastic, plastic na halos kasing laki na rin ng isang garbage bag. Iyon ay ang mga ipanininda mo mamaya sa may bus station sa may Monumento.

Mahigit limang taon ka nang nagtitiis sa ganyang uri ng trabaho. Ito rin ang dahilan kung bakit nakakayanan niyong mag-asawa na tustusan ang gamot, na maaring makapagpahaba pa ng buhay ng nagiisa niyong anak. Hindi kayo mayaman, kaya naman nagtataka ka kung bakit ang dumapo pang sakit sa unica hija niyo ay sakit pa na kailangan ng maraming salapi, salaping pinagkait pa yata sa mahihirap.

“May tiwala naman ako sayo Jose, kaya nga lang kulang na kulang ang pera natin para sa operation na gagwin bukas sa anak natin. Wala pa nga yata sa kalahati ng presyo ang meron ang pitaka ko,” hindi maalis ang tono nang pagaalala sa boses ng mahal mong si Tina. Marahan kang napabuntong-hininga, marahan ngunit malalim. Napapapikit ka para sana takasan kahit ilang segundo lang, takasan ang mundong ito na may samu’t-samong problema at gulo.

“Tina, didiskarte ako mamaya. Ako na ang bahala. Ang pagkaabalahan mo na lang ay ang anak natin na nasa hospital ngayon,” may pait sayong salita. Pait ng katotohanan, pait ng realidad, pait ng kawalan ng pag-asa. Simula nang ipanganak ang iyong anak ay halos makuba ka na rin sa kakatrabaho para kumita ng pera.

Dobleng pagod ang nararamdaman mo, dobleng sakit ang kinikimkim mo pagnasisilayan mo ang anak mo na sinusumpong sa sakit nito, dobleng hinanakit kung bakit sa rami-raming pamilyang mayayaman dito sa mundo ay kayo pang kapos ang napili ng sakit na ito. Ang daya ng tadhana, ang mga katagang iyon ay halos nakabaon na sa kokote mo.

“Sige, aasahan ko ang sinabi mo. Dumaan ka na lang mamaya sa hospital pagkatapos mo maglako. Para makabayad na ko ng bills natin na nakatengga sa hospital,” Hinaplos pa niya ang braso mo, na halos tuyot at nagmistulang tsokolate ang kulay sa pagkakabilad sa araw. Kinuha mo na ang plastic at umalis na sa bahay niyong nasa pinakadulo ng eskenita.

Pagkarating mo sa may kalsada ay nagabang ka naman ng bus na dadaan diyan papuntang station. Hindi ka naman naghintay nang matagal, diyan kasi talaga ang daanan ng mga bus na galing probinsiya. Aircon bus ang huminto sa may harapan mo, may iilang pasahero ang bumaba pagkatapos ay umakyat ka naman at inilagay ang supot ng pinipig sa iyong harapan.

“Matamis na pinipig kayo riyan. Bente lang ang apat na supot  murang-mura lang. Malinis ang pagkakagawa kaya naman talagang nakakatakam. Ate at kuya bili na ko diyan,” may ngiti ang iyong mga labi habang binibigkas mo ang maala tulang sinasabi mo sa pagaalok ng inilalako mo.

Ang kaliwang kamay mo, na may hawak sa supot ng pinipig ay nakapatong  din sa sandalan ng upuan ng bus. Ang kanan naman ay may pinagkasyang apat na pirasong pinipig na inilalapit mo sa mga pasahero  para alukin. “Sige na ate, bili na kayo. Maganda itong pasalubong sa kamag-anak niyo.”

Ang iba ay umiiling. Ang karamihan ay hindi ka na lang pinapansin. Mangilan-ngilan ang mga nakatingin sayo, parang sinusuri ang mga paninda mo pero hindi nagtatagal ay iiwas din nman nang tingin ang mga ito. Sa dami ng pasahero ay halos dalawa hanggang apat lang ang magtatangkang kausapin ka para bumili sa’yo. Buti na lang at summer ngayon, maraming umuuwing mga tao sa kani-kanilang pamilya at marami ring namamasyal kaya lumuluwas ng Manila.

“Kuya forty pesos nga niyan,” sigaw ng babaeng nasa likod. Lumapit ka naman agad at huminto sa may tapat niya. Kumuha ng plastic na nakasabit sa’yong bewang. Inilgay mo ang apat na pirasong pinipig na kanina pang hawak mo at kumuha ka pa ng apat pa sa supot mo.

“Salamat po.” Pagkaabot sa’yo ng bayad ay agad ka namang nagpasalamat sakanya. Inalok mo naman ang lalaking katabi niya. “Kuya, ikaw baka gusto mo?” pero umiling lang ito. Sa pwesto mo, ay kitang kita mo na, ang pagpasok sa parking lot ng bus station ng sinasakyan mo. Kaya naman bumaba ka na bago pa makarating ro’n.

DAYDREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon