Kabanata 2

368 15 0
                                    


"Okay na ba ang lahat? Dala niyo na ba ang mga kailangan niyong gamit?"

Ang tanong ni Papa pagkalabas niya mula sa loob ng aming bahay. Sa kanyang kamay ay makikita ang dalawang bagahe. Walang kahirap-hirap niya itong binuhat habang papalapit sa amin. Kahit na batid kong mabigat iyon dahil naglalaman ito ng napakaraming gamit na kinakailangan namin sa panibagong lugar na tutuluyan.

Dumako na rin ang tingin ko kay Mama na kasalukuyan nasa tabi ko. At doon ay namataan ko siyang may bibit din na isang bagahe. At sa braso niya ay may nakakawit na shoulder bag din.

"Okay na. Tara! Umalis na tayo." si Mama na ang sumagot kay Papa.

Ngayon ang araw ng pag-alis namin sa bahay na tinirahan ng napakahabang panahon. Ito na rin ang araw na kung saan kami bibiyahe papunta sa probinsya. At doon muna pansamantalang manuluyan kahit na labag man sa kalooban ko.

Sa huling pagkakataon ay pinagmasdan ko ang bahay na nasa harapan, doon ay nakadama ako ng kalungkutan. Dahil iyon sa kaisipang marahil ay ito na din ang huling sandaling masisilayan ko ang bahay na kinagisnan. Sa kadahilanang kukunin na ito mula sa amin.

"Shane, halika na!"

Ninakaw niyon ang atensyon ko. Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses na tumawag sa akin. At doo’y, si Mama ang nakita ko na nasa loob na ng taxi sa mga oras na yo’n. Samantala, si Papa naman ay nilalagay na ang dalang mga bagahe sa likod ng nasabing sasakyan.

"Opo" Pagkatapos tumugon ay sumakay na din ako.

Nang nasa biyahe na ay inaantok ako. Dahil siguro iyon sa walang ibang magawa maliban sa pag-upo at pagtanaw ng mga tanawin na madadaanan. Hinahayaan ko mga mata kong pumikit pero sa tuwing ipipikit ay biglang magigising. Kaya sa huli ay napagdesisyunan ko na lang ang huwag matulog sa biyahe.

Hindi ko alam kung gaano kalayo ang probinsyang pupuntahan. Pero nakakasigurado akong mahabang biyahe pa ang mararanasan bago makarating doon. Iyon ay ayon na rin kina Mama at Papa. Noong huling punta namin doon ay nakatulog ako sa buong biyahe kaya wala akong nakuhang palatandaan na malapit nang makarating sa probinsiyang iyon.

Inabala ko na lang ang sarili sa pagtingin sa mga tanawing madadaanan. Iba na ito sa nakasanayang mga naglalakihang gusali na makikita sa siyudad. Sa halip ay halos mga puno na ang namamataan kong tanawin na nadadaanan. Wala na rin akong masyadong makitang sasakyan sa kalsada. 

Nang may nakitang isang malaking karatula na nakasulat ang pangalan ng lugar ay pumara na si Papa. Doon ay bumaba na kami dala-dala ang mga gamit namin. Tinulungan ko na rin sila sa pagdala niyon.

Sa pagbaba ay sumalubong sa amin ang alikabok na galing sa hindi sementadong kalsada. Inilabas ko ang dalang panyo, ginamit pang-proteksyon mula doon. Lihim akong napasimangot. Ano ba 'yan! Sa ganitong klaseng lugar ay paniguradong magkakaroon ako ng sakit!

Nilibot ng aking paningin ang lugar. Mukhang nasa terminal kami ng mga Traysikel. Nakaparada malapit sa amin ang iba't ibang klase at kulay nito. Marahil ay iyon lang din ang ginagamit na transportasyon dito dahil iyon lang ang makikitang sasakyan.

"Sa mga Altamera po 'nong."

Pumara si Papa ng isang traysikel at sinabi kung saan kami ihahatid. Pagkatapos pumayag ng drayber ay sumakay na kami.

Si Papa ay umupo sa likod ng drayber samatala, kami ni Mama ang umokupa ng upuan sa gilid ng drayber.

Sa unang pagkakataon ay makakasakay ako ng traysikel. May nakikita naman akong ganito sa siyudad noon pero hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na subukang sumakay sa ganitong klase ng sasakyan. Napaisip tuloy ako kung safe bang sakyan ito. Kailangan kong malaman dahil ito na yata ang masasakyan ko sa tuwing may lalakarin sa lugar na ito.

Sa tapat ng lumang bahay huminto ang sinakyang traysikel. Maayos naman kaming nakarating sa aming distenasyon kahit na may duda noong una sa sinasakyan. Naging abala si Papa sa pagbaba ng mga dalang gamit kaya si Mama na ang nag-abot ng bayad sa drayber. Nauna na akong bumaba at naghintay na lamang sa kanila sa gilid.

"Ma'am! Nandito na sina Ser!"

Mula sa gate ay may isang babaeng ka-edaran ko lamang siguro ang pasigaw na sinabi iyon. Dali-dali siyang lumapit sa kinaroroonan namin na may ngiti sa labi. Lumapit ito kina Mama at Papa at tumulong sa pagbaba ng mga gamit. Kaswal din itong nakipag-usap sa mga magulang ko.

Dumako na ang tingin ko sa bahay na katapat. Medyo sira-sira na ang disenyo nito at kupas na ang kulay. May nakikita na rin akong sapot mula sa gagamba doon. Halatang na pinaglipasan na ito ng mahabang panahon, lumang-luma na. Hindi ko maiwasang ikumpara ang ito sa dating bahay, dahilan para mapabuntong-hininga na lang ako. Dito na ba talaga kami titira?

Sa hambana ng pinto ay isang matandang babae ang sumalubong sa amin. Makikita sa kanyang mukha ang saya nang masilayan niya ang pagmumukha namin. Sinenyasan ako ni Mama na magbigay galang kay Lola. Nang magmano ako ay nasa akin na ang atensyon nito. Kumunot pa ang noo na animo'y sinusuri ako.

"Si Shane na ba ito? Napakagandang dalaga na 'ah. Naku! Paniguradong maraming kalalakihan dito ang mahuhumaling sa batang 'to."

Humaplos pa si Lola sa aking buhok habang tinanong iyon kina Papa at Mama. Ngiti lang ang isanagot ng mga ito sa kanya pagkatapos ay bumaling muli siya sa akin.

"Natatandaan mo ba ako iha? Ako ang Lola Esmeralda mo." sabi niya sa akin.

"Opo 'la. Natatandaan ko po kayo." tugon ko.

"Mabuti naman kung ganu'n. 'O sya! Tara na't kumain lumalamig na ang hinanda kong pagkain para sa inyo."

Matapos niyang sabihin iyon ay sumunod kami sa kanyang paglalakad papunta sa hapag-kainan. Nang makarating doon ay sinalubong kami ng iba't ibang pagkain sa mesa. Nagutom tuloy ako!

"Shane iha, baka gusto mong mamasyal bukas? Ipapasama ko si Bibit sa'yo para may kasama ka sa pamamasyal mo."

Sa kalagitnaan nang pagkain at pangungumustahan ay lumipat ang atensyon ni Lola sa akin. Tumigil ako saglit sa pagngunguya ng kinakain upang bigyang pansin ang pagyaya niya sa akin na mamasyal sa lugar na ito.

"Huwag na 'la. Dito nalang po ako sa bahay."

"Bakit naman? Mababagot ka lang dito iha. Maraming magagandang pasyalan sa sentro tiyak na matutuwa ka doon."

Sa huli ay pumayag na rin ako para matapos na ang usapan. Hahaba pa kasi iyon panigurado ko patuloy pa akong tatangi Pagod na ako at gusto ko nang pagpahinga.

Pagkatapos kumain ay dinala na kami sa aming matutulugan. Sa kwartong nasa ikalawang palapag ang napili kong maging silid-pahingaan ko. Maliit lamang iyon kumpara sa dati kong kwarto kaya nanibago ako. At nang handa na sa pagtulog ay nahiga na ako at ipinikit na aking mga mata. Hinihiling na sana sa paggising ay magbalik sa dati naming buhay. Ayaw ko dito!

The Promdi Boys Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon