HEK-1.2
HABANG nakahiga ako sa malambot na upuang binalutan ng katad ay inabala ko ang aking sarili sa paglalaro ng mga libro. Sa isang pitik ng aking kamay ay siya ring pagkatanggal nito sa lalagyan at muli ay palulutangin upang ibalik muli. Napatigil ako sa aking ginagawa nang marinig ko ang yabag ng mga paa, patungo rito sa silid-aklatan. Ramdam ko sa hangin ang bawat paggalaw nito, lalo na ang tibok ng kanyang puso. Halata siyang tensyunado. Nang lumapat ang kanyang kamay sa busol ay agad akong tumunghay sa kanyang likuran.
"Bo!" malakas kong sambit.
"Ah!" tili niya at natumba. Nabitiwan niya rin ang kanyang mga dala. Yumuko ako para pulutin ang mga dala nito.
"May kailangan ka?" Tulala pa rin siya. Pinitik ko ang aking daliri. Nahigit niya ang kanyang hininga at bumalik sa kanyang huwisyo.
"G-ginulat niyo po ako senyorita Mocha, paumanhin po sa aking naging reaksyon. Kumusta po ang tulog niyo?" Napataas ako ng aking kilay kasabay ng aking pagkamangha. Namilog ang mga mata niya.
"Pasensiya na po senyorita Mocha. Nakalimutan ko pong hindi pala kayo natutulog."
"Maliit na bagay. Ano 'yan?" tukoy ko sa mga dala niya.
"May pasok po tayo ngayon. Unang araw niyo po sa trabaho." Umawang ang aking bibig dahil sa narinig.
"Sa yaman ng pamilya namin Ericka ay 'di ko na kailangan pang magtrabaho."
"Ngunit ang bilin po ng senyorito Steffano ay kailangan bumagay po kayo rito sa isla Herodes. Mainit sa mga mata ng iba ang walang trabaho. Sinilip ng ilan ang estado niyo sa buhay at iyon po ang iniiwasan ng senyorito Steffano. Bawal niyo rin po gamitin ang apilyedong Zoldic habang naririto po kayo sa isla Herodes."
"Kalokohan!" wika ko at nahampas ang aking kamay sa kahoy na barandilya. Nasira pa ito dahil sa lakas ng puwersa. Yumuko siya.
"Ipagpaumanhin niyo po senyorita Mocha pero iyan po ang utos ng pinsan niyo." Igting ang aking panga at padabog na kinuha ang kanyang mga dala. Tinungo ko ang silid at agad na pumasok sa banyo upang makapag-ayos ng sarili.
"Kahangalan!" anas ko sa kawalan habang nagbibihis na.
Nang matapos ako'y bahagya akong natigilan nang makita ang sarili sa harapan ng salamin. Suot ko'y uniporme ng isang guro. Kung ganoon ay magpapanggap akong isang guro sa unibersidad na pag-aari ng pamilya namin. Laglag ang aking mga balikat na lumabas ng silid.
"Ang salamin niyo po senyorita-"
"Sinabi ko na sa iyo, tigilan mo na ang pagtawag sa akin ng ganyan."
"Sige po, ate."
"Mabuti." Kinuha ko sa kanya ang antipara at isinuot ito. "Kumusta ang ayos ko?" Matamis niya akong nginitian. "Bagay po sa inyo."
"Salamat. Tara na." Sa pagkasabi ko niyon ay agad akong nawala sa kanyang harapan ngunit napabalik din naman ako ng tunghay kay Ericka.
"May nakalimutan ba ako?" Tipid siyang napatawa.
"Umakto po kayo normal ate. Wala po tayong sasakyan kaya maglalakad po tayo. At sasama po ako sa inyo dahil ako pa rin po ang personal ninyong alalay." Napamaywang ako.
"Wala ba akong pagpipilian?" Umiling naman ito. Kumikit-balikat na lamang ako at dumaan ng wasto sa pinto, palabas ng bahay.
"Masasanay din po kayo niyan ate."
"Ewan ko lang."
BINABASA MO ANG
HIS EXTRAORDINARY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 6]
VampirosZoldic Legacy Series 6 Hindi inakala ni Mocha na ang misyong inaatas sa kanya ay ang magdadala sa kanya sa isang hindi kanais-nais na pangyayari. Ang akala niya'y magiging madali ang lahat. Ngunit hindi niya inaasahang sa pag-apak niya muli sa Isla...