HEK-5.1

5.3K 177 9
                                    


HEK-5.1

NASA kalagitnaan na ako ng aking pag-eensayo nang biglang may nahiwa ang aking hawak na espada. Agad itong kumalansing na para bang may natamaan akong matigas na bagay. Napahinto ako at agad na tinanggal ang piring sa aking mga mata. Nagsiliparan sa ere ang mga pahina ng libro. Nang bumagsak ang lahat sa sahig ay nasa harapan ko na siya. 

"Ikaw na naman!?" 

"Hindi ka ba sabik na makita ako?" Natawa ako. 

"Hindi. Bakit ako makararamdam ng ganoon sa taong gustong pumatay sa akin?" 

"Tinangka ba kitang patayin? Nakalimutan ko pa lang sabihin sa iyo mahal ko. Sadista ako sa mga babaeng palaban." Humigpit ang hawak ko sa espada. 

"Hangal ka! Hindi ikaw ang itinakda para sa akin kaya lubayan mo na ako!" Sinugod ko siya. Sa bawat hampas ko'y nasasalag niya. Kaya niyang labanan ang lakas ko. Hindi siya normal na nilalang. Bigla niya naman akong sinipa sa tagiliran kaya paatras ako ng dalawang dipa sa kanya. Tinanggal naman niya ang kanyang guwantes sa kanang kamay. 

"Ito ang patunay," aniya at ipinakita sa akin ang kanyang kanang bisig.

Namilog ang aking mga mata. May marka siya ng itinakda. Imposible! "Wala ba akong yakap at halik man lang galing sa iyo mahal ko?" 

"Ugh!" ungol ko at muli siyang sinugod. 

"Sinungaling ka!" 

"Dugo ko ang gamot sa sugat mo sa iyong braso. Tama ba?" aniya habang sinasalag ang mga hampas ko sa kanya. 

"Impostor ka!" singhal ko. Hindi siya ang gusto ko para maging itinakda para sa akin. Iba ang gusto ko. Buong puwersa ko siyang sinugod pero naabutan niya ang aking binti at nahawakan. Hinila niya ako at ang kanya kamay ay lumipat sa aking leeg. Ibinagsak niya ako sa sahig at dinaganan. Ngunit laking pagtataka ko at kung bakit siya biglang natigilan. Pinunasan niya ang aking pisngi. Maging ako ay natigilan din. Lumuha ako nang 'di ko namamalayan? 

"Bakit?" Hindi ako nakasagot. 

"Bakit!?" Sinuntok niya ang sahig. Nang kumurap ako'y wala na siya sa aking harapan. Nasapo ko ang aking noo. Huminga ako ng malalim. Nahihibang na nga yata ako. Agad na nagsipagbagsakan ang mga luha ko sa aking mga mata. Kabaliwan man ngunit ang bigat para sa akin na malamang ibang tao pala talaga ang nakalaan para sa akin. Ngunit nasasaktan ako. Hindi ko matanggap. Limang daang taon kong tinikis na balewalain ang nararamdaman ko. Pero nandito pa rin. Siya pa rin ang iniibig ko ngunit lumayo ako sa kanya. Pinagbawalan ko ang aking sarili na mabaon sa matinding pag-ibig. Tumakas ako. Sinunod ko ang propesiya at ngayong nandito na'y parang bumabalik ngayon sa akin ang dati. Punong-puno ako ng pagsisisi. Sana naging kagaya ako ni Zsakae na may paninindigan. Nasuntok ko ang sahig at humagulhol ng matindi. 

KINABUKASAN. Wala akong kinakausap. Puno ang utak ko ng hangin. Ni wala akong ganang magturo. Hinayaan ko lang ang aking mga istudyante na mag-ingay. Gusto ko na tapusin ang misyon ko. 

PAGKATAPOS ng klase ko'y diretso ako sa parke. Umupo ako sa sementong upuan at napatingala sa kalangitan. Masiyadong kalmado ang langit. Magaan lang sa pakiramdam ang haplos ng hangin. 

"Wala ka yata sa iyong sarili Mocha." Agad akong napabaling kay Alquin. Tumayo at humarap sa kanya. 

"Hindi mo ba talaga ako kilala?" tahasang tanong ko. 

"Ikaw si Mocha," sagot nito at nginitian pa ako. Agad na naningkit ang aking mga mata. 

"Huwag kang sinungaling," mariing wika ko. 

"Hindi ako nagsisinungaling. Dapat ako ang magtanong sa iyo. Sino ka nga ba talaga?" Nakuyom ko ang aking mga kamao. Wala talaga akong makitang pagpapanggap. Tinalikuran ko na siya pero bigla niya akong hinila. Nalaman ko na lang na bumagsak na pala sa aking likuran ang malaking puno ng kahoy. 

"Mag-iingat ka sa susunod," aniya at binitiwan na ako. Tinalikuran na niya ako. Igting ang aking panga. Hinugot ko ang banal na punyal sa aking tagiliran. Humanda na ako sa pagsugod ngunit biglang dumating si Erna at sinalubong ng malutong na halik sa labi si Alquin. Agad kong naitago ang banal na punyal. 

"Buwesit," mura ko sa kawalan. Nang mawala sila sa harapan ko'y natadyakan ko ang punong natumba. Agad itong nahati sa gitna. Asar na asar na naman ang pakiramdam ko. Pinapahirapan ako ng husto ni Steffano. Hangal talaga siya! 

UMUWI ako sa bahay. 'Di na ako pumasok. Tinatamad ako. Mali. May ayaw akong makita. Huminga ako ng malalim at tumihaya. Nasa sahig ako ng silid-aklatan. Gusto ko ang lamig ng sahig na lumulukod sa aking manipis na balat. 

"Hindi ba dapat ay nasa unibersidad ka?" Agad akong napabangon at naibato ang punyal sa kanya. Diretsto ito sa kanyang noo pero hindi ito natuloy dahil humarang ang isang daliri niya. Pinitik niya ito at ang punyal ay natusok sa kisame. Kinuha ko ang aking espada at sinugod siya. Nahiwa ko ang plorera. Tumalon siya sa ibabaw ko at tumunghay sa aking likuran. Sinipa ko siya pero sinalag niya gamit ang isang kamay. Sugod ako nang sugod pero isang kamay lang ang gamit niya sa pagsalag sa akin. Nang humanda na ako sa pagsugod ay bigla niya akong sinuntok sa sikmura. Diretso akong napaluhod at nabitiwan ang espada. Napasuka ako ng itim na dugo.

"Ano ba ang ginagawa mo sa iyong sarili Mocha? Hindi ka naman ganyan," aniya at isinukbit ang ilang hibla ng aking buhok sa likod ng aking tainga. Hindi ako umimik. Pinunasan ko ang aking labi. Inangat naman niya ang aking mukha. 

"Bakit ka nagkakaganyan?" 

"Alam mo ang dahilan." 

"Alam ko ang lahat Mocha ngunit hindi ang nilalaman nito." Itinuro niya ang aking kaliwang dibdib. 

"Kailanman ay 'di mo ako binigyan ng sakit sa ulo. Lahat ng batas natin ay wala kang sinuway. Naging sunud-sunuran ka kay Luna. Nang dahil doon ay naging manhid 'to." Idiniin niya ang kanyang hintuturo sa aking kaliwang dibdib. 

 "Hindi man iyan tumitibok ngunit marunong siyang masaktan. Nakararamdam ng mga emosyon." Agad na bumagsak ang mga luha ko sa mata. 

"Bakit hindi siya?" Nginitian niya ako. 

"Bulag ang iyong mga mata. Bakit nga ba hindi siya? Anong gagawin mo Mocha?" Mas lalo akong napaiyak. 

"Hindi ko alam." 

"Hindi sa lahat ng oras, utak ang gagamitin mo Mocha. Matuto kang makiramdam." Hinagkan niya ang aking noo. 

"Alam mong lahat ay nakaayon sa kagustuhan ni Luna. Ngunit mapagbigay siya Mocha. Saka ko na padadalawin sa iyo si Catherine. Ayusin mo ang iyong sarili." Tumayo na ito at tinalikuran ako. 

"Steffano," tawag ko sa kanya. Pumaling siya sa akin. 

"Huwag mo akong bibiguin Mocha," aniya at biglang nawala sa aking harapan. Nasuntok ko ang sahig. Apektado ako ng husto at alam na alam ni Steffano ang kahinaan ko. Mariin akong napapikit. Pinunasan ko ang aking mga luha at kinuha ang espada. Tumayo ako. Pinunasan kong mali ang aking labi. 

"Susugal ako," anas ko sa kawalan. 


HIS EXTRAORDINARY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 6]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon