HEK-12
Matapos sakupin ni Alquin ang aking labi ay agad din naman siyang nawala sa aking harapan. Nagpakawala ko ng marahas na hininga. Hindi pa rin talaga siya nagbabago. Ni hindi ko kayang kontrolin ang mga bagay na gusto niya. Pareho kaming matigas ang ulo. Minsan nga'y nagtataka ako kung bakit nagkakasundo kami gayong parehong-pareho ang ugali naming dalawa.
Kinuha ko ang suklay at humarap sa malaking salamin. Dahan-dahan kong pinadaan ang mga ngipin ng suklay sa aking buhok.
Nag-aalala pa rin ako sa kalagayan ni Ericka. Hindi ako mapapatawad ni Angelika kapag nalaman niya ito.
Inilapag ko ang suklay sa mesa at lumabas ng silid. Tinungo ko ang malaking bulwagan. Tinalon ko mula sa kisame ang dalawang espadang nakasabit at kinuha ito.
Nang lumapag ang mga paa ko sa semento ay konti pang bumiak sahig na gawa sa marmol. Hindi ko ito pinansin at pumuwesto sa gitna at nagsimula nang mag-ensayo.
Nasa kalagitnaan na ako nang biglang may humawak sa dulo ng aking espadang hawak.
"Steffano..." sambit ko.
"Alam na ng mga Seltzer ang pagparito mo sa isla Herodes ngunit bakit hindi ka pa rin gumagawa ng aksyun sa kabila ng lahat?" aniya.
Binitiwan niya ang espadang aking hawak.
"Paano mo ako natunton dito?" takang tanong ko.
"Dahil madaling mabasa ang mga kilos mo. Alam kong hahantong at hahantong ka sa poder ni Alquin. Ngayon pa ba ako magtataka gayong siya ang itinakda ni Luna para sa iyo."
Umigting ang aking panga. Alam kong hindi madaling pagtaguan si Steffano lalo na't siya na ang aming naging pinuno. Marami na siyang galamay. At isa pa'y hawak niya ang salamin ni Luna.
"Hayaan mo akong gawin ang gusto ko. Hindi ko nakakalimutan ang misyon ko at alam mismo ni Alquin iyon."
"Bilib din naman ako sa nilalang na iyon. Nagawa niyang makipagkasundo sa akin para lamang sa iyo."
Natigilan ako.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Dugo niya kapalit ang kalayaan mo sa poder ko, sa batas natin, at sa lahat..."
Bahagya naman siyang napatawa.
"Naaalala ko sa kanya ang aking sarili no'ng mga panahong wala pa si Catherine sa aking piling. At labis ko siyang naiintindihan. Alam mo nang isa siyang Bellator. Huling lahi ng ating mandirigmang kayang pumatay at umubos sa ating lahi, lalo na sa mga Seltzer. Kaya malaki pa rin ang pasasalamat ko sa iyo dahil ang nagbabadyang digmaan sa pagitan niya'y naglahong parang bula dahil umibig siya sa iyo."
Lumapit naman siya sa akin at hinagkan ang aking noo.
"Ang kasunduan ay kasunduan Mocha. Hahayaan kita sa kanya at hahayaan ko rin ang lahat nang naisin mo sa iyong sarili. Huwag mo lang sanang kalimutang parte ka pa rin ng pamilya natin kahit ititiwalag na kita sa posisyon mo."
Agad na nag-unahan sa pagbagsak ang mga luha ko sa aking mga mata.
"Hindi mo papaslangin si Alquin sa oras na ibigay niya ang kailangan mo?" tanong ko.
Agad naman siyang umiling.
"Itinakda siya ni Luna, masuwerte siya. Pero hindi ko hawak ang kapalaran ninyong dalawa. Hindi lang ako ang kaaway Mocha, marami kami," aniya.
Mahigpit kong nahawakan ang espada.
"Ipangako mo pa rin sa aking hindi mo siya gagalawin," matigas kong ani.
Umatras naman siya.
"Ang kasunduan ay kasunduan," anito at unti-unting naglaho sa aking harapan.
Mas lalong humigpit ang pagkakahawak ko sa dalawang espada. Sa galit ko'y itinarak ko ang dalawa sa sahig na gawa sa marmol.
"Hangal," mariing wika ko.
"Sayang ang sahig ko," wika ni Alquin sa aking harapan. Agad na nanigas ang aking leeg at agad na binunot ang dalawang espada. Nakayuko ako. Ang mukha ko'y natatabunan ng aking buhok kung kaya hindi nito nakitang nag-unahan na sa pagbagsak ang mga luha ko.
"Mocha," aniya.
"Hangal ka talaga!" bulyaw ko at sinugod siya. Panay ang iwas niya sa tuwing pinatatamaan ko siya ng aking dalawang espadang hawak.
"Anong kalokohan na naman ang ginawa mo!?" bulaw ko at napaatras nang akma niya akong sisipain.
"Nakipagkasundo ka kay Steffano nang lingid sa kaalaman ko!? Bakit mo ginawa iyon!? Hindi ba't nagkaintindihan na tayong dalawa!"
"Walang masama sa ginawa ko."
Umigting ang aking panga.
"Wala!? Inalisan mo ako ng posisyon sa pamilya namin. Alam mo ba kung anong posibleng mangyari? Sa oras na kumilos ang mga Seltzer, wala na akong mahahatak na tauhan sa angkan ko! Bakit ba nagdedesisyon ka nang walang abiso ko! Ni hindi mo man lang itinanong sa akin! Ano ba ako sa iyo!?" umiiyak kong wika sa kanya.
Muli ko siyang sinugod. Sa isang tira ko'y nahawakan niya dulo ng espada. Agad na dumugo ang kanyang kanyang palad.
"Ano ka sa akin? Ikaw ang kabiyak ng aking puso. Ikaw ang buhay ko. Ikaw ang hininga ko. Ikaw ang lahat sa akin."
Mas lalo akong napaluha at nabitiwan ang hawak kong mga espada. Diretso akong napaluhod habang sapo ng aking mga palad ang aking mukha. Walang humpay ang aking pag-iyak.
Tiningala ko siya.
"Nakipagkasundo ka sa kanya. Wala ka bang tiwala sa akin?"
"Pagod na pagod na akong magtiwala sa mga taong nakapalibot sa iyo! Nakipagkasundo ako kay Steffano kapalit ang hindi ko paghasik ng digmaan. Kapalit ng dugo ko. Kapalit ng kalayaan mo."
"Malaya ako Alquin!" giit ko.
"Hindi totoo 'yan! Iniwan mo ako! Iniwan mo ako dahil wala kang kalayaang mamili! Dahil sa pesteng propesiyang sinusunod ng angkan ninyo'y nawala ka sa akin ng maraming taon! Kaya hindi ko na hahayaang ilayo ka sa akin ulit ng pamilya mo dahil sa kahangalang misyon na inaatas sa iyo!"
Natulala ako sa aking narinig. Lalo na ang pagluha ni Alquin sa aking harapan. Ngayon ko lang siya nakitang ganito. Ngayon lang.
"Hindi ba't wala ka naman talagang balak na hanapin ako? Hindi ba't napasubo ka lang? At kahit ganoon ang nangyari, binalewala ko iyon sa aking isipan dahil matindi ang pagmamahal ko para sa iyo. Ngayong tadhana na ang nagbibigay ng pagkakataon sa akin. Hinding-hindi ko na hahayaang mawalay ka pa sa akin. Hindi na ako papayag na iwanan mo ako ulit."
Natutop ko ang aking bibig. Ang bawat salitang binibitiwan niya'y ramdam na ramdam ko ang matinding sinseridad. Isa lang ang alam ko ngayon. Mas higit ang pag-ibig niyang alay kaysa sa akin.
BINABASA MO ANG
HIS EXTRAORDINARY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 6]
VampireZoldic Legacy Series 6 Hindi inakala ni Mocha na ang misyong inaatas sa kanya ay ang magdadala sa kanya sa isang hindi kanais-nais na pangyayari. Ang akala niya'y magiging madali ang lahat. Ngunit hindi niya inaasahang sa pag-apak niya muli sa Isla...