HEK-15

5.2K 171 2
                                    


HEK-15

NAHILOT ko ang aking sintido at nagpalit ng damit. Umawang naman ang pinto ng aking silid at iniluwa nito si Alquin. Hindi siya tuluyang pumasok at sumandal lamang sa pinto ng aming silid. 

"Kumusta siya?" tanong ko. 

Humalukipkip siya. 

"Maayos siya ngunit isang linggo ko lamang kayang patulugin siya sa kanyang himlayan." 

Napabuga ako ng hangin. 

"Apat na araw na tayong hindi pumapasok sa unibersidad. Nagtataka na ang mga iyon," pag-iiba ko ng usapan. 

"Bakit ka mababahala? Hawak mo naman ang oras mo, bakit ka biglang nabahala?" Lumapit siya sa akin at umupo sa aking tabi saka tumihaya sa kama. 

"Alam mong nasa isla Herodes tayo. Marami tayong kaaway na kailangang tapusin Alquin. Baka nakakalimutan mong hindi lang naman ang iyong amaing si Exus ang may galit sa Bellator. Pati angkan ko ay itinuturing kang mapanganib. Kahit na si Steffano ay ganoon din ang pananaw."

Pino naman siyang tumawa dahilan para kumunot ang aking noo. 

"Hindi ako magsisimula ng digmaan kapag alam kong maayos ka mahal ko," aniya at pinadaan ang kanyang mga daliri sa aking nakalantad na likuran. 

Pumaling ako sa kanya. 

"Alam mong kaya ko ang sarili ko. May kasunduan na kami ni Exus."

"Kahit pa sabihin nating may kasunduan kayo ngunit sa pagitan niyo lang dalawa ni Exus iyon at hindi sa mga ka alyansa niya." 

Napaikot ko ang aking mga mata at napailing. Malaki ang punto niya ngunit sapat pa ring basehan ang kasunduang nilagdaan naming dalawa ni Exus. Kapag sumuway siya'y mapipilitan akong paslangin si Kaye sa oras na dumating ang araw na iyon. 

"Pumasok tayo," utos ko ko at hindi bilang pakiusap sa kanya. 

Bumangon naman siya at hinapit ang aking baywang. Hinagkan niya ang aking noo. 

"Kung iyan ang iyong nais," aniya. 

KINAUMAGAHAN ding iyon ay sabay kaming pumasok sa unibersidad. Saglit pang nagtaka ang iba ngunit wala naman akong narinig na mga salita, nakapagtataka.

Sabay naming tinungo ni Alquin ang silid ng pakultad at ganoon na lamang ang pag-arko ng aking kaliwang kilay nang biglang tumalon si Erna kay Alquin. Niyapos niya ang aking nobyo na para bang kay tagal niyang hindi nakita. Igting ang aking mga panga. 

"Nasa eskuwelahan tayo Erna," wika ni Alquin at marahang itinulak si Erna. 

"Nasabik lang ako nang makita kitang pumasok Alquin. Paumanhin," nahihiya pa nitong wika gamit ang napakalamyang boses. 

Naningkit ang aking mga mata nang bumaling sa akin si Alquin. 

"Ayaw ko na sanang maulit pa ito Erna lalo na't nasa harapan tayo ng aking nobya," wika ni Alquin dahilan upang mahigit ko ang aking hininga. Nabigla ako sa kanyang sinabi. 

"N-nobya!?" gulat din namang bulalas ni Erna at biglang bumaling sa akin. Wala namang ibang tao bukod sa akin. 

"Tama ka Erna. Si Mocha ay ang aking nobya. Sa katunayan nga niyan ay matagal ko na siyang kasintahan. Sadyang ako lang talaga ang nahihiyang magkuwento tungkol sa aming relasyon," paliwanag niya pa kay Erna ngunit sa sulok ng mga labi niya'y sumilay ang isang pilyong ngiti. Napaikot ko ang aking mga mata. Nais ko siyang sapakin dahil ako pa talaga ang ginawa niyang rason ngunit nakaramdam din naman ako ng kapayapaan sa aking dibdib. Ngayong alam na ni Erna ang relasyon naming dalawa ni Alquin, may posibilidad na tumigil na ito sa pagpapantasya sa aking nobyo. O kaya naman ay baka tumindi ang galit niya sa akin? Nakakasabik ang ganoong ideya. May rason na akong paslangin siya. 

Napahalukipkip ako. 

"Tama siya Erna. Masiyadong mahiyain ang aking nobyo kung kaya't palihim din ang aming naging relasyon. Nagulat ka ba namin? Pasensiya ka na ngunit dapat bang ipaliwanag pa namin sa iyo ang bagay na iyon? Sa pagkakaalam ko kasi ay pribadong usapin iyon sa pagitan naming dalawa ni Alquin. Hindi mo rin naman siguro mamasamain kung naglihim man kami sa iyo, 'di ba?" nang-uuyam kong wika.

Hilaw naman siyang ngumiti. 

"A-ayos lang... Paumanhin..." anito at biglang umalis sa aming harapan. 

Pumalakpak naman ang aking butihing nobyo. Agad ko siyang nasuntok ngunit agad din naman niya itong nasalag at hinapit ang aking baywang. Hinagkan niya ang aking labi at agad din namang lumubay. 

"Pinahanga mo ako sa pang-uuyam mo kay Erna. Kaya nga mahal na mahal kita," aniya pa at kinindatan ako. 

"Nakakadiri ang pagyapos niya sa iyo ng ganoon. Hindi ko masikmura," sagot ko. 

Tumawa naman siya. 

"Parang gusto ko yatang maligo sa ilog mamaya. Tumakas ka sa klase mo mamaya mahal ko. Samahan mo ako." 

Nailing ako at nasapo ang aking batok. 

"Ikaw ang bahala," sagot ko na lamang at umuna na sa pagpasok sa pakultad. 

Kinuha ko agad ang aking mga gamit. 

"Grabe ang hagulhol ni Erna kanina nang madaanan ko siya sa kantina kanina," wika ni Meriam. 

"Oh? Naitanong mo man lang ba kung bakit nagkaganoon siyang bigla?" usisa naman ni Coleen. 

"Aba'y ayaw naman akong sagutin. Nagtataka nga ako dahil sobrang sigla naman niya kanina," malungkot pang sagot ni Meriam. 

"Dahil hindi niya kinaya ang balitang nalaman niya," sulpot naman ni Rosario. 

Napatigil ako sa aking ginagawa at humarap sa kanilang tatlong. 

"Totoo ba Mocha?" tahasang tanong ni Rosario sa akin. Nagtataka naman ang mga mukha nila Meriam at Coleen. 

"Ano ang totoo Rosario?" usisa pa ni Coleen. 

"Si Alquin at Mocha ay may relasyon," diretsang imporma niya. 

Konting umangat ang kaliwang sulok ng aking labi. 

"Ha!? Totoo!?" gulat na bulalas ni Meriam habang nakatingin sa akin. 

"Talaga!? Kailan pa Mocha?" sabik pang tanong ni Coleen at lumapit sa akin. 

"Matagal na. Simula nang magka-isip kaming dalawa," sagot ko. Hindi ko rin naman puwedeng sabihin na ilang dekada na ang relasyon naming dalawa ni Alquin. 

"Grabe! Bakit hindi man lang namin nalaman!? Napakalamig ng trato mo kay Alquin," kumento pa ni Meriam. 

"At dahil sa ginawa ninyong paglilihim ay nasasaktan ngayon ang kaibigan kong si Erna," mariing ani pa ni Rosario. 

Tumayo ako ng tuwid at napahalukipkip. 

"Bakit para yatang pinalalabas mo na kasalanan pa naming dalawa ni Alquin ang nangyari kay Erna. Si Alquin ang may gustong ilihim ito. Bakit hindi siya ang sumabatan mo? At isa pa nga pala Rosario..." Lumapit ako sa kanya. 

"Wala kang alam. Hindi mo ako kilala at hindi mo alam kung sino ang kinakalaban mo. Alam ni Erna ang relasyon naming dalawa ni Alquin. Malapit silang dalawa sa isa't isa. Bakit hindi mo tanungin si Erna para malaman mo kung ano ang mga alam niya. Ang hirap kasi sa iba ngayon, nakikialam kahit hindi naman dapat makialam." 

Nang-uuyam akong ngumiti sa kanya at kinuha ang aking mga gamit. Agad akong lumabas sa pakultad na may masayang ngiti sa aking mga labi na siya ring nagpabago sa kulay ng aking mga mata at ito'y naging pula. 


HIS EXTRAORDINARY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 6]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon