Chapter Eighteen

11.9K 376 10
                                    

-2 chapters na lang po ang kasunod at Epilogue na. Sana ay huwag kayong bibitiw kila Dillan at Mica! Malapit nang matapos ang kanilang istorya. ^_^

Mica

"AKO NA po ang magyayaya kay Mama Duchess," nakangiting prisinta ko sa mga kasambahay nang makahain sila ng pananghalian sa mahabang mesa. Tutal, nakakabisado ko na ang mansiyon kaya hindi ako maliligaw.

Hindi na sila nakatanggi nang lumakad ako palabas ng malawak na hapag-kainan. Noong unang beses ko sa mansiyon ay parang prinsesa ang turing ng mga kasambahay sa akin. Asikasong-asikaso nila ako. Nandiyang nakahanda na ang aking paligo at bihisan. "Señorita" pa nga ang tawag nila sa akin. Naiilang ako kaya sinabi kong huwag nila akong masyadong asikasuhin dahil sanay din naman ako sa gawaing bahay at tukuyin na lang nila ako sa pangalan. Atubili pa sila dahil utos daw iyon ng doña.

Mula nang makilala ko si Mama Duchess ay napapadalas ang aming pagkikita. Para daw maging close kami nang husto. Halos sa mansiyon na nga kami tumira, bagay na inirereklamo ni Dillan. Hindi daw kasi niya ako nasosolo kapag kasama namin ang kanyang ina. Tinawanan ko lang ang sentimiyento niya. Pero naiintindihan naman niya ito. Wala kasing anak na babae ang doña kaya sa akin naibaling ang atensiyon bukod sa ako ang kauna-unahang babaeng sineryoso ng nag-iisang anak. Malapit na ang sembreak at inaasahan kong mas mapapadalas pa ang aming pagkikita. Nakilala ko na rin si Tita Sally, nakatatandang kapatid ni Mama Duchess at katulad niya ay mabait din. Welcome na welcome ako sa pamilya ni Dillan. Espesyal at mainit ang kanilang pagtrato sa akin. Hindi man ako lumaki sa isang masayang pamilya, naranasan ko naman iyon sa piling ng mga King. Ang maging parte ng kanilang pamilya ay isang biyaya para sa akin.

Tinungo ko ang sala pero wala roon si Mama Duchess. Bigla kasi siyang nawala sa kusina. Kanina ay magkasama kami sa pagtikim ng nilulutong pagkain habang tinuturuan ako. Si Dillan naman ay nagpaalam saglit para sagutin ang tawag ng kasosyo niya sa trabaho. Pumunta ako sa may swimming pool pero wala rin doon ang ginang. Pumunta ako sa hardin. Napangiti ako nang makita siya roon. At kasama niya si Ma'am Torres. Bahagyang kumunot ang aking noo nang mapansing nanginginig ang mga kamay ng propesor habang hawak-hawak ang papel. Magkasama pala sila. Baka may usapan silang magkikita sa araw na ito.

Lalapitan ko na sana sila nang matigilan ako sa sinabi ni Mama Duchess.

"Confirmed that it's Mica, Elizabeth?"

Diyata't ako ang kanilang pinag-uusapan?

"Oo, Duchess," sagot ni Ma'am Torres na lumuluha na. "Nag-match ang DNA namin ni Mica mula sa buhok at saliva sample na nakuha ko sa kanya. Siya ang anak ko, Duchess. Siya si Sunshine. Si Mica... Si Mica ang matagal ko nang nawawalang anak."

Marahas akong napasinghap kaya kapwa sila napalingon sa akin. Napasinghap din sila nang makita ako. Kung may hawak-hawak ako, siguradong nabitawan ko iyon sa labis na pagkabigla.

"Anak..." sambit ni Ma'am Torres.

Para akong nalula sa nalaman. Paulit-ulit kong naririnig sa isip ang mga sinabi niya. Nag-match. DNA. Anak. Kamakailan lang ay pumayag akong ipahanap ni Dillan ang aking mga magulang, 'tapos ngayon, bigla na lang sasabog ang katotohanan sa harap ko. Sunod-sunod naman yata ang mga sorpresang dumarating sa buhay ko.

Nag-unahan sa pagbuhos ang aking mga luha. Sari-saring emosyon ang nararamdaman ko—saya, lungkot, pangungulila. Nagkaroon ng bikig ang aking lalamunan. Nanlalaki ang mga mata kong nakatingin sa kanya. Na para bang ito ang una naming pagkikita. Ito naman talaga, bilang mag-ina. Dahan-dahan siyang lumapit sa akin. Si Mama Duchess ay umiiyak na rin.

DILLAN KING (The Night I Met You) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon