New Life.
Mica
NAKANGITI akong uminat-inat sa kama. Ang sarap kasi ng tulog ko. Sa tinagal-tagal na panahon parang ngayon lang ako nakatulog nang maayos. Walang biglang may gumigising sa akin para bumangon at magtrabaho nang maaga sa bahay. Uminat-inat pa uli ako pagkatapos ay nagmulat ng mga mata. Bumungad sa paningin ko ang maliit na orasan. Alas-nuwebe na ng umaga.
Alas nuwebe na ng umaga... Nanlaki ang mga mata ko. Hala! Nakakahiya kay Dillan!
Dali-dali akong bumangon, kinuha ang aking bag, at lumabas ng kuwarto. Napasarap ang tulog ko kaya nahuli ako ng gising! Baka naiinis na sa akin si Dillan at isiping masyado ko nang sinasamantala ang pagmamagandang-loob niya. Na isa akong oportunista. Ang sabi ko pa naman sa sarili ko maaga akong gigising kinabukasan para maaga akong makakaalis sa penthouse at hindi siya maabala. Malaki na ang naitulong niya sa akin at nakakahiyang tulungan niya pa ako hanggang dito. Hindi ko pa alam kung saan ako pupunta pero saka ko na iisipin at pupuntahan ko muna ang lalaki.
Nakita ko si Dillan kasama ang dalawang babae na sa tingin ko ay empleyado sa hotel base sa unipormeng suot na naghahain ng mga pagkain sa mesa. Natapik ko ang aking noo. Kanina pa siguro siya gising!
Nakakahiya ka talaga, Mica! Dati-rati naman kahit walang gumigising sa 'yo, kusa kang nagigising nang maaga. Nawili ka lang sa de-aircon, eh.
Nilapitan ko sila. Umaliwalas ang mukha ni Dillan nang makita ako. Napatitig ako sa kanya. Kahit simpleng t-shirt lang ang suot niya, ang guwapo pa rin niya.
"Good morning, angel," masuyong bati niya.
"Good morning, Dillan," nakangiting ganting-bati ko. Binati rin ako ng dalawang babaeng naghahain sa mesa. "Ma'am" pa ang tawag nila sa akin. Hindi ako sanay. Parang ang tunog-sosyal kasi ang dating. Si Dillan lang naman ang sosyal dito. Kiyemeng binati ko na lang din sila.
"Nakatulog ka ba nang mahimbing?" tanong niya.
"Oo, ikaw?" Nahihiya pa rin ako't sa sala siya natulog imbes na sa kuwarto. Malaki nga at malapad ang sofa at mukhang komportable pero nakakahiya pa rin.
Ngumiti siya. "Nakatulog din ako nang maayos." Nagsalubong ang mga kilay niya nang mapansing dala-dala ko ang aking bag. "Bakit dala-dala mo ang bag mo?"
Bago ako makasagot ay magalang na nagpaalam ang dalawang babae na lalabas na. "A-ahm, Dillan. Sorry. Pasensiya ka na." hinging-paumanhin ko.
"Why are you apologizing?" nagtataka niyang tanong.
"K-kasi nahuli ako ng gising. Hindi pa ako umaalis sa penthouse mo. Naiinis ka na siguro sa 'kin. Masyado nang malaki ang abalang dinulot ko sa 'yo." sagot ko.
"What?"
"P-pero huwag kang mag-alala. Aalis na ako. Maraming-maraming salamat ulit, Dillan. Sa mga naitulong mo. Pakisabi na lang sa mga kaibigan mo ang pasasalamat ko," nginitian ko siya. Gusto ko sanang magpasalamat sa mga kaibigan niya sa personal pero kailangan ko na talagang umalis. Kahit nalulungkot ako na hindi ko na siya makikita. Hindi ko makakalimutan si Dillan, ang lalaking nagligtas sa akin. Hindi ko makakalimutan ang guwapo niyang mukha na labis kong hinangaan. Pinalaya niya ako sa dilim. Isa siyang magandang alaala.
At siya ring lalaking unang umangkin sa akin...
"What are you talking about?" Nilapitan niya ako. "Hindi ako naiinis sa 'yo dahil nag-o-overstay ka. At lalong hindi kita pinapaalis dito. Paano mo naisip 'yon?"
BINABASA MO ANG
DILLAN KING (The Night I Met You) ✔
General FictionAng akala ko hindi na ako makakaalis dito, pero dumating siya at iniligtas ako... *** Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit bigla na lang akong namatanda pagkakita sa babaeng sumasayaw sa stage ng bar na aksidente naming na-discover na magk...