Chapter Seven

13K 373 14
                                    

Escape.

Mica

"NAKATINGIN siya sa 'tin."

Nag-angat ako ng tingin kay Dillan. Pasimple akong bumaling sa direksiyong tinitingnan niya. Nakatingin nga sa amin si Bonita. Nakatayo siya sa gilid ng stage habang humihithit ng sigarilyo. Magkatabi kami ni Dillan sa maliit na sofa. Si Ate Kissa naman ay kasama si Clint, isa sa mga kaibigan ni Dillan. Hindi ko pa nakita sa malapitan si Clint pero sigurado naman akong nasa mabuting kalagayan si Ate Kissa. Naroon sila sa may counter, hindi gaanong malayo ang kinauupuan nila sa amin. Sila Lara at Jenny ay nagkunwaring inaaliw ang customers.

"Ganyan si Bonita, Dillan. Inoobserbahan niya ang bar at sweethearts," pagbibigay-alam ko.

"There's something to her stare. Wala bang nakarinig sa inyo na tatakas tayo ngayong gabi?" bulong niya, ang lapit-lapit ng kanyang bibig sa aking mukha kaya hindi maiwasang mahati ang atensiyon ko sa mapupula niyang labi at sa sinasabi niya.

Hay naku, Mica! Kailan ka pa naging malisosya? tudyo ng konsensiya ko.

Nag-init ang aking mga pisngi.

"W-wala," nauutal kong sagot, sabay iling. "Kami lang nila Ate Kissa, Lara, at Jenny ang nakakaalam. Wala nang iba. Siniguro naming walang nakarinig sa 'min."

"Hindi ko gusto ang tingin niya. We should do a little acting."

"A-ano'ng ibig mong sabihin?"

Napasinghap ako nang ipulupot ni Dillan ang isang braso sa baywang ko at hinapit ako sa kanyang katawan. Nilapat niya ang aking isang kamay sa dibdib niya.

Diyos ko! Napalunok ako. Halos maduling ako sa lapit ng kanyang mukha sa mukha ko. Ang bango-bango niya. Masarap sa ilong ang pabangong gamit niya. Ang sarap niyang amuyin. Para na namang may nagkakarerahan sa loob ng dibdib ko. At ano ba iyong bagong pakiramdam na parang may lumilipad na paru-paru sa aking tiyan?

Lalong nanlaki ang mga mata ko nang unti-unting bumaba ang kanyang mukha. Masuyong hinalikan niya ang aking kaliwang pisngi. Parang may dumaloy na koryente sa aking mga ugat, nanginig ako sa sensasyon. Idagdag pang napakalambot ng mga labi niya sa aking balat.

"There, she's gone," pagkaraan ng ilang saglit ay sabi niya.

Para akong ibinalik sa kamalayan. Para kasing tumigil sa pag-ikot ang mundo. Napakurap-kurap ako at tiningnan si Bonita. Wala na nga ang babae sa kinatatayuan.

Nginitian ako ni Dillan. "Don't worry. Kahit ano'ng mangyari, makakatakas ka dito. Hindi kita pababayaan."

Parang may humaplos sa aking puso sa kanyang sinabi. Tumango ako. Kahit wala na si Bonita, nanatili pa ring nakapulupot ang braso niya sa baywang ko. At... gustong-gusto ko iyon. Pakiramdam ko, ligtas talaga ako sa tabi niya. Na walang sinuman ang makakapanakit sa akin. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganoong klaseng seguridad sa ibang tao. Napakasarap pala sa pakiramdam na may nagmamalasakit sa 'yo...

"You can slap or punch me later, angel."

Kumunot ang noo ko. Bakit ko naman siya sasampalin at susuntukin? At hayun na naman ang pagtawag niya sa akin ng "angel." Nahihiya ako pero inamin ko naman sa aking sarili na gustong-gusto ko na tinatawag niya ako nang ganoon.

"Hinawakan kasi kita." pagpapatuloy niya nang mapansing hindi ko naitindihan ang sinabi niya.

Natigilan ako. Kaya pala. Iniisip niya sigurong na-trauma ako. Paano ko ba sasabihing okay lang na malapit siya nang ganoon sa akin? Gustong-gusto ko ang pagkakalapit namin sa isa't isa.

DILLAN KING (The Night I Met You) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon