Chapter five

2.1K 43 0
                                    

.
.
NABABATO na si Kwini. Paano ba naman ay dalawang araw na siyang nakakulong sa kuwarto at hinahatiran lang ni Strike ng pagkain. Hindi siya pinalalabas nito. Ang sabi ng doctor ay ipahinga muna daw niya ang mga paa. Hindi naman malala ang kaniyang mga tuhod. In fairness, kahit hindi siya nakakalabas ng kuwarto ay binibigyan siya ng oras ni Strike. Nag-uusap sila. Nagkukuwentuhan. Nagsasalo sila sa pagkain na niluluto nito. Mapa-almusal, tanghalian, meryenda at gabihan. Pero bakit marunong na itong magluto ng mga putahe at masasarap pa?
.
Ang isa pa sa ipinagtataka niya ay kung bakit ayaw pa siyang palabasin ni Strike ng kuwarto samantalang nakakatayo na naman siya. Sa ikaapat na araw ay hindi na siya nakatiis. Lumabas na siya ng kuwarto. Naka-short lang siya at manipis na blouse. Pinakuha niya kay Strike ang night bag sa kaniyang kotse.
.
Sa hagdan ay nadaanan niya ang litrato ni Lolo Martinez at Lola Isabel. At ngayon lang niya napag-isip-isip na wala namang kakaiba sa painting ng abuelo at abuela ni Strike. Nakainom nga pala siya nang gabing ipakita sa kaniya ni Strike ang mga paintings. Nagkaroon siya ng hallucination sa nainom na alak. Ganoon din sa pag-aakala niyang gumalaw ang chandelier. Fake alarm lang pala ang mumu effect sa bahay na iyon.
.
Pagbaba ni Kwini ay pinansin niya ang kabuuan ng sala. Malinis na malinis. Maayos talaga si Strike sa sariling pamamahay. Kung ito ang mapapangasawa niya ay hindi na niya kailangan ng maid. May cook na siya, may tagalinis pa. Natawa siya sa kapilyahan at agad na napalingon nang malanghap ang masarap na pagkaing niluluto. Nagluluto ang kaniyang irog? May ngiti sa mga labing nagtuloy siya sa kusina. Na agad ring nabura nang makitang hindi si Strike ang nasa harap ng gas range kundi….. ibang tao!
.
Bakit may ibang babae sa bahay ni Strike?!  Kung ito ang sinasabing caretaker na si Aling Minda, bakit mukha pang dalaga base sa magandang hubog ng katawan sa suot na skinny jeans? Nagulo ang tahimik na sanang mundo ni Kwini. Tumikhim siya para kunin ang pansin ng babae. Lumingon naman ito.
.
“Hi! Magandang umaga po.” magalang na bati ng babae nang humarap sa kaniya.
.
Napatanga siya. Paano ay napakaganda nito. Lumitaw ang mga biloy nito sa pisngi at ang mapuputi at pantay-pantay nitong mga ngipin. Bigla ang pagdagsa ng paninibugho sa kaniya. Sino ito sa buhay ni Strike?
.
Tahimik na humila siya ng upuan at naupo sa harap ng mahabang mesa. Selos na selos na kinilatis niya ang kabuuan ng babae. Mahaba ang buhok. Magandang ngumiti, maliit ang matangos na ilong, maputi at sexy dahil sa magandang hubog ng balakang at mga binti.  Sinilip niya ang nakakasilaw niyang legs. Maganda rin naman ang mga binti niya. Pero parang mas maganda pa ito sa kaniya at mas bata. At bakit pamilyar yata ang mukha nito? Pero sinisiguro niyang ngayon lang niya nakita ang babae.
.
"Sino ka? At kaanu-ano mo si Strike?" sa malumanay naman niyang tanong dito. Hindi kaya pinsan lang ni Strike?
.
"Siya si Sabrina, ang anak na dalaga ni Aling Minda. Sa malapit lang dito sila nakatira." Ang tinig ni Strike ang sumagot sa tanong niya na biglang sumulpot sa kung saan.
.
Tagaktak ang pawis nito sa noo at leeg na pinupunasan nito ng face towel. Mukhang galing sa gym. “Bakit lumabas ka na? Hindi na ba talaga masakit ang mga tuhod mo?”
.
“Magaling na magaling na ako at alam mo 'yon pero ayaw mo lang akong palabasin. Ayokong maburo lang sa kuwarto, Strike.” Kaya ba ayaw siyang palabasin ni Strike ay dahil sa Sabrina na ito?
.
Humila ng silya si Strike sa tabi niya. "I just want you to be fully recovered. Nag-aalala lang ako sa mga tuhod mo. Ayaw mo namang ipa-x-ray.” Napailing ito sa katigasan ng ulo niya. Iyon kasi ang sabi ng doctor na magpa-x-tray siya. “About Sabrina, nasa college na siya. Ang mama ang nagpapaaral sa kaniya."
.
Siya ang kinakausap nito pero kay Sabrina ito nakatingin. Fondness or amusement was written in his eyes in a very obvious way. May gusto ba si Strike kay Sabrina? Gumuhit ang pamilyar na kirot sa puso ni Kwini na naramdaman niya noon. Naulit ang eksena. Pakiramdam niya, si Sabrina ay si Trixia. At bakit pinag-aaral ng ina ni Strike si Sabrina? Parang hindi naman normal para sa isang anak lamang ng caretaker na pag-aralin ng may-ari ng bahay na iyon.
.
"Bakit siya nandito? Wala ba siyang pasok? Akala ko ba si Aling Minda ang nag-aasikaso sa iyo rito?" Feeling nagseselos na girlfriend ang timbre ng tinig niya.
.
Nilingon siya ni Strike sa nakakunot na noo. Pagkatapos ay ngumisi ito.
.
"Binisita ko si Aling Minda. Maysakit pala siya kaya hindi nakapunta rito. Si Sabrina muna ang papalit. Tungkol naman sa pag-aaral niya, tuwing hapon ang pasok niya hanggang eight pm." paliwanag ng binata.
.
Pati class schedule ni Sabrina, alam ni Strike? Gaano na kalalim ang closeness ng dalawa?
.
"Ah, ganoon ba? Tutal, nandito naman ako, ako na lang ang mag-aasikaso ng mga pangangailangan mo, Strike." suhestiyon niya.
.
"No! Bisita kita, Kwini. Hindi mo tungkulin na pagsilbihan ako. Hayaan mong si Sabrina ang gumawa no'n." Napatingin uli ito kay Sabrina na nang mga sandaling iyon ay parang teenager na kinikilig.
.
Napasimangot si Kwini. So, si Sabrina pala ang nagluluto ng pagkain nila simula nang araw na ma-confine siya sa kwarto. Sa mga oras na wala si Strike sa tabi niya, nasaan ito? Kausap si Sabrina? Magkasama ba ang dalawa? Nakagat niya ang labi sa pinong kirot sa dibdib.
.
“Kumain na tayo. Nakapagluto na si Sabrina.” aya ni Strike sa kaniya na nakapagbihis na kung saan nakapatong lang sa sofa ang t-shirt nito.
.
Mabilis na kumilos si Sabrina. Kumuha ito ng mga pinggan at baso at inihanda ang mesa. Akala ni Kwini ay tatayo lang ang babae sa isang tabi at maghihintay ng utos nila o pagsisilbihan sila. Pero nagulat siya nang maupo rin ito sa mesa at sabayan sila sa pagkain.
.
“Kumain ka ng kumain, Sabrina. Tingin ko sa iyo ay nangangayayat ka na.” sabi ni Strike rito at nilagyan ng sinangag ang plato nito. “Kainin mo itong itlog, ha? Masustansiya ito.”
.
Kulang ang sabihing napatanga si Kwini. Nawindang pati kaluluwa niya sa shock. Mas inuna pa nitong asikasuhin si Sabrina kaysa sa kaniya! Sino ba ang espesyal sa puso ni Strike? Siya o si Sabrina? Naiinis na nilagyan niya ang sariling plato ng pagkain. Uunahan niya si Strike. Kaya pagbaling nito sa kaniya ay kumakain na siya. Pinanood na lang siya nito. Na nagpatigil sa kaniya sa pagnguya. Bakit pinanonood lang siya ng kumag? Hindi ba ito kakain?
.
“Kumain ka na nga. Nakakailang ka kaya.” Inirapan niya si Strike.
.
Sa inis, parang walang kasama na kumain siya ng kumain. Kukunin sana ni Sabrina ang nag-iisa na lang na sliced Tucino nang unahan niya ito. Ganundin ang ginawa niya kay Strike nang tutusukin sana nito ang huling piraso ng omelet gamit ang tinidor. Sinimot niya ang lahat ng pagkain sa sobrang sama ng loob.
.
Natawa si Strike sa kaniya. Si Sabrina ay napayuko na parang pinipigil ang pagtawa. Wala siyang pakialam kahit masabihan pa siyang matakaw. Kapag masama ang loob niya ay sa pagkain niya ibinubunton. Mas mainam na iyon kaysa awayin niya ang dalawa at maghuramentado sa sobrang selos.
.
Aliw na aliw sa kaniya si Strike. Pinunasan pa nito ang munting mumo na naiwan sa bibig niya. Isang irap lang ang iginanti niya rito.
.
“Dahan-dahan lang. Baka mabulunan ka.” saway nito sa kaniya.
.
Hindi pa tapos si Strike sa sinasabi ay nabulunan nga siya. Mabilis siyang dinaluhan nito ng tubig. Napangiwi siya sa sakit ng dibdib nang uminom ng tubig. Pero hindi iyon naging dahilan para madala siya. Nagpatuloy siya sa maganang pagkain.
.
“Bukas, magpapahanda ako kay Sabrina ng maraming pagkain para hindi tayo kinukulang. Ano ang gusto mong almusal bukas, Kwini?” tanong ni Strike nang matapos siya.
.
“Kahit na ano. Hindi naman ako mapili sa pagkain.”
.
“Obvious naman.” He chuckled. Sinamaan niya ito ng tingin. “Opps! Biro lang.” Binalingan nito ang babaeng kasalo nila. “Mamamasyal lang kami, Sabrina. Salamat sa masarap na breakfast.” Tumayo ito at hinila siya. Bakit nagpapaalam pa ito kay Sabrina? Hinablot ni Strike ang jacket sa sofa at isinuot habang naglalakad sila.
.
"Saan tayo pupunta?” tanong niya nang palabas sila.
.
“Sa banda lang d'yan."
.
Sa labas ng gate ay may nakatayong malaki at kulay brown na kabayo na parang may hinihintay. “Bakit may kabayo rito?” aniya.
.
“Sakay ka na.”
.
“Sa kabayo?”
.
“Alangan namang sa kotse.”
.
Kwini rolled her eyes. Nasa labas nga naman sila ng gate. Ang dalawang kotse nila ay nasa loob ng bakuran. Engot.
.
"Siya si Speedy, ang alaga kong kabayo." pakilala sa kaniya ni Strike sa alaga nito. Hindi niya alam kung anong uri o lahi dahil wala naman siyang alam sa mga kabayo. Tumingin si Strike sa kabuuan niya. "Ganiyan ka na?  Hindi ka na magbibihis?"
.
Sinipat niya ang sarili. "Bakit magbibihis pa?  Wala namang masama sa suot ko. Mas kumportable pa nga sa pangangabayo ang ganito." Ano ba naman iyong short at blouse lang? Ganoon siya kung manamit at sa tabi-tabi lang naman sila ayon dito. Hindi sila dadalo ng party.
.
Tumapak siya sa stirrup ng kabayo. Dahil hindi siya katangkarang babae ay hirap siyang sumampa sa saddle.
.
“Hindi ko kaya, Strike. Mataas.” reklamo niya.
.
“Wait.” Pumorma si Strike na iaangat siya. Eksaktong paglapat ng mga kamay nito sa beywang niya para isampa siya ay bumungisngis siya. Naitulak niya ito.
.
“Bakit?” he frowned.
.
“Malakas ang kiliti ko sa beywang.”
.
“Ha? E, saan kita hahawakan?”
.
“Problema mo na iyon. Basta ‘wag lang sa beywang.”
.
Napailing si Strike. Tinantiya ang katawan niya kung saan siya puwedeng hawakan. Ang balikat niya ang napili nito.
Pero mas malakas ang naging bungisngis ni Kwini.
.
Nagpumiglas siya. "Sa kilikili pa, eh mas malakas ang kiliti ko dito."
.
Napabuga ng hangin si Strike. "Okey, sa puwetan na lang."
.
"Ha?"
.
"Huwag kang aangal.  No choice tayo. Ready? Go!"
.
Tumapak siya sa stirrup, and then he pushed her up from her behind. Kahit maong shorts ang suot niya ay kung bakit parang nadama pa rin niya ang init ng palad ni Strike doon. Nakasampa naman siya sa ibabaw ng kabayo.
.
Kwini held the reins guickly to keep her balance off. First time niyang sumakay sa kabayo sa buong buhay niya.  Hindi pa umaakyat si Strike kaya nilingon niya ito. Nakatingin ito, hindi sa kaniya kundi sa maputi at mabalbon niyang hita na naka-expose. Lihim siyang napangiti. Nagandahan siguro ito sa legs niya. 
.
“Hoy, halika na!”  sabi niya para gisingin ang diwa nito.
.
Kumurap-kurap ito na parang natauhan. Sumakay ito sa likuran niya. “Lumapit ka pa sa akin para hindi ka mahulog.” Kinawit nito ang beywang niya palapit sa katawan nito.
.
Parang nagbabaga ang kamay nitong nakahawak sa bandang tiyan niya. Damang-dama niya ang matigas nitong dibdib sa paglapat ng likod niya roon. Ang sarap palang humilig sa dibdib nito. Sa anggulong iyon ay parang yakap siya nito. Idagdag pa ang mainit na hiningang tumatama sa pisngi niya. Kaya naman nagkabuhol-buhol ang hininga niya.
.
“S-saan nga ba tayo pupunta?” wika niya para i-divert ang nararamdaman nang sandaling iyon.
.
“Mag-iikot-ikot lang para hindi ka mainip.”
.
Matapos iyon ay naramdaman niyang sininghot nito ang buhok niya. Naging aware tuloy siya sa amoy ng buhok niya.  Mabango pa naman iyon dahil naligo siya kagabi bago matulog. Hindi siya nakaligo kanina sa pagmamadaling makalabas.
.
Layu-layo pala ang mga bahay doon. Three hundred meters yata ang pagitan ng bawat isa. Mas lamang ang mga bakanteng lupa na may taniman. Bawat bahay ay may maliit na taniman ng kung anu-anong klase ng gulay. Huminto sila sa isang maliit na kubo.
.
“Tao po! Tao po!” malakas na tawag ni Strike. “Tata Kulas?”
.
Lumabas ng bahay ang matandang tinawag. “O, ikaw pala, Strike. Bakit nasagsag kayo ng katipan mo?”
.
Paano nga namang hindi sila mapagkakamalang magnobyo ni Strike dahil sa ayos nila? Sa halip na sa likod siya ni Strike sumakay ay nasa harapan siya ng lalaki at kahit sino pa ang makakita sa kanila ay iyon ang iisipin.
.
“Magandang araw, Tata Kulas. Napadaan lang po. May naglalaba po ba sa talon ngayong umaga?”
.
“Hmmm.....wala naman akong napansin na dumaang mga kababaihan. Maliligo ba kayo?”
.
“Mamamasyal lang po. Ipasisilip ko lang kay Kwini ang maganda nating talon.”
.
“Ah, maganda ngang tanawin ang talon. Pihadong magugustuhan niya roon.”
.
Magalang silang nagpaalam sa matanda. Tinahak nila ang daan patungo sa mapunong lugar. Pumasok sila sa kakahuyan. Tahimik na tahimik ang lugar at wala siyang nakikita maski isang taong dumadaan. Kaya pala kabayo at hindi sasakyan ang ginamit nila ay hindi sila makakapasok sa kasukalan. Naririnig niya ang pag-aawitan ng mga ibon, ang ingay na nililikha ng paggalaw ng mga puno dahil sa hangin. Hanggang sa marinig niya ang tunog ng lumalagaslas na tubig na unti-unting lumalakas habang papalapit sila.
.
Hindi nagtagal ay tumambad sa harapan niya ang napakagandang tanawin na sa mga babasahin lang niya nakikita. Napakagandang talon! Mula sa ituktok ng bundok ay lumalagaslas ang tubig pababa sa ilog na umuusok dahil sa lamig. Ang paligid naman ng ilog ay natatamnan ng naggagandahang mga ligaw na bulaklak na may sari-saring kulay. Parang paraiso sa ganda!
.
“Ito ang ipinagmamalaking talon ng mga tagarito. Maliit pero sulit naman ang sinumang makakakita dahil ma-e-enjoy niya ang paligid. Puwede tayong mag-picture taking dito.” Tumalon ito mula sa kabayo at ibinaba siya.
.
Naglakad-lakad sila sa gilid ng talon matapos nitong itali ang kabayo. Ang gaganda ng mga bulaklak! Pinili niyang maupo sa malaking bato sa tabi ng hilera ng napakagandang mga bulaklak. Hindi niya alam kung ano ang pangalan niyon. Pumitas siya ng isa at inamoy iyon.
.
“Wala siyang amoy pero maganda ang kulay niya.” wika ni Strike na tumabi sa kaniya sa batuhan.
.
“Ano ang pangalan nito?” tanong niya habang sinisipat ang maliit na bulaklak na bilog at kulay matingkad na pink.
.
“Hindi ko rin alam. Si Sabrina lang ang nakakaalam dahil lumaki siya sa lugar na ito.”
.
Sabrina na naman? Napahinga siya ng malalim. Bakit lagi na lang sumisingit sa usapan nila ang babae na parang musika sa pandinig nito ang pangalang niyon?
.
Inipit ni Kwini ang bulaklak sa isang tainga niya. “Bagay ba?”
.
“Bagay na bagay. Lahat naman sa iyo ay maganda, Kwini.” sabi nitong titig na titig sa mukha niya. “You have the brain and the beauty. Iyon nga lang…….” pambibitin nito sa sinabi.
.
“Iyon nga lang, ano?”
.
“Pandak ka.”
.
“Pandak na sa iyo ang five feet and three inches?”
.
“Oo.”
.
“Ah, ganun? Porke mataas kang lalaki, huh?” Kinurot niya ito sa tagiliran.
.
Humalakhak ito at pinipigilan ang kamay niya. “Totoo naman, ah. Hanggang kilikili lang kita. Awat na!” hiyaw nito nang kurutin niya ito ng mas mariin.
.
“Bawiin mo muna ang sinabi mo na pandak ako.”
.
“Okey, okey, binabawi ko na.” natatawa pa ring sabi nito.
.
Tinigilan niya ang pagkurot dito at inirapan ito. “May cellphone kang dala?” Naiwan kasi niya sa kuwarto ang cellphone niya. Kailangan niya ng camera.
.
“Picture-picture tayo? Sige, kukunan kita.” Inilabas nito ang pag-aaring cellphone sa bulsa ng jacket nito at inihanda ang camera niyon. “O, mag-pose ka na.” at ibinigay sa kaniya ang cellphone.
.
Kumuha pa siya ng bulaklak at idinagdag sa tainga niya. Ngumiti siya sa harap ng camera.  Kukunan niya ang sarili at ipo-post niya sa facebook para inggitin ang mga kaibigang si Rafi, Chari, Maki at Dani. Si Salve ay hindi na niya kailangang inggitin dahil ikakasal na ang bruha na nakatisod ng napakaguwapong fafa. Iba’t-ibang pose ang ginawa niya. Kuntodo smile at pa-cute niya.
.
“Ako naman ang kukuha sa iyo.” aniya kay Strike nang magsawa sa kakapose. Pumitas siya ng bulaklak at inipit din sa tainga ng binata. “Huwag mong tatanggalin ‘yan.” utos niya kasabay ng pandidilat dito.
.
“Bakit may bulaklak pa?” sabay protesta ni Strike.
.
“Maki-ride ka na lang. Katuwaan lang naman, eh. O, smile na.”
.
Ngumiti naman ang loko. Sunud-sunod ang pag-shutter ng camera. “Lagyan pa natin ng bulaklak sa kabilang tenga mo para solved.”
.
“Ano na namang kalokohan ‘yan?” protesta uli ni Strike. Parang diring-diri ito sa ginagawang pag-pose.
.
“Sige na. Tapos, mag-peace sign ka, ha? Dali!”
.
“Bakit may pa-peace sign pa?”
.
“Para maganda ang kalabasan.”
.
“Hindi kaya ang sagwa ko d’yan?”
.
“Hindi. Atin-atin lang naman ito, eh for personal collection.”
.
Parang maamong tupa na sumunod naman si Strike. Nagpeace sign nga ito. Maraming click ang ginawa niya. Iba’t-ibang anggulo ng camera. “Ayan. Okey na.” ngiting-ngiting sabi niya. Nag-thumb up pa siya.
.
“Patingin.”
.
Ipinakita niya kay Strike ang mga kuha. Ang guwapo-guwapo nito pero may nakaipit na bulaklak sa tenga. Malamang, turn off na agad dito ang sinumang babae na makakakita sa mga pictures. Kahit si Sabrina pa.
.
“Maganda, di ba?”
.
Napangiwi si Strike. “Mukha akong bading. Akina ang cellphone. Ide-delete ko.”
.
“Ayoko nga! Di ko pa naco-copy sa cp ko.”
.
“Akina, sabi! Huwag mo nang i-copy.”
.
"Ayoko!"
.
Nag-agawan sila sa cellphone. Nakuha nito iyon pero mabilis niyang nabawi at tumakbo palayo. Hinabol siya nito. Matagal ang habulan. Sa kaiiwas niya kay Strike ay nadulas siya sa malumot na bato. Nabitawan niya ang hawak. Humagis ang cellphone sa tubig. Nagkatinginan sila ni Strike saka nag-unahan sa pagtalon sa ilog. Sayang kung hindi niya makukuha ang mga pictures.
Sumisid siya sa ilalim. Nakita naman niya ang cellphone. Dadamputin na lang niya iyon nang maunahan siya ni Strike at mabilis itong lumangoy paitaas.
.
“Gotcha!” Eksaktong paglabas ng ulo ni Kwini sa tubig ay narinig niyang sinabi ni Strike, nasa kamay ang aparatong pinag-aagawan nila. “Akala mo, mauunahan mo ako, huh?”
.
Inirapan niya ito. Wala siyang nagawa kundi umahon na lang sa tubig. OMG! Basang-basa siya! Hingal na hingal na nahiga siya sa batuhan at nagpahinga. Hindi biro ang ginawa niyang pagtakbo para iwasan lang si Strike. Pero naagaw pa rin nito ang cellphone.
.
Pumikit si Kwini. Mayamaya ay umahon na si Strike. Pinakiramdaman niya ito. Tahimik lang ang binata. Ano kaya ang ginagawa nito? Ibinukas niya ang mga mata. Nahuli niya si Strike habang namamasyal ang paningin sa legs niya pataas sa mga dibdib niya. Disgust ang nababasa niya sa mga mata nito.
.
"Iyan na nga ba ang sinasabi ko. You should learn how to dress properly. Look at yourself."
.
Nahihiyang pinagkrus niya ang mga braso sa dibdib. Dahil nabasa siya ay bumakat sa katawan niya ang manipis na blouse kaya kita ang bra niya at lumuwa ang puno ng kaniyang mga dibdib na nawala sa ayos ng neckline.
.
"Kung nasa loob ka lang ng bahay, puwede 'yan.  Pero kung nasa labas... " Napailing ito.  "Probinsiya ito, Kwini. Wala tayo sa Maynila." he reprimanded.
.
Kung maka-emote naman ito, wagas! "Ganitong klase ng mga damit ang nasa bagahe ko, Strike. I used to wear this way. Dito ako kumportable. Hindi naman gaanong maigsi ang short ko, ah. Why do bother? At simple lang din ang blouse ko." Ang pagkakaiba lang ngayon ay naaaninag ang balat niya dahil nabasa iyon.
.
"But not for me. So, change your clothes as we got home."
Ganito ba si Strike?  May pagka-conservative pagdating sa babae? Nagyaya na itong umuwi. Hindi niya alam kung dahil sa bumuyangyang niyang kagandahan kaya parang nawala ito sa mood.
.
Nang sakay na sila ng kabayo ay saka niya nalaman kung bakit nagkakaganoon ito.  Lahat ng taong makasalubong nila ay napapatingin sa katawan niya. Ang mga babae ay nagbubulungan na kung tingnan sila ay parang may ginawa silang milagro ni Strike sa ilog. Sa mga lalaki naman ay may malisya sa pagtitig sa kaniya. Hinubad ni Strike ang t-shirt nito at ipinasuot sa kaniya.
.
"And cover your lap with this jacket." May angil sa tinig ni Strike habang iniaabot ang jacket sa kaniya.
.
Hindi niya alam kung kanino ito naiinis, sa kaniya o sa mga lalaki na nagpipiyesta sa kaniya? Pero nagtiis itong ginawin para lang matakpan ang katawan niya. Lihim siyang kinilig.

The Cursed Bride Series: ChandelierTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon