Chapter Eight

2K 40 5
                                    

NAPABALIKWAS ng bangon si Kwini mula sa isang panaginip. Napanaginipan niya si Lola Isabel. Parang totoong-totoo na nakita niya ang mukha nito, ang kabuuan nito. Sa panaginip ay parang may gusto itong sabihin sa kaniya na hindi nito masabi. Itinuturo nito sa kaniya ang chandelier na noon ay magandang-maganda pa at hindi sira at basag-basag.
.
May gusto bang ipahiwatig sa kaniya si Lola Isabel? Ano ang meron sa chandelier?
.
Bumangon siya, naghilamos sa banyo at inayos ang sarili. Walang tao sa sala at kusina nang bumaba siya. Wala si Sabrina. Wala rin si Strike. Nasaan si Strike? Lumabas siya at nagtungo sa kaniyang pakay, sa likod-bahay. Doon sa bodega kung saan inilagay ni Strike ang nasirang chandelier. Madali lang niyang nahanap ang bodega dahil nag-iisa lang ang maliit na silid na iyon.
.
Kadiliman ang bumungad sa kaniya nang pasukin niya ang bodega. Wala siyang flashlight. Hindi rin niya dala ang cellphone. Nangapa siya sa dingding. Tiyak na may switch doon.
.
Gotcha! Nakapa nga niya ang switch at nagliwanag ang paligid nang i-on niya ang ilaw. Agad na tumapat sa line of vision niya ang sirang chandelier. Nasa tabi ng lumang aparador. Napalunok siya nang matitigan niya iyon. Medyo nangilabot siya pagkaalala sa panaginip pero kailangan niyang magpakatapang. Gusto niyang malaman ang kahulugan ng napanaginipan.
.
Hinawakan niya ang dulo ng chandelier at iniikot. May ilang basag na crystal designs, mayroong buo pero basag na ang mga ilaw. Hindi na mapapakinabangan pa. Nakakapanghinayang! Napakaganda pa naman ng chandelier. Napansin niya ang butas sa parteng hinahawakan niya. Nandoon pa rin ang bagay na nakita niya dati. Parang makapal na alikabok lang. Pero para ring isiniksik na papel na nangingitim na sa kalumaan. Hindi niya tiyak.
Nagkainteres siya kung ano iyon.
.
Pilit niyang kinukuha sa pamamagitan ng hintuturo at hinlalaki. Pero habang dinudukot iyon ng daliri niya ay lalong lumulubog pailalim. Napabuga siya ng hangin. Naghanap siya ng bagay na makakatulong sa kaniya. Nakakita siya ng alambre. Pero dahil mahaba at nakarolyo at wala siyang makitang plies ay nagtiis siyang baluktutin iyon at putulin gamit ang mga kamay. Nangangawit na ang mga daliri niya sa kapal ng alambre at nag-iinit pa iyon. Ilang minuto pa ay naputol din.
.
Pinahid niya ang pawis sa noo.
Binaluktot niya ang dulo ng alambre saka ipinasok sa butas. Kinawit niya ang nasa loob. Dahan-dahan niyang hinatak palabas dahil baka masira kung papel man iyon. Hanggang sa unti-unti niyang nailabas iyon. Papel nga! Lumang-luma na at kung hindi mo iingatan sa pagbukas ay mapupunit agad. Mukhang papel noon pang sinauna. Nang buksan niya ay isang sulat pala, mahaba-haba. Ang unang sinilip niya ay ang ibabang bahagi kung sino ang nagsulat. Galing kay.....
.
Lola Isabel?
.
Strange! Halos hindi siya makapaniwala na buo pa ang sulat na sa tantiya niya ay may ilang dekada na ang tanda at gula-gulanit na ang mga gilid.
.
Babasahin sana niya ang liham nang may marinig siyang ingay na parang nagduduwal. Sino ang sumusuka? Ibinulsa niya ang papel at napalabas ng bodega sa pag-aakalang baka si Strike. Sa hindi kalayuan ang naririnig niya at agad niyang tinunton iyon. Pero nagkamali siya ng akala nang si Sabrina ang makita at hindi si Strike. May munting lababo sa likod ng bahay na siyang pantry. Doon parang hirap na hirap na nagsusuka si Sabrina. Lalapitan sana niya ang babae nang may kamay na humagod sa likod nito. Si Strike! Agad napaurong si Kwini at nagtago. Narinig niyang nagsalita si Sabrina.
.
"Strike, buntis ako. Two months na."
.
Matagal bago nakasagot si Strike. "Iyan na ba ang sinasabi ko.Bakit hindi ka nag-iingat?"
.
"Paano 'to, Strike? Itatakwil ako ng Inay kapag nalaman niya ito. Tulungan mo ako, please? Ang ninang, ang mama mo. Gusto niyang magpakasal na tayo."
.
Nanlaki ang mga mata ni Kwini sa nadiskubre at natakpan ang bibig para pigilin ang pagsinghap. Buntis si Sabrina at si Strike ang ama? Iyon na nga ba ang kutob niya. May relasyon ang dalawa! Matagal na niyang nahahalata iyon sa mga kilos ni Sabrina at Strike pero nagbulag-bulagan siya. Patunay ang pagseselos sa kaniya ng babae. Bakit pa siya pinatulan ni Strike gayong may Sabrina na pala ito? Bakit ito naglihim?
.
Naalala niya ang reaction ng mama nito, kung paano siya pakitunguhan. Kinokondena siya ng mga titig ng ginang sa pagsama niya kay Strike sa kuweba samantalang may Sabrina na sa buhay nito. Iyon ang gustong ipahatid ng ginang sa kaniya. Nagsumbong si Sabrina kay Mrs. Meneses kaya wala sa oras na napasugod ito sa ancestral house.
.
Tumulo ang mga luha niya. Ang laki niyang tanga para magpaloko kay Strike!
.
Ikaw kasi, kung bakit pinagsisiksikan mo ang sarili mo sa lalaking hindi ka naman mahal., kastigo ng isang bahagi ng isip niya.
.
Pinalabo ng hindi maampat na mga luha ang paningin niya. Pinunasan niya iyon ng kamay. Ang sakit sa dibdib! Para siyang mamamatay sa sama ng loob. Hindi na niya pinakinggan pa ang pag-uusap ng dalawa dahil baka marinig pa ang pag-iyak niya. Ayaw niyang magmukhang kawawa sa paningin ni Sabrina at Strike. Ayaw niyang isipin ni Sabrina na isa siyang talunan. Lumayo na siya bago pa siya makita ng dalawa.

The Cursed Bride Series: ChandelierTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon