CHAPTER ONE
WALANG mapagsidlan ang tuwa ni Vince sa narinig mula kay Raiza. Pumayag na itong isali sa pangalan nito ang pangalang Pauline. Para kay Vince, napakaganda na no’ng pasimula. Mahal na mahal niya si Pauline at ngayo’y di niya na maitatanggi na nagsisimula na siyang makadama ng pagpapahalaga kay Raiza.
“Salamat, salamat Raiza. Hindi mo lang alam kung gaano mo ako pinaligaya.”
“O, Raiza mo diyan? Raiza Pauline na buhat ngayon Vince. Tama si grandma, ako at si Pauline ay iisa. Na kung mamahalin mo si Raiza ay di pwedeng iwasang mahalin si Pauline dahil ang katawang ito ay kanya. Kaya okay na sa akin if you just call me Raiza Pauline.”
“Di ba parang ang haba naman? Di ba pwedeng hon na lang?”
“Hon?” Nag-isip ito. “Pwede!”
“Talaga? Walang bawian iyan. Mamaya sumpungin na naman ang pagkaluka-luka mo eh ipagtulakan mo na naman ako pag tinawag kitang hon.”
“Naalala mo pa pala iyon? Ganda rin ng memory ah. Bilib ako. ” Napayuko ito na tila hiyang-hiya sa kaniya.
“At sinong makakalimot no’n? Tapos takutin mo pa ako na tatalon ka sa hagdan. Huwag kang ganun!” Natatawang sabi niya.
“O sige, hindi na. Nahiya tuloy ako. Ipaalala pa ba iyon. Promise, magpapakabait na ako.” Itinaas pa nito ang kanang kamay.
“O papaano? Tutal okay na tayo, e di sasama ka na sa amin sa pagbalik a Manila?” Nakangiting paanyaya niya.
Ngumiti lamang ito. Hinaplos nito ang mukha niya.
“Sama ka na.” May paglalambing na paanyaya niya.
Umiling ito pero nakita niya sa mga ito ang paglambot ng kalooban nito. “Ay hindi muna Vince. Marami pa tayong dapat pag-isipan at pag-aralan. Hindi natin magagawa iyan kung hindi natin susubukang maghiwalay.”
Napatingala siya bago siya napahugot ng malalim na hininga. Napakahirap para sa kaniya ang mahiwalay sa kaniyang asawa pero kailangan niyang pagbigyan ang kahilingan ni Raiza.
“Sige, pagbibigyan kita. Malay mo ma-miss natin ang isa’t-isa kung subukan naman nating maglayo.”
Napangiti itong bigla. “Korek! Mr. Vince Benitez. Ang galing mo na ngayon ah. Fan mo na nga ako sa palagay ko.”
Natawa siya. Ito ang mami-miss niya kay Raiza. Ang kanyang pagiging patawa. Kayang-kaya nitong patawanin siya kahit sa gitna ng isang malaking problema. “Hep, Ako naman ang hihirit. Baka pwede namang huwag mo na akong tatawaging Vince. Lugi naman ako niyan.”
Tumaas ang kilay nito. “Ay huwag mong sabihing may sapi ka na rin at naging ikaw na si Coco Martin ngayon?” Dinugtungan nito ng tawa ang sinabi.
“Ay hindi. Mas guwapo naman ako kay Coco ‘no? Hon na lang din sana ang itawag mo sa akin para di nakakapanibago. Palagay mo?” Kinindat-kindatan niya ito.
“Okay, sabi mo eh. Ikaw pa eh ang lakas mo kaya sa akin. Matatanggihan ba kita.” Sabay yapos nito sa kaniya. Niyakap niya rin ito at kinintalan ng halik sa noo nito.
KUMAWAY ANG buong pamilya ni Raiza sa mag-amang Vince at Shayne. Halos di mabitiwan ni Vince ang kamay ni Raiza sa na nasa tapat ng bintana ng kanyang sasakyan. Panay din ang kaway ni Shayne sa ina.