"SAAN kayo nagpunta ni Paolo?" tanong ni Trisha nang tanggapin ni Jane ang tawag nito pagbalik niya sa opisina.
"Nag-lunch kami sa Amelia's," tugon niya. Dumiretso na sa airport si Paolo para bumalik sa Bicol pagkatapos nilang mag-lunch. Ayon kay Paolo ay ilang araw na lang itong manantili roon at kaagad ding babalik sa Maynila dahil papalitan na ito ng naka-recover nang tunay na overseer ng proyekto.
"Gaga, noong wedding ni Gabe noong isang araw ang tinutukoy ko. Bigla na lang kayong nawala pagkatapos ng wedding ceremony at pareho pang nakapatay ang mga cell phone n'yo."
Napangiti si Jane nang maalala ang araw na nagpaalam siya sa kanyang virginity. "Namasyal kami," parang kinikiliting pagsisinungaling niya.
"Namasyal? Ang dami namang araw para gawin 'yon, ah. Bakit sa mismong araw pa ng kasal ni Gabe?"
"Na-miss kasi namin ni Paolo nang husto ang isa't-isa, eh. Alam mo namang ang tagal naming hindi nagkita. Sinadya talaga namin na hindi na pumunta sa reception dahil alam naman namin uulanin lang kami ng tanong kung kailan ang wedding day namin."
Natawa si Trisha. "Tama ka d'yan. Anyway, other than you and Paolo, I think alam ko na kung sino-sino ang susunod na ikakasal."
Napakunot siya ng noo. "Sino?"
"'Iyong nakasalo ng bouquet at garter sa reception. Hulaan mo kung sino."
"Sino nga?"
"Ito naman, pag-isipan mo naman kung sino."
Pinagbigyan ni Jane ang kaibigan. "Si Francine? Mukha namang in love na in love sila sa isa't-isa ng boyfriend niya."
"Wrong, pero malapit na."
"Si Justin at Frances?" hindi siguradong paghuhula pa niya. Batid niya kung gaano kapursigidong maging ganap na doktor muna ang kapatid niya bago magkapamilya.
"Wrong."
"Ang kapatid mong si Ethan?"
"Asa ka pa. Ni wala ngang girlfriend 'yon, eh," dismayadong sabi ni Trisha.
Napangiti si Jane nang maalalang pinag-iisipan ni Trisha na isang closet queen ang celebrity brother nito dahil sa hindi nito pagkakaroon ng girlfriend o nililigawan man lang. "Sino ba talaga? Wala na akong maisip, eh."
"Wala ka talagang kuwentang pahulaan. Okay, sasabihin ko na nga. It was Anthony and Janine. Sila ang nakasalo ng garter at bouquet nina Gabe at Bel."
"Sila?" nasorpresang bulalas ni Jane. Nawala sa isip niya na magkarelasyon na nga pala ang mga kapatid nila ni Paolo.
"Oo. Grabe, bagay na bahay sila. Tuwang-tuwa nga kaming lahat, eh. Paano ba 'yan, Jane, mukhang mauunahan pa kayo ng mga kapatid n'yo ni Paolo na magpakasal?"
"Hindi totoo 'yong pamahiin na 'yon, 'no," kontra niya. "Bata pa ang kapatid ko at huwag mo ring kalimutan na pareho sila ni Anthony na gustong maging doktor. Siguro naman iniisip nilang magtapos muna ng pag-aaral bago mag-asawa."
"Sabagay, pero sana naman kayo na talaga ni Paolo ang susunod na ikakasal."
"No comment."
Narinig ni Jane ang biglang pag-iyak ni Kent sa background nito.
"Jane, I need to go, nagising na si Kent. Gutom na siguro."
BINABASA MO ANG
Stuck With Me - Published under PHR
RomanceMy First Published Novel under Precious Heart Romances. "Walang araw na hindi ko pinangarap na maging akin ka." Mahal na mahal ni Jane si Paolo. Kaya nang mag-propose ito ng kasal ay buong puso niyang tinanggap. Kaya lang, tuwing sasab...