KAY FRANCINE humingi ng referral si Jane para magde-decorate ng magiging bahay nila ni Paolo. Head ng design department ng Builders si Francine at isa ring interior designer kaya dito siya humingi ng tulong. Actually, best friend ni Janine si Francine at malapit din sila sa isa't-isa. But in terms of maturity, milya-milya ang layo ni Francine sa kapatid niyang si Janine kahit pa magkasingtanda lang ang dalawa. Marahil ay dahil tulad niya ay panganay rin sa apat na magkakapatid si Francine samantalang bunso at Daddy's girl naman si Janine.
Nang malaman ni Francine na ang magiging bahay nila ni Paolo ang magiging proyekto ay iprinisinta nito ang sarili. Hindi naman daw masyadong abala si Francine at nami-miss na rin daw nito ang dating trabaho dahil mula nang maging department head ito ay puro na lang paper works ang hinaharap.
She knew Francine was smart and very talented so she quickly agreed. Kay Francine din siya humingi ng advice noong ma-acquire ni Paolo ang condo unit nito at ipaubaya sa kanya ang pagde-decorate. Abala kasi noon ang kanyang nobyo sa isang construction project nito sa Olongapo.
Mahigit isang linggo nang tinatrabaho ni Francine at ng mga assistants nito ang pagde-decorate ng buong bahay pagkatapos aprubahan ni Jane ang sketches nito. Maliban sa third floor dahil hindi pa niya alam kung anong balak doon ni Paolo. Pero araw-araw ay bumibisita rin siya roon.
Hindi nagkaroon ng pagkakataon si Jane na sabihin kay Paolo ang plano niya dahil nilayasan nga siya nito sa condo unit nito pagkatapos magalit sa kanya. Hindi rin sinasagot ng kanyang nobyo ang mga text at phone calls niya. Kay Trisha na lang niya nalaman na nagtungo ito sa resort nila sa Palawan kasama sina Ken, Gabe at BJ kung saan naroon din ang iba pang mga kaibigan ng mga magulang nila para pag-usapan ang isang sports club center na planong ipatayo ng mga magulang nila. Batid niyang galit talaga si Paolo sa kanya dahil sa unang pagkakataon ay hindi nito ipinaalam sa kanya na nag-leave at umalis ito.
Nagdesisyon si Jane hayaan na muna ang nobyo at hintayin itong makabalik bago siya muling magpaliwanag at mag-sorry. Nagdesisyon din siya na gawing sorpresa na lang kay Paolo ang pagpapa-decorate ng magiging bahay nila. Sigurado naman siyang hindi nito mamasamain ang pangingialam niya dahil noong una siyang magpunta roon ay sinabihan siya nito na siya ang masusunod sa magiging interior decoration ng bahay. Nakiusap na lang siya kay Francine at Mang Gustin na huwag ipaalam kay Paolo ang sorpresa niya.
Noong umagang iyon ay magkasamang naglibot at namili ng mga appliances sina Jane at Francine sa mga home depot centers at appliance stores. Sabay na rin silang nag-lunch at pagkatapos ay nagkanya-kanya nang sakay ng kotse. Sa magiging bahay nila ni Paolo patungo si Francine, hihintayin na lang din nito roon ang delivery ng mga appliances na binili nila. At siya naman ay papasok na sa opisina.
Malapit na si Jane sa office building ng MNGC nang makatanggap siya ng tawag mula kay Kuya Jay-Jay.
"Jane, congratulate me. Nanganak na si Kate!" puno ng kagalakang pagbabalita nito.
"Really? Congratulations, Kuya!" masayang–masaya ring tugon niya. Nakaligtaan niyang kabuwanan na nga pala ni Kate.
"Nandito kami sa St. Francis. Pumunta ka na lang dito, tatawagan ko pa sina Lola. Bye!"
Excited na nag-U-turn si Jane patungo sa St. Francis General Hospital. Wala pang dalawampung minuto ay nakarating kaagad doon ang dalaga. Nagulat pa siya nang madatnan sa hospital suite ni Kate si Paolo. Kaagad niya itong nginitian. He nodded then he planted a kiss on her cheek.
Itinuon muna ni Jane ang atensyon kay Kate at sa baby. Eight pounds baby boy ang pamangkin niya. Hindi makakailang isa itong Monteclaro dahil malaki ang pagkakahawig ng baby sa sa pinsan niya at asul din ang mga mata tulad nila.
BINABASA MO ANG
Stuck With Me - Published under PHR
RomansaMy First Published Novel under Precious Heart Romances. "Walang araw na hindi ko pinangarap na maging akin ka." Mahal na mahal ni Jane si Paolo. Kaya nang mag-propose ito ng kasal ay buong puso niyang tinanggap. Kaya lang, tuwing sasab...