Chapter Six

5.7K 118 7
                                    

"JANE, you're an angel!"

Napataas ang isang kilay ni Jane nang tuwang-tuwang salubungin siya ni Trisha sa front door pa lang bahay nito. Dahil wala naman siyang masyadong ginagawa sa opisina ay naisipan niyang dalawin ang kaibigan. Tama si Kate. Kung gusto talaga niyang maging handa sa buhay-may-asawa ay sa mga ito dapat siya magdididikit. Pero hindi niya iyon aaminin kay Trisha dahil tutuksuhin lang siya nito.

"Ano nama'ng ginawa ko para sabihin mo sa akin 'yan?" natatawang tanong niya.

"Tamang-tama kasi ang dating mo. I need your help." Hinawakan siya nito sa kamay at dinala sa silid ng inaanak niyang si Kent. Nadatnan nilang natutulog sa kama ang bata.

"Bakit ba?" mahinang tanong niya sa takot na mabulahaw si Kent.

Hinila na siya ni Trisha palabas ng silid. "Naubusan na kasi ng stock ng formula milk si Kent at isa na lang ang diaper niya."

"Akala ko ba nagpapa-breastfeed ka?"

"Nagpapa-breastfeed nga. Ang problema, nauubos din kaagad dahil sa takaw ng inaanak mo kaya nagpo-formula milk pa s'ya."

"Hindi ka siguro kumakain ng leafy vegetables at mga soup kaya nauubos kaagad ang gatas mo," sarcastic na sabi niya.

"Ang dami mong alam. Bakit nanay ka na ba?"

"I just read it somewhere," katwiran niya.

"Kumakain ako, 'no. Talaga lang matakaw si Kent. Anyway, kailangan kong bumili ng formula milk at diapers dahil siguradong kukulangin na. Gagabihin pa naman ngayon si Ken at 'yong maid naman namin nagday-off."

"No problem. Ako na lang ang bibili," alok niya.

"Ako na lang, Jane. May iba pa kasi akong bibilhin. Pakibantayan na lang si Kent."

Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. "Iiwan mo sa akin ang anak mo? Anong alam ko sa pag-aalaga ng bata?"

"Babantayan mo lang s'ya habang natutulog. Babalik din ako kaagad. Sa grocery sa may kanto lang naman ako pupunta.Don't worry matagal matulog si Kent at katutulog lang n'ya, nakabalik na ako bago pa s'ya magising."

"Sigurado ka?" nagdududang tanong niya.

"Oo naman. Ako ang mommy niya kaya alam ko."

"Sige na nga. Bilisan mo lang ha. Kotse ko na lang ang gamitin mo."

"Mabuti pa nga."

Sandaling pumasok sa master bedroom si Trisha para magbihis at kunin ang wallet.

Nang balikan si Jane ng kaibigan ay nakasuot na ito ng itim na leggings at pink T-shirt na may nakasulat na "Offsprings 21" na siyang pangalan ng barkada nila. Napailing na lang siya nang makita ang simpleng ayos ni Trisha. Noong dalaga pa ito at nakatira pa sa village nila ay hindi ito lumalabas ng naka-t-shirt lang o hindi nakapostura maliban na nga lang kapag nagjo-jogging sila o magba-badminton. Ngayon ay nagsuklay lang yata ng buhok at nagpulbo si Trisha. Malaki talaga ang nababago sa isang tao kapag married na, naisip niya. Gayumpaman ay maganda pa rin naman ang kaibigan niya kahit hindi mag-ayos at tila hindi man lang ito nanganak dahil sexy pa rin.

"Bahala ka na sa inaanak mo, ha. Nakaluto naman na ako. Kumain ka na lang kapag nagugutom ka," bilin pa ni Trisha nang iabot ni Jane dito ang susi ng kotse niya.

"Ako na ang bahala."

Pagkaalis ni Trisha ay kaagad na nagtungo sa kusina si Jane upang kumuha ng maiinom. Pakiramdam kasi niya ay nauhaw siya sa naiwang responsibilidad sa kanya. Hindi pa niya nauubos ang iniinom na canned pineapple juice nang marinig niya ang pag-iyak ni Kent. Nagmamadaling nagbalik siya sa silid ng bata.

Stuck With Me - Published under PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon