Chapter Eleven

7K 128 9
                                    

NAGISING si Paolo sa isang estrangherong silid. Gayumpaman, batid niyang nasa guest room siya ng bahay nina Ken at Trisha. Pagkatapos niyang uminom sandali sa isang bar kagabi ay doon siya napadpad. Kaagad naglabas ng alak si Ken nang mapansin nitong may problema siya. At halos mag-uumaga na nang matapos silang mag-inuman at doon na siya pinatulog.

Habang bumabangon ay nakaramdam ng pananakit ng ulo si Paolo dahil sa dami ng nainom kagabi. Nagulat pa siya nang makita sa suot niyang sports watch na alas-kuwatro na ng hapon. Hindi niya akalain na ganoon katagal siyang nakatulog. Nang makita ang sports bag niya na nakapatong sa isang silya ay dumiretso na siya sa banyo upang maligo. Marahil ay kinuha iyon ni Ken sa kotse niya at dinala sa guest room dahil batid nitong kakailangan niya iyon. Pareho silang may sports bag sa loob ng kotse dahil ugali na nilang mag-basketball pagkatapos ng trabaho. Nitong mga nakaraang buwan lang nila iyon hindi nagawa dahil nadestino nga siya sa Bicol. At si Ken naman, magmula nang mag-asawa ay umuuwi na kaagad sa bahay pagkatapos ng trabaho.

Matagal nagbabad si Paolo sa ilalim ng shower. Malaki ang naitulong niyon para mabawasan ang pananakit ng kanyang ulo. Pagkatapos makapagbihis ay lumabas na siya ng silid at hinanap si Trisha. Natagpuan niya itong nagluluto sa kusina.

"You're finally awake. Coffee?" nakangiting sabi ni Trisha nang makita siya nitong pumapasok sa kusina.

"Yes please," ani Paolo habang umuupo sa harap ng kitchen counter. "Nasaan ang asawa mo?"

Tumalima ang babae at kumuha ng mug sa cupboard. "Nagpunta sa site kaninang ala-una pero pauwi na 'yon. Bilin pala ni Ken 'pag gising mo, huwag muna raw kitang pauwiin dahil iinom pa raw uli kayo," halatang nagbibiro lang na sabi nito.

Napangiwi siya sa narinig. "Oh, please ayoko na muna ng alak."

Tumatawang ibinaba ni Trisha ang umuusok na black coffee sa harap ni Paolo. "Sandwich o kakain ka na ng rice? Iinitin ko lang ang nilagang baka."

"Mamaya na lang. Okay na 'tong kape."

"Hindi sinabi sa akin ni Ken kung bakit ka naglasing. Pero dahil kay Jane, 'di ba? May misunderstanding kayo?" kaswal na tanong ni Trisha habang naglalakad pabalik sa harap ng lutuan.

Natigilan si Paolo. Sa dami ng nainom niya kagabi, hindi na niya maalala kung nasabi ba niya kay Ken na break na sila ni Jane o kung ano ang napag-usapan nila. Pero obvious naman na hindi pa dahil hindi pa siya pinuputakti ng tanong ni Trisha.

"Where's Kent?" sa halip na tanong niya at sumimsim ng kape.

"Naglalaro sa garden kasama ng yaya niya. Kumuha na ako ng yaya para mapagtuunan ko na ng pansin ang culinary school ko," tugon nito. "Minsan nga pala nagpunta rito si Jane. It happened na naubusan ng formula milk at diapers si Ken kaya naiwan siya rito at pinagbantay ko kay Kent."

Hindi kumibo si Paolo. Gayumpaman ay naging interesado siya sa sinasabi ni Trisha.

"Tulog si Kent noon kaya pumayag siyang maiwan dito. Pero nagising din si Kent dahil nag-poopoo pala," kuwento nito.

"Hindi ko alam kung marunong siyang mag-alaga ng bata o magpalit ng diapers," kaswal na komento ni Paolo.

"Wala nga raw siyang alam kaya tawa ako nang tawa nang pagbalik ko rito, nadatnan ko siyang haggard na haggard at parang dinaanan ng bagyo ang buong kuwarto ni Kent. But infairness, nagawa niya namang palitan ng diaper si Kent at timplahan ng formula milk. Naglalaro pa nga sila ni Kent ng dumating ako, eh."

Stuck With Me - Published under PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon