PAPASOK si Samantha sa bago niyang trabaho. Kanina pa kumakabog ang dibdib niya dahil pagkalipas ng limang taon ay ngayon lang uli sila magkikita ng lalaking mahal niya. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon nito kapag nagkita sila. Pero isa lang ang sigurado niya: hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman niya para dito. At umaasa siyang ganoon pa rin ang nararamdaman ng binata para sa kanya.
Kinailangan nilang maghiwalay ng landas dahil sa napakaraming hadlang. Isa na roon ang biglang pagbabago ng kanyang buhay dahil sa mga natuklasan niya.
Nangako si Samantha noon na magsusumikap siya para paglapitin ang agwat nilang dalawa ng binata. And it took her five years to achieve that. Sa limang taong lumipas ay marami siyang natuklasan, maraming natutunan at maraming pinagdaanan.
Pero sa kabilan n'on, hindi nagbago ang nararamdaman niya para sa lalaking una niyang minahal. At masaya siya ngayon na nabigyan siya ng pagkakataon na muli itong makasama. Siguro ngayon, panahon na para ituloy ang naudlot nilang love story.
Napapansin ni Samantha ang mga tao na lumilingon sa kanya habang naglalakad siya papunta sa studio kung saan ieere ang morning show kung saan siya magiging isa sa mga host, ang iba nga ay yumuyukod sa kanya at binabati siya.
Come to think of it, five years ago, halos isa lang siyang "nobody" sa lugar na iyon. Kung mapansin man siya, iyon ay para punahin at laitin siya.
Pero iba na ngayon. At alam naman niya ang dahilan ng atensiyong nakukuha niya ngayon.
Pero bukod doon, sa morning show na kabibilangan ni Samantha, wala pang nakakaalam sa kahit sino sa mga staff—maging ang direktor—na siya ang papalit sa dating host. Salamat sa kapatid niya na natulungan siyang ilihim iyon hanggang sa araw na ito.
Pagpasok si Samantha sa studio ay lumingon sa kanya ang lahat. At base sa halo-halong ekspresyon ng mga taong naroon—ang iba ay nagulat at ang iba ay natuwa—mukhang nahualaan na ng mga ito kung ano ang magiging papel niya sa morning show na iyon. Pero wala siyang pakialam sa lahat ng taong naroon. Dahil iisang tao lang ang hinanap ng kanyang mga mata.
At nang matagpuan ang binata na nasa tabi ng camera kung saan nagbabasa ito ng script, agad siyang naglakad palapit dito. Nang mapansin siya ng binata ay nag-angat ito ng tingin sa kanya. At eksakto ang pagtingin nito sa kanya ay huminto siya sa tapat nito at walang pagdadalawang-isip na hinapit sa batok at siniil ng halik sa mga labi. Kinailangan pa niyang tumingkayad para maabot ang binata.
Narinig ni Samantha ang singhap ng mga tao sa paligid na nakasaksi sa kanyang kapangahasan. Pero wala siyang pakialam doon. Wala rin siyang pakialam sa malakas na tibok ng kanyang puso. Dahil ang tagal-tagal-tagaaaaaal na niyang gustong gawin iyon, at ilang libong lakas ng loob ang inipon niya magawa lang iyon. Hindi siya papaapekto sa kahit anong bagay. Kahit pa sa gulat na reaksiyon ng binatang hinalikan niya.
Gulat na tumitig ang binata sa kanya nang pakawalan niya ang mga labi nito. Tumaas ang isang sulok ng kanyang mga labi. Ah, napakaguwapo talaga nito. Sa loob ng limang taon ay hindi nagbago ang epekto nito sa kanya.
Pinahid niya ang lipstick na nagmantsa sa mga labi nito saka mapang-akit na ngumiti.
"It's nice to see you again... Anthony."
BINABASA MO ANG
MY ULTIMATE LOVE STORY (COMPLETED)
Romance"Kahit kailan, hindi naging mali ang magmahal. Maaaring magmamahal tayo ng maling tao, o magmamahal sa maling pagkakataon, pero kahit kailan ay hindi naging mali ang pagmamahal." Si Samantha ay fresh out of college at nagtapos ng MassCom. Isang TV s...