KAHIT na isang linggo na ang nakalilipas mula nang tawagan si Samantha ng RVN 8 ay hindi pa rin naaalis ang kaba at excitement niya. Kinabukasan nang makatanggap siya ng tawag mula sa HR ay pumunta siya sa istasyon para sa kanyang initial interview at exams. Napasahan niya iyon at ngayong araw ang kanyang final interview. Sabik na sabik pa rin si Samantha at halos hindi nga siya nakatulog kagabi sa sobrang kaba.
Huminto muna siya sa paglalakad at sumilong sa isang puno sa tabi ng kalsada. Walang dumadaang jeep nang mga sandaling iyon. Halos wala ring katao-tao sa kalsada gayong tanghaling tapat naman. Marahil ay nasa pahingahan pa ang mga jeepney driver. Kunsabagay, ngayon lang niya naranasang mag-abang ng jeep ng ganoong oras.
Patuloy pa rin si Samantha sa pag-aabang ng masasakyan nang may mapansin siyang isang lalaki na palinga-linga sa paligid habang pasulyap-sulyap sa maliit na papel na hawak nito. Hidni pamilyar ang hitsura nito sa paningin niya at mukhang naliligaw ito. Doon na kasi siya lumaki sa barangay na iyon kaya kilala niya ang halos lahat ng tao roon. Paano hindi gayong sikat na sikat si Levi sa lugar nila dahil sa lahat ng ligang sinasalihan nito ay palagi itong MVP, kung hindi man ay nasasali sa mythical five tuwing may paliga ang kapitan sa lugar nila. At sa dami ng kakilala ni Levi, dumami na rin ang kakilala niya. Isa pa, ang karamihan sa lugar nila ay naging mga kaklase niya ng elemetarya at high school.
Iyon nga lang, maituturing na little Tondo ang barangay nila sa dami ng krimen, tambay at adik sa lugar nila. Mabuti na lang at hindi siya napagti-trip-an. Well, salamat uli sa popularity ni Levi.
Balak na sana niyang tulungan ang lalaking mukhang naliligaw nang mapansin niyang may isa pang lalaki na sumusunod dito. Base sa kahina-hinalang kilos, mukhang alam na niya ang pakay ng lalaking iyon sa nauunang lalaking mukhang naliligaw.
Kapagkuwan ay sinabayan na ng lalaking kahina-hinala ang lalaking mukhang naliligaw. Biglang kumabog ang dibdib niya sa kaba nang akbayan ng lalaki ang huli. Huminto ang dalawa sa paglalakad.
Shit! Hinoholdap si Kuya!
Biglang nagtago si Samantha sa likuran ng puno dahil baka makita siya ng lalaki. Wala si Levi para maging tagapagtanggol niya. Wala ring ibang tao roon na maaaring makakita ng pangyayari. Nagtago si Samantha pero bahagya siyang sumilip sa puno para makita ang nangyayari.
Mukhang nanlalaban iyong lalaki. Pumapalag ito sa pagkakaakbay ng holdaper. Biglang binatukan ng holdaper iyong biktima nito gamit ang kamao.
Natutop niya ang bibig at parang nais nang lumabas ng puso niya mula sa dibdib sa lakas ng tibok niyon. Nanlalambot din ang mga tuhod niya.
Shucks! Ano'ng gagawin ko? Ano'ng gagawin ko?
Sumulyap siya sa lalaki.
Kuya, 'wag ka nang lumaban, please...
Hinablot ng holdaper ang cell phone at wallet ng biktima nito, maging ang hawak na papel ng lalaki kanina ay pilit ding kinukuha ng snatcher. Nakipag-agawan naman iyong biktima.
At nagulat siya nang may hinugot na kung ano ang holdaper mula sa likuran nito.
Balisong!
At sa isang iglap ay nasaksak na ng holdaper iyong lalaki sa tagiliran. Napaluhod iyong lalaki pero hindi pa rin binibitiwan ang hawak ng papel.
Napalingon si Samantha sa paligid.
Shit! Bakit ba kung kailan tanghaling tapat, saka pa may nagaganap na ganito? At wala pang katao-tao sa paligid!
Bumaling uli siya sa dalawang at mukhang sasaksakin na naman ng holdaper iyong biktima. Bigla na lang siyang napasigaw ng "Hoy!"
Napabaling sa gawi niya ang holdaper. Ang akala niya ay susugurin din siya nito pero laking pasasalamat niya nang tumakbo ito sa direksiyong pinanggalingan nito kanina. Hindi niya namukhaan ang holdaper dahil naka-shades ito. At nawala na rin dito ang atensiyon niya, napunta na sa lalaking nakaluhod sa bangketa, sapo ang duguang tagiliran.
Tumakbo siya palapit sa lalaki.
"Kuya! Kuya! Ayos ka lang ba?" Pero alam na niya ang sagot sa tanong na iyon dahil nakita niyang malakas ang agos ng dugo sa tagiliran ng lalaki. "Tulong! Tulong! May nasaksak po!!!" hiyaw niya.
Pero walang ibang taong naroon na maaaring makarinig ng saklolo niya.
BINABASA MO ANG
MY ULTIMATE LOVE STORY (COMPLETED)
Storie d'amore"Kahit kailan, hindi naging mali ang magmahal. Maaaring magmamahal tayo ng maling tao, o magmamahal sa maling pagkakataon, pero kahit kailan ay hindi naging mali ang pagmamahal." Si Samantha ay fresh out of college at nagtapos ng MassCom. Isang TV s...