DAHIL sa pagiging propesyunal ni Kuya Mac na inuna ang trabaho kaysa ang iligtas sila ni Dave, nakunan nito ang video ang pagliligtas ni Samantha sa bata. Inilabas iyon sa national TV nang magbalita sila tungkol sa pananalasa ni Bagyong Yolanda.
Kaya nang bumalik sila sa Maynila para sa Umaga sa Pilipinas, nag-iba ang pakikitungo sa kanya ng mga kasamahan sa production—maging ang mga host ng naturang morning show ay nagbigay rin ng kanya-kanyang paghanga at papuri sa kanya.
Mainit pa rin ang dugo ni Direk Sharee sa kanya, pero hindi gaya ng dati, hindi na siya nito gaanong pinupuna. Nang minsang kausapin siya nito at tanungin ang naging karanasan niya sa tatlong araw niyang pananatili sa Tacloban, sinabi niya ang mga natuklasan at nalaman. Pinasalamatan din niya ang direktor sa pagpapadala sa kanya roon. Pagkatapos ng mahabang monologue niya na mukha namang matiyagang pinakinggan ng direktor ay tumango lang ito at sinabing "mabuti." Pagkatapos ay inutusan na siya na may kinalaman sa morning show.
Halos nairaos ni Samantha ang buong araw na hindi napapagalitan ni Direk Sharee—na ikinatuwa niya nang bahagya.
Pero bukod doon, may isang tao na hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo sa kanya mula nang umalis sila ng Tacloban.
Si Anthony de Dios.
Tuwing titingnan niya ang binata ay parang lagi itong may ginagawa, kung hindi nagbabasa ng news script ay nakikipag-usap ito sa co-host.
Tuluyan na yatang nawala ang spark na namagitan sa kanila sa Tacloban.
O baka naman ikaw lang ang nag-iisip n'on, mataray na sabad ng isang bahagi ng isip niya.
Nalungkot siya... at labis na nasaktan.
Nang matapos ang show at wala nang dapat gawin ay hindi pa agad umuwi si Samantha. Dahil masyado pang malakas ang ulan sa labas ay nag-stay muna siya sa news room ng Umaga sa Pilipinas para gumawa ng kanyang journal. Mula kasi nang mag-intern siya sa isang raido station noon at ni-require siyang gumawa ng journal tungkol sa mga balitang sa araw-araw at ang opinyon niya tungkol doon ay nakasanayan na niya iyong gawin kahit nang makatapos na siya. In a way, nagagawa rin niyang sanayin ang sarili sa pagsusulat ng news article.
Pero hindi pa man siya nagtatagal doon ay pumasok na si Miss Anna. "O, Sam. Nandito ka pa," gulat na wika nito. "Hindi ka pa ba uuwi?" tanong nito habang nagpupunta sa sariling cubicle.
"Hindi pa po, Ma'am. Magpapatila na lang po muna ako ng ulan dito."
"Ah gano'n ba. Sige, may nakalimutan lang ako kaya ako bumalik," sabi nito at itinaas ang folder.
"Sige po, Ma'am, ingat po."
Tumango si Ma'am Anna. "Ingat din." Pero nang nasa tapat na ng pinto ay huminto pa ito at humarap sa kanya. "Uhm, Sam..."
"Po, Ma'am? May maipaglilingkod po ako sa inyo?" tanong niya.
"Ah, hindi. Wala naman." Pumasok uli ito sa loob at umupo sa tabi niya sa sofa. "Napapansin ko lang kasi, parang wala ka sa sarili mo." Bago pa siya makapag-react ay nagpatuloy na ito. "Alam mo, alam ko kung kailan ka pumapalpak dahil sa pagsusumikap mong makatulong, kaysa kapag pumapalpak ka dahil wala ka sa sarili mo. Napansin ko kanina na sa buong duration ng program, palagi kang tulala at tamihik. May problema ba?"
"Naku, Ma'am, wala po," kaila ni Samantha.
"Sige na. Sabihin mo. Ano ba 'yon? Makikinig ako. Saka baka makatulong ako sa 'yo." Ibinaba nito ang gamit sa tabi ng sofa at tumingin sa kanya nang may buong atensiyon.
"Ayy... Nakakahiya po..." Bigla siyang nakaramdam ng pagkailang. Hindi yata niya kayang sabihin ang mga personal na bagay sa isang assistant director.
"Sige na. Hindi naman 'yan tungkol sa trabaho mo, hindi ba? Is it about a guy?"
Marahas siyang napatingin sa kausap. "Po?"
"Oh, come now. Babae rin ako, kaya alam ko kung ang isang babae ay may problema sa buhay pag-ibig. Ano ba 'yan? Iniwan ka ba ng boyfriend mo or something?"
"Naku, hindi po. Ano lang kasi..." Saglit niyang pinag-isipan kung sasabihin kay Miss Anna ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Anthony sa Tacloban at sa biglang pagbabago ng binata sa kanya. Naisip niyang wala siyang ibang babaeng kaibigan at sa tingin niya, isang kapwa niya babae ang makakaunawa sa kanyang nararamdaman. Alam kasi niyang kokontrahin lang siya ni Levi kapag nagkuwento siya sa best friend niya.
Pagkatapos ng ilang sandaling pakikipagdebate sa sarili ay napagdesisyunan ni Samantha na maglabas na rin ng saloobin kay Miss Anna. Ikinuwento niya ang lahat, mula sa una niyang mapanood si Anthony sa TV bilang isang host sa isang game-oriented program, hanggang sa pangarap niyang maging isang news anchor at maging gaya ni Anthony... hanggang sa pagkaka-realize niyang mahal na pala niya ang binata.
Saglit na tumitig lang sa kanya si Miss Anna nang matapos siyang magkuwento—walang emosyon ang mukha.
"Hay! Sabi ko na, pointless po talagang magsabi sa inyo, eh. Nakakahiya!" Tinakpan niya ng dalawang kamay ang mukha.
"Ah, hindi, hindi. Pasensiya ka na sa naging reaksiyon ko. Pero hindi 'yon nakakahiya. Ayos lang 'yon."
Sa narinig ay nag-alis ng mga kamay sa mukha si Samantha at tiningnan ang babae. "Talaga po?"
"Oo naman. Kaya lang, napapaisip lang ako."
"Tungkol po saan?"
"Na ang isang tulad mo ay magkakagusto kay Anthony de Dios. You see, the controversy he's involved right now."
"Alam ko po 'yon. Kaya nga po nakabuti na nandito ako, para maipakita sa kanya ang full support ko. Na kahit ano pa po ang kasangkutan niya, may mga tao pa rin po sumusuporta at mataas ang tingin sa kanya. Hindi pa rin po magbabago 'yon anuman ang mangyari."
Ngumiti nang matipid si Miss Anna. "Well, good to hear that. And you seem committed naman with your resolution. Good luck to you. But please, take good care of yourself. You might not know what might come in your way because of your attraction to that guy." Tumayo na si Miss Anna at kinuha ang mga gamit.
"Salamat po sa paalala, Miss Anna. At salamat din po sa pakikinig. Isa po talaga kayo sa pinagkakatiwalaan ko rito. Isa po kayo sa mga naging mabait sa akin."
Isang matipid na ngiti lang ang iginanti ni Miss Anna.
"Ingat po kayo, Ma'am."
"Thanks. You too." Pagkatapos niyon ay nawala na ito.
Huminga nang malalim si Samantha at noon niya naramdaman na nakagaan sa kanyang kalooban ang may napagsasabihan ng kanyang nararamdaman. At ngayon, dahil sa pagsasabi niya sa ibang tao ng mga saloobin niya, mas naging matindi ang nararamdaman niya para kay Anthony at napatunayan niya sa sarili na mahal nga talaga niya ang binata.
Ngayon ay dapat siyang maging masikap para matupad ang pangako kay Anthony. Na paglalapitin niya ang estado nila sa buhay at kapag mas matanda na siya nang kaunti, mas may pagkakataon na siyang seryosuhin ni Anthony.
Tama! Dapat simula ngayon, mas magsikap na siya. Iniangat pa niya sa ere ang kamao.
"Why do I get the feeling you've thought something dangerous to someone again?"
Napatda si Samantha dahil sa tinig na iyon mula sa pintuan. Napatingin siya roon at nagulat lang makita kung sino ang naroon.
Si Anthony!
BINABASA MO ANG
MY ULTIMATE LOVE STORY (COMPLETED)
Romance"Kahit kailan, hindi naging mali ang magmahal. Maaaring magmamahal tayo ng maling tao, o magmamahal sa maling pagkakataon, pero kahit kailan ay hindi naging mali ang pagmamahal." Si Samantha ay fresh out of college at nagtapos ng MassCom. Isang TV s...