NAKANGANGA pa rin si Samantha at hindi maiwasang humanga nang ibaba siya ng taxi na sinakyan niya sa St. Luke's Medical Center.
Sinasabi ko na nga ba't may-kaya ang lalaking iyon, eh. Pero baka nga hindi lang may-kaya, mukhang mayaman talaga siya.
Isang lalaki ang lumapit sa driver ng taxi at nagbayad ng pamasahe niya. Nagpakilala itong si Lenard, ang lalaking tumawag sa kanya kanina.
Assistant daw ito ng lalaking isinugod niya sa ospital kanina. Nang itanong niya rito kung kumusta na ang lalaki—na hindi naman niya kung anong pangalan at hindi binanggit ni Lenard at hindi rin siya nag-abalang magtanong—ay sinabi ni Lenard na magpunta nga siya sa St. Luke's. Sinabi nitong magtaxi na lang siya at ito na ang sasagot sa bayad. Na ginawa naman nito.
Noong una nga ay mariin ang pagtanggi niya na ito ang magbayad ng taxi fair niya pero nagpumilit ito at sinabing utos iyon ng boss nito. Sa totoo lang, ayaw niyang tumanggap ng kahit ano mula sa lalaki dahil ayaw niyang isipin nitong kailangan nitong suklian ang pagtulong na ibinigay niya.
"Ang pagtulong sa kapwa ay hindi nangangailangan ng kapalit. Dapat ay ginagawa ito nang bukal sa kalooban."
Iyon ang motto niya dahil iyon ang madalas sabihin ni Anthony de Dios sa mga rescue mission na ginagawa nito.
Tumikhim si Lenard na nasa tabi niya at nakuha niyon ang kanyang atensiyon. Iminuwerstra nito ang entrance ng ospital at nagpatiunang pumasok doon. Dinala siya nito sa ikalawa sa pinakaitaas na palapag. At naglakad sila sa isang pasilyo. Ikinagulat niyang maraming lalaking nakasuot ng itim—na mukhang bodyguard gaya ng sumundo sa kanya sa ibaba kanina—ang nakabantay sa isa sa mga pinto roon. Huminto sila sa isang malaking pinto na may nakabantay na dalawang lalaking nakaitim at may suot na shades.
Binuksan ni Lenard ang pinto at pinauna siyang pumasok sa loob.
"Sir, nandito na po siya," sabi nito.
Mula sa pagtingin sa bintana ay humarap sa kanila ang lalaking nakaupo sa wheelchair. Ito ang lalaking sinaksak na tinulungan niya. Agad itong ngumiti nang tumutok ang mga mata sa kanya.
Ngayon lang niya napagtanto na guwapo ang lalaking ito. Sa tingin niya ay nasa twenty-eight lang ang edad nito. Limang taong mas matanda kaysa sa kanya.
"Hi," bati ng lalaki sa kanya.
"Hello," ganting-bati ni Samantha na bahagya pang yumuko.
Tumingin ito kay Lenard at tinanguan. Nakauunawang yumukod si Lenard at lumabas ng kuwarto. Kaya naiwan silang dalawa ng pasyente roon.
Pinagulong ng pasyente ang wheel chair nito malapit sa mesa sa bandang paanan ng kama. Habang hawak nito ang sabitan ng dextrose na nakasaksak pa sa braso nito. "Maupo ka muna. Make yourself comfortable." Iminuwestra nito ang sofa.
Umupo siya roon. At noon lang niya napansin na kanina pa pala niya pigil ang kanyang hininga. Kanina pa siya nao-overwhelm sa mga nakikita niya. Mula sa pagpasok niya sa St. Luke's hanggang sa mga guwardiya, at ngayon, parang hindi na ito ang lalaking tinulungan niya kanina. Parang napakamaawtoridad nito.
Sino kaya ito? Marahil ay may-ari ng isang kumpanya—o puwede rin isang politiko. Pero imposibleng may mataas itong natungkulan dahil kilala niya ang Presidente, ang Bise-Presidente, at mga Senador. Siguro... congressman?
"What would you like to have? Coffee, tea, juice," tanong ng lalaki.
Umiling siya at iwinasiwas ang dalawang kamay. "Ah, h-hindi na po kailangan, Sir. Busog pa po ako," tanggi niya. Kahit na kanina pa kumakalam ang sikmura niya. Alas-singko na ngayon at ang huling kain niya ay kanina pang alas-onse, bago siya umalis ng bahay.
BINABASA MO ANG
MY ULTIMATE LOVE STORY (COMPLETED)
Romance"Kahit kailan, hindi naging mali ang magmahal. Maaaring magmamahal tayo ng maling tao, o magmamahal sa maling pagkakataon, pero kahit kailan ay hindi naging mali ang pagmamahal." Si Samantha ay fresh out of college at nagtapos ng MassCom. Isang TV s...