CHAPTER FIVE

6.5K 125 0
                                    

NANLULUMO si Samantha at halos hinihila na lang niya ang mga paa para maihakbang. Nang makakita siya ng bangko sa parkeng nadaanan ay hindi na niya pinigilan ang sariling pabagsak na umupo. Kanina pa nanlalambot ang kanyang mga tuhod.

"I don't think we can accept an employee as negligent as you," sabi ng HR sa kanya na hinagod pa siya ng tingin. "You're already hours late from your interview. And you don't wear appropriate clothes. You look as if you came from a battle. I'm sorry, Miss Vergara, but I don't think we can hire a person like you."

Tandang-tanda pa niya ang bawat salitang binitiwan ng HR nang dumating siya sa opisina nito tatlong oras na huli sa kanyang interview. Hindi na siya nangatwiran pa. Dahil totoo namang kapabayaan na hindi siya dumating sa tamang oras. Ni hindi rin siya nagpaabiso na mahuhuli siya. Isa pa...

Niyuko niya ang suot na blouse. May mantsa ng dugo ang puting damit niya dahil sa pag-alalay niya kaninang tanghali sa duguang lalaki.

Pero ano'ng magagawa niya? It was an occupational hazard. Wala nang mas importante pang bagay kaysa sa buhay ng isang tao. Mabuti nga at nagkataong lang na may dumaang taxi na kahahatid lang daw ng pasahero nito. Agad sila nitong dinala sa pinakamalapit na pampublikong ospital. Ayon sa doktor, kung hindi raw naagapan ang lalaki ay baka naubusan na ito ng dugo at tuluyang namatay. Inoperahan ang lalaking isinugod niya sa ospital, at hindi agad siya pinaalis dahil in-interview pa siya tungkol sa nangyari. Sa halos tatlong oras na nanatili siya roon ay tuliro siya. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang nasaksihan kanina. At hindi rin siya sigurado kung namukhaan siya ng lalaki. Natatakot siyang baka balikan siya nito at siya naman ang isunod. Pero sa totoo lang, pangalawa na lang iyon sa concern niya dahil ang lalaking dinala niya sa ospital ang pinakainaalala niya. Pakiramdam kasi niya ay responsibilidad niya ito dahil siya ang nagdala sa lalaki roon sa ospital.

Nabalik lang siya sa tamang huwisyo nang lumabas ng ER ang doktor at sinabing ligtas na ang pasyente. Nang interview-hin siya nitong tungkol sa nangyari ay noon lang niya naalalang may interview nga pala siyang pupuntahan at kailangan niyang magmadali. Nag-iwan na lamang siya ng contact details.

Napabuntong-hininga si Samantha nang kunin ang coin purse at makitang beinte pesos na lang ang laman niyon. Siyempre, hindi libre ang pagsakay niya sa taxi kanina para maihatid sa ospital iyong lalaki. At may mga gamot ding ipinabili sa kanya ang nurse na gagamitin para sa pasyente. Oh, well. Mas okay na iyon kaysa hingan pa siya ng down payment gaya ng sa mga pribadong ospital.

Pero mukha namang may-kaya iyong lalaki. Kung wala, sa tingin niya ay hindi ito hoholdapin. Malakas ang pang-amoy ng mga holdaper sa mga may pera. Kaya siguro naman, makakayanan na nitong magbayad ng ospital sa sarili nitong bulsa.

Pero hindi na niya dapat isipin iyon. Mas dapat niyang isipin ang pagpasok niya sa RVN 8.

Nawala na ang kaisa-isa niyang pag-asa na makasama sa trabaho si Anthony de Dios!

Mukhang hindi sila ang nakatakda sa isa't isa...

Sa naisip ay lalong bumigat ang nararamdaman ni Samantha.

Tulala pa rin siya nang marinig niyang tumunog ang cell phone niya. Marahil ay si Levi iyon at kukumustahin ang interview niya.

Pero nagulat siya nang makitang hindi nakarehistro ang numerong tumatawag. Sinagot niya iyon at isang malalim na panlalaking tinig ang narinig niya sa kabilang linya.

"Hello, good afternoon. I'm looking for Miss Samantha Vergara."

"Speaking. Who's this?"

MY ULTIMATE LOVE STORY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon