HALOS maulan-ulan na nang magpunta si Samantha sa istasyon para sa pag-alis nila patungong Tacloban. Paparating pa lang ang bagyo at kinakailangan nilang magpunta sa probinsiyang iyon na mismong tatamaan ng bagyo. Kailangan nilang mag-report tungkol sa kaganapan sa lugar.
Mula sa istasyon ay pupunta sila sa isang helipad para sumakay ng chopper na maghahatid sa kanila patungong Tacloban.
Kung nasa ibang sitwasyon si Samantha, matutuwa siya dahil makakasama niya si Anthony de Dios sa isang report kung saan hindi niya kailangan mapahiya sa harap ng binata. Kapag kasi nasa studio sila, tuwing lalapitan niya si Anthony ay tatawagin siya ni Direk Sharee at ipapahiya sa harap ng binata.
Nang minsang nilapitan niya si Anthony at ibigay rito ang news script, agad siyang sinigawan ni Direk Sharee at sinabing "Oras ng trabaho, Trainee. Tigil-tigilan mo 'yang kalandian mo."
Pahiyang-pahiya siya noon at narinig pa niya ang impit na tawa ng ibang nakarinig. Pero tinatagan na lang niya ang mukha sa harap ni Anthony at ngumiti, saka sinabing "Sorry, duty call." Pagtalikod niya ay mapulang-mapula ang kanyang mga pisngi sa labis na kahihiyan.
Pero ngayong makakasama niya si Anthony nang wala sa paligid si Direk Sharee, hindi pa rin niya magawang maging lubos na masaya dahil hindi niya alam kung ano ang kakaharapin sa pagpunta nila sa Tacloban. Iyon ang unang pagkakataon na sumakay siya sa chopper. Iyon din ang unang pagkakataon na aalis siya ng Maynila. Pero hindi iyon ang unang pagkakataon na susuong siya sa isang bagyo. Minsan na niya iyong naranasan noong 2009 nang tumama ang bagyong Ondoy sa Maynila. Lumubog sa baha ang kanilang lugar at marami sa kanila ang nawalan ng tirahan at mahal sa buhay. At dahil bata pa siya noon, kitang-kita niya ang ilang kapitbahay niyang nalunod na walang kalaban-laban. Ang iba ay sinuwerteng mailigtas ng mga marurunong lumangoy.
Naaalala pa ni Samantha na iniligtas din siya noon ni Levi nang muntik na siyang malunod. Nagkaroon siya ng trauma at kahit na sikapin niyang matutong lumangoy ay hindi niya magawa.
Nakarating sila sa Tacloban nang walang aberya. Nang bumaba ang chopper sa oval at sumakay sila ng SUV kung saan dadalhin sila sa isang lugar na maaari nilang panatilihan habang naroon sila sa Tacloban.
Lalong humanga si Samantha na sa kabila ng malakas na pag-ulan ay nagpatuloy pa rin si Anthony sa paghahatid ng balita.
Nairaos nang buong umaga ang pagre-report nila. Maliban sa malakas na pag-ulan-ulan ay maayos naman ang lahat. Pero nagsimula ang delubyo nang humapon na at tuluyang mag-landfall ang bagyo...
Napaigtad si Samantha nang makarinig ng kalabog mula sa kung saan. Napatingala siya sa kongkretong kisame—pero hindi lang pala siya ang nakuha ng atensiyon ng kalabog dahil maging ang mga kasama niya sa kwartong iyon ay inilibot din ang tingin sa buong paligid na tila hinahanap ang dahilan at pinanggalingan ng ingay. Nang tila pare-pareho silang walang nakuhang sagot ay nagkatinginan lang sila. Saglit na dumaan ang katahimikan sa kanila—isang katahimikang puno ng pangamba at pag-aalala. Pagkatapos ay nagkanya-kanya nang balik sa trabaho ang mga kasama. Sinikap ni Samantha na mag-alok ng tulong sa mga kasama niya, pero gaya ni Direk Sharee, duda ang mga ito sa kakayanan niya at walang kahit sino ang nais na magpatulong sa kanya. Mariin din ang naging bilin sa kanya na huwag gagalaw ng anumang equipment dahil baka magkawalaan o masira.
Napayakap si Samantha sa bag niyang nasa kandungan habang nakaupo sa isang upuang yari sa kahoy at may dumaang kilabot sa kanyang gulugod. Napapaigtad siya kapag dumadagundong ang kulog. Lalo pa niyang niyakap ang sarili. Kanina pa siya kating-kati na i-text si Levi pero hindi niya magawa dahil tinitipid niya ang battery ng kanyang cell phone. Mula kaninang umaga ay wala nang kuryente sa barracks kung saan sila nanatili ngayon at hindi niya alam kung kailan magkakaroon ng kuryente. Bilang paghahanda sa anumang mangyayari ay maagang pinutol ang daloy ng kuryente para hindi magdulot ng anumang pahamak kung sakaling may matumbang mga poste ng kuryente.
BINABASA MO ANG
MY ULTIMATE LOVE STORY (COMPLETED)
Romance"Kahit kailan, hindi naging mali ang magmahal. Maaaring magmamahal tayo ng maling tao, o magmamahal sa maling pagkakataon, pero kahit kailan ay hindi naging mali ang pagmamahal." Si Samantha ay fresh out of college at nagtapos ng MassCom. Isang TV s...