Hindi Ko Kaya (Spoken Word Poetry)

949 9 0
                                    

Hindi Ko Kaya
Gayle Palaca

Mag-isa.
Ito yung pakiramdam na nararamdaman mo kapag walang tao sa bahay,
kapag naiwan ka at ikaw lang ang naglalakad pauwi,
kapag wala kang kausap,
o kapag wala kang mga kaibigan.

Pero sa mga karanasan ko, hindi ganyan ang totoong pakiramdam ng mag-isa.

Mag-isa.
Ito yung puno ng tao ang bahay niyo pero ni isa sa kanila, walang may pake sa'yo.
Ito yung hindi ka iniwan, may kasabay kang umuwi, pero nasa likuran ka lang at sumusunod lang sa kanila.
Ito yung napapaligiran ka ng mga madadaldal na tao at pwedeng pwede kang sumali sa usapan nila pero out of place ka.
Ito yung marami kang kaibigan pero ni isa sa kanila, walang totoong may malasakit sa'yo.

Mag-isa.
Ito ang pakiramdam na kahit napapaligiran ka ng maraming tao, pakiramdam mo pa rin ay walang nagmamahal sa'yo.

Mag-isa.
Ito ay hindi lang isang pakiramdam kun'di isang masakit na pakiramdam. Isang masakit na pakiramdam na iniinda ko pa rin hanggang ngayon.

Isa akong taong may malambot na puso.
Para akong isang bulaklak.
Isang bulaklak na kailangang ingatan upang hindi malagas.
Para akong isang babasaging pinggan.
Isang babasaging pinggan na kailangang ingatan upang hindi mahulog dahil ito'y tiyak na mababasag.

Isa akong taong may malambot na puso.
Hindi ko kayang magalit ng matagal sa isang tao.
Hindi ako marunong magtanim ng galit.
Mabilis akong makalimot.
Hindi mo na nga kailangang humingi ng tawad sa akin dahil kapag kinausap na kita, ibig sabihin ay okay na tayo.
Kapag ako naman ang nagkakasala, hindi ko kayang ipagpabukas pa ang aking 'sorry'.
Ang lakas kasi ng konsensya ko eh.
Hindi ako nakakatulog kapag hindi pa kami nagbabati ng kaalitan ko.
May pride ako, oo, pero alam ko kung kailan ito ibababa at kailan ito muling itataas upang hindi matapakan ng ibang tao.

Isa akong taong may malabot na puso.
Mabilis akong masaktan kahit na sa pinakamaliit na bagay.
Kahit anong kinakonti ng salita, nasasaktan pa rin ako.
Napakaiyakin ko.
Napaka-sensitive kong tao.

Isa akong taong may malambot na puso.
Isang pusong kay lambot na nagiging sanhi kung bakit ang daming bagay na hindi ko kaya.

Hindi ko kayang magsinungaling.
Hindi ko kayang magsarili ng problema.
Hindi ko kayang mag-isa.

Tinatanong ako ng mga tao,
"Bakit hindi mo kayang gawin ang isang bagay na ikaw lang?"
"Bakit palagi kang nagpapasama?"
"Bakit hindi mo kayang tumayo sa sarili mong mga paa?"
"Bakit hindi mo kayang mag-isa?!"

Hindi ko kayang mag-isa.
Hindi ko alam kung bakit pero hindi ko talaga kaya.
Takot akong masaktan.
Takot akong maiwan.
Takot akong iwanan.

Takot akong mawala sa'kin ang mga mahal ko.
Mahal ko ang aking pamilya,
mahal ko ang aking mga barkada,
mahal ko ang aking mga kaklase,
mahal ko kahit mga bagong kakilala.

Lahat ng taong dumadaan sa buhay ko ay pinapahalagahan ko, iniisip ko, inaalala ko, at minamahal ko ng totoo.

Lahat lahat na binibigay ko sa kanila dahil takot akong mawala sila.
Takot akong mawala sila dahil hindi ko nga kayang mag-isa!

Gusto kong maramdaman na importante rin ako,
na may nakikinig sa'kin,
na may nag-aalala sa'kin,
na may nagmamalasakit sa'kin,
na may nagmamahal sa'kin.

Na kahit ganito ako, may iintindi pa rin sa'kin.
Na kahit ganito ako, may yayakap pa rin sa'kin.
Na kahit ganito ako, may tatanggap pa rin sa'kin.

Mag-isa. Isang masakit na pakiramdam na ayaw ko ng maramdaman pa. Isang masakit na pakiramdam na sana hindi ko na maranasan pa.

Hindi ko kayang mag-isa.
Hindi ko kaya dahil iba ako.
Iba ako sa inyo.
Hindi ako katulad niyo.
Hindi ako kayo.
At hinding hindi niyo rin gugustuhing maging ako.

Isa akong taong may malambot na puso.
Hindi ko kayang mag-isa.
Mabilis akong masaktan.
Kaya sana, huwag niyo akong iiwan.

---

HINDI KO KAYA
Spoken Word Poetry (Filipino)
Isinulat ni Gayle Palaca

[Credits to the owner of the photo]

Inked Parchment (formerly: Unspoken Words)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon