Sibuyas (Spoken Word Poetry)

486 3 0
                                    

SIBUYAS
Gayle Palaca

Mayroon akong sibuyas na pinakainiingat-ingatan
Itinanim ko ito sa lupa at araw-araw na diniligan
Sobra ko itong inalagaan kahit pa kakaiba itong aking halaman
Hindi man ito kasing ganda ng isang bulaklak pero ang kagandahan ay hindi nababase sa pisikal na kaanyuhan

Sa mga unang linggo nito sa lupa, marami itong naranasan
Sinubok ang kanyang lakas ng init at ulan pero hindi ito natinag at lahat ng pagsubok ay nalampasan
Naging daan ang kanyang mga karanasan upang siya'y maraming matutunan
At ang batang sibuyas ko ay tumubo ng malusog kaya ako'y labis na nasiyahan

Hanggang sa dumating ang araw na kailangan ko na itong bungkalin
Dahil ang aking sibuyas ay handa ng anihin
Ang bagong yugto ng kanyang buhay ay handa na niyang harapin
At kaya na niyang suungin ano mang bagong pagsubok ang dumating

Ilang taon ang lumipas at ako'y may binatang nakilala
Noong una, binalewala ko lang siya pero nang magtagal, unti-unting nagbago ang pagtingin namin sa isa't isa
Naging kami dahil mahal niya raw ako at mahal ko rin siya
At sa labis na pagmamahal, pati ang aking sibuyas na iningat-ingatan ay ibinigay ko sa kanya

Binigay ko ang sibuyas ko at tinanggap niya naman ito
Nag-alala ako para sa aking sibuyas pero nagtiwala ako sa kanyang pangako
Pangako na aalagaan niya ito at hinding-hindi ilalako
Hinding-hindi hihiwain o gagamitin sa pagluluto
Ito'y iingatan lamang, itatabi, at itatago

Noong una, buong puso niya itong tinanggap pero kalaunan, siya ay naging mailap
Hindi na kami palaging nagsasama at kung saan saan ko siya hinanap
Hanggang sa natagpuan ko siya na may ibang babaeng kaharap
At sa puntong iyon, gumuho lahat ng aking pangarap

Sabi niya hindi siya magbabago
Kaya ako naman si bobo, naniwala sa isang gago
Naloko dahil sa mga matatamis na pangako
Naging biktima ng mga pangakong napako

Alam kong niloloko niya lang ako pero ako'y patuloy na nagpakatanga
Nagbulag-bulagan ako dahil sa pagmamahal ko sa kanya
Pinanghawakan ko ang aking katiting na pag-asa
At iyon ay ang katotohanang kami pa

Pero dumating ang araw na hindi ko na kinaya
Naglakas loob ako at siya'y aking kinompronta
Nagkita kami at ang aking sibuyas ay kanyang dala-dala
Isinauli niya ito dahil sawa na raw siya

Sabi ko, "Bakit? Anong mali sa sibuyas ko?"
Sabi niya ayaw niya na raw dito dahil sa pangit nitong anyo
Kaya ang ginawa ko, binalatan ko ang aking sibuyas para magustuhan niya ulit ito
Nasaktan ako dahil kinailangan ko pang baguhin ang aking sibuyas at palitan ang anyo
Pero lahat ay gagawin ko para maisalba ang relasyong ito at kahit ang aking pinakamamahal na sibuyas ay aking isasakripisyo

Dumating ang araw na ang aking sibuyas ay hindi na naman niya nagustuhan
Ang pagiging totoo nito ay kanyang pinagdudahan
Natakot ako na baka ako'y kanyang iwanan
Kaya ang ginawa ko, ang aking sibuyas ang aking sinaktan

Hiniwa at hinati ko sa dalawa ang sibuyas ko
Hindi ko na inisip kung tama pa ba 'to dahil desperada na talaga ako
Ang tanging laman lang ng isip ko ay baka iwan niya ako
At hinding hindi ko hahayaan na mawala siya sa buhay ko

Pero sa gitna ng paghihiwa ko, bigla akong nakaramdam ng kakaibang panghahapdi
Ang talukap ng aking mga mata ay pilit na tumutupi
Upang pigilan ang mga luha na gustong lumabas sa dalawang bilog na puti
Ngunit hindi napigilan ang mainit na likido na dumaloy sa aking pisngi

Hinati ko ito sa dalawa upang mapatunayan sa kanya na totoo itong aking sibuyas
Binigay ko sa kanya ang kalahati pero ako'y nagulat sa kanyang ipinamalas
Akala ko tatanggapin niya ito pero umasa lang pala ako ng sobrang taas
Itinapon niya sa lupa ang aking sibuyas at ito'y nabiyak ng napakawagas

Ito na ata ang pinakamasakit na aking dinanas
Hindi ko akalain na kaya niyang gawin iyon sa aking sibuyas
Dinurog niya ito na parang patay na naagnas
At muli, ang namuong mga luha sa aking namumugtong mata ay tuluyang lumandas

Ang mundo ko'y gumuho sa aking harapan
Iniwan niya ako na lumuluha't nasasaktan
Ang aking sibuyas ay kanyang nilapastangan
Hindi ko alam kung ito pa ba'y aking makakayanan

Ang aking sibuyas ang nahirapan dahil sa aking kagagahan
Hindi ko ito inisip at mas pinairal ko ang aking katangahan
Umiiyak na pinulot ko ito mula sa lupa at pinagpagan
Idinikit ko ito sa kanyang kalahati sa pag-aakalang maaari pa itong maagapan

Pero nagkamali ako dahil imposibleng maibalik pa ito sa dati nitong anyo
Durog na durog na ito at nagkapira-piraso
Kahit anong gawin ko, hinding hindi na ulit ito mabubuo
Sinayang ko lang ang sibuyas ko para sa isang gago

Ngayon ang kalahati ng aking sibuyas ay durog na
Kaya ang ginawa ko, dinurog ko na lang rin ang isa
Pinainit ko ang kalan, nilagyan ng mantika, at ito ay ginisa
Pagkatapos ay hinaluan ng karne, gulay, at iba pang pampalasa

Masaya ako dahil ngayon ang aking sibuyas ay hindi na nag-iisa
Nakabangon na siya mula sa pagkakalugmok at nakahanap ng bagong pag-asa
Sa wakas, nahanap na niya ang tunay niyang halaga
At ito ay ang maging sangkap sa napakasarap na kaldereta

***

SIBUYAS
Spoken Word Poetry
Humor/Drama
Isinulat ni Gayle Palaca

A/N: Sana nagustuhan niyo po 'to. Kung napansin niyo, ginawa ko siyang humorous para medyo light lang yung story. Pero kapag ang lahat ng nakasulat sa itaas ay hindi mo iisipin ng literal, makikita mo na malalim ang hugot ng spoken word poetry na ito. Ginamit ko lamang ang sibuyas bilang isang simbolo. Why don't you reread this poetry and try to dig in, read between the lines, and use your imagination?

Please comment below your own interpretation of this and the next update will be the full explanation of this poetry.

Inked Parchment (formerly: Unspoken Words)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon