Sibuyas (PAGPAPALIWANAG)

280 5 0
                                    

SIBUYAS
(Spoken Word Poetry)
Gayle Palaca

PAGPAPALIWANAG

Ang sibuyas sa spoken word poetry na ito ay hindi isang literal na sibuyas. Ito ay sumisimbolo sa puso at buong pagkatao ng babae sa kwento. Bata pa lang siya, inalagaan na niya ang kanyang sarili at puso. Hindi man siya kagandahan katulad ng karamihan sa babae sa kanyang eskwelahan, naniniwala siya na ang kagandahan ay hindi nababase sa pisikal na kaanyuhan. Ilang pagsubok ang dumating sa buhay niya pero nalampasan niya ang lahat ng ito.

Doon sa parteng aanihin na niya ang kanyang sibuyas dahil handa na ito para sa bagong yugto ng kanyang buhay, ito ay nangangahulugan ng pagdadalaga. Dalaga na ang babae sa kwento at doon niya nakilala ang binata na minahal niya ng sobra at minahal din daw siya. Nang maging sila, binigay niya rito ang lahat pati na ang kanyang sibuyas kaya ibig sabihin binigay niya sa binata ang kanyang puso o pagmamahal at nangako naman ito na aalagaan ito at hinding-hindi sasaktan (hindi hihiwain o gagamitin sa pagluluto bagkos ay aalagaan, iingatan, at itatago).

Pero hindi tinupad ng binata ang kanyang pangako. Niloko niya ang babae pero nagbulag-bulagan ito at patuloy na nagpakatanga. Hanggang sa hindi na kinaya ng babae at kinumpronta na niya ang lalaki. Isinauli ng lalaki ang kanyang sibuyas, ibig sabihin ang kanyang pagmamahal, at sa puntong iyon nais ng makipaghiwalay ng lalaki dahil nagsawa na raw ito sa kanya dahil ang pangit pangit niya. Hindi pumayag ang babae na makipaghiwalay. Binalatan niya ang kanyang sibuyas upang gumanda ulit ito kasi diba nagiging makinis ang sibuyas kapag binabalatan. Ibig sabihin binago niya ang kanyang sarili. Nag-ayos siya at nagpaganda kahit hindi na siya kumportable. Ginawa niya ang lahat para magustuhan siya ulit ng lalaki at maisalba ang relasyon nila kahit ang sarili niya ay hindi na niya kilala.

At ayun, naging okay na sila pero dumating ang araw na pinagdudahan ng lalaki ang kanyang pagmamahal. Hindi pa ito kuntento sa lahat ng ibinigay niya at naghanap ng mas labis pa. Gusto nitong patunayan niya kung totoo ba talagang mahal niya ito sa paraang hindi niya gusto. Hindi niya masikmurang gawin ang gusto ng lalaki, pero dahil sa labis na pagmamahal niya rito at sa takot na iwan siya nito, pinatunayan niya sa lalaki ang kanyang pagmamahal dito sa pinakabaliw na paraan. Itinabi niya ang kanyang hiya, nilunok ang pride, at hinubad ang dignidad niya bilang isang babae. Ibinigay niya sa lalaki ang kanyang sarili kahit masakit ito para sa kanya. Ito yung parte na hinihiwa na niya ang kanyang sibuyas upang maipakita sa lalaki na totoo ito. Diba kapag naghihiwa tayo ng sibuyas humahapdi ang mga mata natin at naluluha tayo? Ganun din sa kanya. Habang ginagawa niya yun, umiiyak siya dahil sa sobrang sakit na parang hinihiwa ang kanyang puso. Isang sakit na siya lang din mismo ang gumawa sa kanyang sarili. Ibinigay niya sa lalaki ang kalahati ng kanyang pagkatao (kalahating sibuyas lang ang ibinigay niya). Oo, kalahati lamang dahil itinira niya ang kalahati sa kanyang sarili. Sa kabila ng lahat, naisip pa rin niya na magtira ng konting respeto sa kanyang sarili. Pero dahil nga hindi niya ibinigay lahat, nagalit ang lalaki at hindi siya tinanggap. Itinulak siya nito sa lupa na parang basurang basta na lang itinapon at iniwan. Nadurog ng husto ang kanyang puso dahil sa ginawa ng lalaki. Hindi niya alam kung makakaya pa ba niyang bumangon muli at mabubuo pa ba niya ulit ang durog niyang puso at wasak na pagkatao.

Hanggang sa naisipan niyang lutuin na lamang ang durog na sibuyas at haluan ng mga karne, gulay, at iba pang pampalasa. Ito ay nangangahulugan na dinaluhan siya ng kanyang mga kaibigan. Sila ang tumulong sa kanya na maka-move-on. Dahil sa kanyang mga kaibigan, natutunan niyang maging masaya ulit dahil hindi na siya nag-iisa. Nahanap niyang muli ang kanyang halaga sa mundo at napagtanto niya na hindi niya kailangan ng boyfriend upang sumaya. Hindi niya kailangan ng taong hindi siya kayang tanggapin at pahalagahan. Sapat na ang maging sangkap ang kanyang sibuyas sa napakasarap na kaldereta. Sapat ng nakilala niya ang kanyang mga bago at totoong kaibigan at maging parte ng kanilang barkada.

**

A/N: I would really appreciate it kung magco-comment at magvo-vote po kayo. 😊 Pretty please? 😘

Inked Parchment (formerly: Unspoken Words)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon