MALUWALHATING nairaos ni Nailah ang panganganak. Kamukhang-kamukha ni Cole noong baby si Baby Willa. Parehong kamukha ng ama. Hindi maitatanggi ni Reece na anak nito ang mga bata.
Malusog si Baby Willa at habang lumalaki ay hindi nakitaan ng symptoms ng childhood nephrotic syndrome. Gaya ng sinabi ng ob-gyn, mabilis ngang lumaki ang bata nang maipanganak.
Dahil sa growth hormone treatment at tamang diet, nakahabol ang paglaki ni Cole. Parang lumakas bigla ang genes ni Reece dito at pagkalipas ng ilang taon ay di-hamak na mas matangkad na ito kaysa sa mga kaedad nito.
Hindi rin maitatanggi na namana nito ang hilig ng ama sa basketball. Pagtuntong nito sa edad na walo, nagpabili na ito ng basketball at palagi nang nagpapasama sa Lolo Willy nito sa basketball court sa may barangay hall.
Bittersweet ang feelings ni Nailah sa bagay na iyon. Naisip niya si Reece. He would have been proud to see his son playing basketball, following his footsteps. Habang lumalaki at natututong mag-basketball, hindi maitatanggi na talagang batang version ito ni Reece 'The Grease' Hosmillo. Mula sa hitsura hanggang sa suwabeng galaw sa hardcourt, considering eight years old pa lang si Cole. Hindi malayo na talagang sundan nito ang yapak ng hindi nakilalang ama at kung papalarin ay baka gumawa rin ito ng sariling tatak sa Philipine basketball.
It had been five years since she'd last seen Reece. Nag-four years old na si Willa. Minsan, kapag tinititigan niya ang anak, hindi niya maiwasang malungkot sa pag-iisip na kung nakagisnan lang nito ang ama, tiyak na spoiled princess ito. Reece had doted on Sabra then, what more kung anak pa nito?
Ah, he was probably doting on his child or children now. It had been five years. Siguro naman by now may anak na ito at ang Colleen na iyon na binanggit nito noon.
Wala siyang ideya kung retired na si Reece o active pa rin sa professional basketball. Sadyang isinara niya ang sarili sa anumang impormasyon tungkol sa lalaki mula nang mabuntis siya kay Willa.
"Grabe, ang galing ng anak mo, Nailah," sabi ni Nanay Alma habang naghahapunan sila nang gabing iyon. "Kaya naman pala ang yabang-yabang nitong si Wilfredo at sa lahat na lang ng inuman ibinibida itong si Cole, aba'y talagang napakagaling nga naman pala nang mapanood ko kanina. At ang tangkad, ha? Mas matangkad pa siya doon sa mga high school na, eh, eight years old pa lang 'yan, ha?"
Mana sa tatay, tahimik na komento ni Nailah.
"Nakita nga iyan n'ong coach ng San Beda na nanood ng game kanina. Hindi makapaniwala na eight years old lang."
"Aba, bakit may gano'n do'n? Ano ba 'yong laro n'yo kanina, anak? Championship ba?"
"Ah, championship n'ong mga matatanda, Mommy. Pero nag-play ako sa halftime. May prize sa slam dunk at three-point shots. Nanalo ako sa three-points, 'My," proud na pagkukuwento nito.
"Wow naman," sabi niya pero sa loob ay nagsisimulang malungkot.
Sa ganoong klase rin ng shots nakilala ang ama nito. Silent scorer ito, 'smooth criminal.' Kaya nga binansagang 'The Grease' ay dahil sa effortless na moves sa hardcourt. Maski ang mahihirap na shots ay nagmumukhang madali dahil parang makina raw na well-oiled palagi.
"Sinabihan nga ako ni Coach, eh. Baka raw interesado tayong ipa-train sa kanya. Malaki raw ang future ni Cole sa basketball," sabi ni Tatay Willy. "Masi-scholar pa raw iyan sa high school pa lang, aba..."
"Naku, ang problema diyan, eh, puwede bang kumarir talaga itong apo ko sa sports? Baka naman bumalik ang sakit nito," sabi ni Nanay Alma.
"Hindi naman yata, 'Nay," sagot ni Nailah. "Sabi ni Doc, naa-outgrow naman daw 'yong nephrotic syndrome na iyon kapag nagsimula nang magbinata. Matagal-tagal na rin namang hindi nagkakaroon ng relapse. Tamang diet lang talaga."
"Ay, mabuti naman kung gano'n at talagang bilib na bilib si Coach sa anak mo," anang matandang lalaki. "Inihalintulad ang moves do'n kay Reece Hosmillo ng PBA, eh. Suwabeng-suwabe raw gumalaw. Kulang na lang daw mag-ballet sa court sa pagka-smooth ng kilos."
Halos hindi na narinig ni Nailah ang iba pang sinabi ni Tatay Willy at ng iba pang mga kaharap sa hapag pagkatapos mabanggit ang pangalan ni Reece. Pakiramdam niya ay babaliktad ang sikmura niya sa tensiyon sa kaalamang may nakapansin na pala na parang si Reece ang mga galaw ni Cole...
BINABASA MO ANG
"Sizzle" by Kumi Kahlo [COMPLETED]
RomancePikit-matang tinanggap ni Nailah ang kanyang kapalaran dahil wala siyang pagpipilian...