TENSIYONADA si Nailah kinabukasan. Hindi man siya vain na babae, talagang pinilit niya si Reece na ipagmaneho siya papunta sa pinakamalapit na salon. Nasa school kasi si Pebbles at ito ang beautician and stylist ni Mama Claudia, bagay na ipinagpasalamat niya. Ayaw niyang maging Madam Claudia ang peg niya sa reunion nila ng mga kaibigan.
"Hindi mo kailangang magpaganda para lang makipagtalbugan sa mga kaibigan mo. Ang taba ni Sabra," sabi nito habang nagmamaneho.
"Eh, maski na! Ang tagal naming hindi nagkita, kailangan fresh ako."
Ngumuso ito. "Bakit noong tayo ang nagkita, hindi ka naman yata nagpa-salon..."
Tumirik ang mga mata ni Nailah. "Biglaan kaya 'yon. Pero noong kay Willa, nagpa-spa ako, ha?"
Tumawa ito. "Talaga?"
"Oo."
Huminto na sila sa salon at hindi na naghintay si Nailah na pagbuksan siya ng lalaki ng pinto. "Magte-text na lang ako 'pag malapit nang matapos. O kaya dito ko na lang papapuntahin sina Tatay mamaya para deretso na kami."
"Okay." Itinuro nito ang mga labi at pinatulis ang mga iyon.
Nailah rolled her eyes but obliged. Dumukwang siya para mag-kiss dito. He chuckled and held her head para patagalin ang halik.
Nakangiti siya nang maghiwalay ang mga labi nila. "See you later."
Dalawang oras lang naman siya tumagal sa salon. Nagpa-hair spa lang siya dahil ang dry ng buhok niya, saka manicure and pedicure. Dumating sina Nanay Alma at Tatay Willy eksaktong patapos na siya. Dumeretso na sila sa bahay ni Reece pagkatapos.
"Okay lang bang wala kaming kadala-dala maski ano kundi itong mga overnight bag namin, anak?" tanong ni Nanay Alma.
"Okay lang, 'Nay. Alam mo namang rich ang mga iyon, kompleto na. Chika na lang tungkol sa mga bata ang ipasalubong n'yo sa mama ni Reece at sabik 'yon sa mga apo niya."
"Hmp! Baka naman hindi na kami pansinin ng dalawa ngayon."
"Ano ka ba naman, Alma? Eh, 'di ba nga't kausap pa lang natin ang mga bata kanina at excited na excited silang malaman na magsu-swimming tayo sa resort ng daddy niya?"
"Maka-resort naman kayo, 'Tay."
"Eh, iyon ang sabi ni Cole, eh."
"Grabe, talagang mayaman itong si Reece, anak. Aba'y pikutin na natin at baka makawala pa!"
"'Nay!"
Humagikgik na lang ito.
"Huwag kang dadale ng papaganyan doon, Alma," sabi rito ng asawa. "Baka akalain nina Reece na sabik si Nailah sa kayamanan nila."
Ngumuso lang ang ginang at hindi na umimik.
Mamaya pa ay nasa bahay na sila. Siyempre pa, hangang-hanga si Nanay Alma at agad nag-estimate ng halaga ng property ni Reece. Nang makachikahan ito ni Mama Claudia, agad nag-click ang dalawa palibhasa medyo magkapareho ang ugali. Nagkayayaan agad na mag-swimming, na tinanggihan ni Nailah dahil baka masira ang buhok niya na kaka-spa lang. Ready naman si Nanay Alma at talagang hindi nagpatalbog sa baong two-piece swimsuit na hot pink pa talaga ang kulay.
"O, di insecure ang biyenan mong hilaw," bulong nito sa kanya habang nag-iihaw sila ng barbecue sa poolside. "Biglang nag-two-piece din, o. Hindi malulunod 'yan, ang daming salbabida sa tiyan." Humagikgik pa ito.
Busy na rin si Tonyo sa kitchen dahil tumawag na sina Sabra at Dirie para sabihin kanina na nasa Philcoa na ang mga ito.
Nang dumating ang dalawa, bumaha ang luha sa pagitan nilang tatlo. Hindi sila magkamayaw sa pagkukumustahan at matagal na nagkadramahan bago naging light ang atmosphere. Tuwang-tuwa ang mga ito sa dalawang bata, lalo na si Sabra na tiyahin ng mga anak niya. Pagkatapos ng pangkalahatang chikahan ay kinorner na si Nailah ng dalawang kaibigan at pinuwersang magkuwento. Pinagbigyan naman sila ng lahat at hindi inabala sa pagchichikahan sa pagoda.
BINABASA MO ANG
"Sizzle" by Kumi Kahlo [COMPLETED]
RomancePikit-matang tinanggap ni Nailah ang kanyang kapalaran dahil wala siyang pagpipilian...