Pt. 10

39.2K 719 56
                                    



MARAMING pinagdaanang gamutan si Cole para i-treat ang idiopathic childhood nephrotic syndrome. Iba-ibang klase ng medications ang ininom nito para makontrol ang immune system, tanggalin ang extra fluid sa katawan nito na dahilan ng pamamaga, at pababain ang blood pressure.

Araw-araw itong pinag-corticosteroids ni Dr. Yasay sa loob ng anim na linggo at mas mababang dose kada dalawang araw sa loob ng anim uling linggo. Nagkaroon naman ito remission, pero nagka-relapse pagkatapos ng initial therapy, at muli itong pinag-take ng corticosteroids hanggang sa mawala na uli ang mga symptoms. Bukod doon, may ipinaiinom din dito na pampababa ng blood pressure.

"Hindi unexpected ang multiple relapses sa mga bata," paliwanag ng binatang espesyalista kay Nailah. "Madalas naman na nakaka-recover sila na walang long-term na kidney damage kaya huwag kang ma-discourage, Nailah."

Tumango lang si Nailah at pilit na ngumiti. Hindi lang niya masabi na hindi lang naman si Cole ang pinoproblema niya ngayon. "Doc, kung genetic ang childhood nephrotic syndrome, may chance na ang susunod kong anak ay magkaroon din ng ganoon sakit, 'di ba?"

"Yes, pero huwag kang mag-alala dahil hindi naman ito terminal illness. Besides, ano ang chances na dalawang beses mong tatamaan ang jackpot sa lotto?"

Napangiti na lang siya sa sinabi nito.

"Magpasalamat na lang tayo na nagre-respond sa treatment si Cole."

"Paano kung hindi, Doc?"

"Kung hindi o kung madalas siyang magkaroon ng relapse, magpe-prescribe ako ng ibang medications para ma-reduce ang activity ng immune system niya."

"Meaning?"

"Ipe-prevent ng mga iyon ang katawan niya sa paggawa ng mga antibodies na pupuwedeng maka-damage sa kidney tissues niya. Reresetahan ko siya ng mycophenolate o tacrolimus. Puwedeng i-replace sa Prednisone o puwede ring isabay ng inom. "Kung magkakaroon siya ng relapses, kailangan uli ng diuretic para humupa ang pamamanas. Mapapababa rin n'on ang BP. Ang pinakamahalaga, Nailah, ay ang matiyak na naiinom ni Cole ang lahat ng pine-prescribe kong gamot sa kanya at sinusunod ang treatment plan natin sa kanya."

Mabigat na naman ang loob ni Nailah habang pauwi silang mag-ina. Sinundo sila ng taxi nila na minamaneho ni Tatay Willy.

Nang mangumusta ang matanda ay ngalingali nang mapaluha ang dalaga. Sinabi niya rito ang mga napag-usapan nila ni Dr. Yasay. "'Tay, paano na kapag lumaki na ang tiyan ko? Isa pa akong dagdag na pasanin. Ngayon pa lang, hirap na hirap na ako sa paglilihi." Gusto niyang batukan ang sarili. "Napakatanga ko talaga..."

"Para saan pa at nagkaroon ka ng Tatay Willy at Nanay Alma kung hindi ka namin maaalalayan. Saka huwag mo nang sisihin nang sisihin ang sarili mo. Blessing 'yan. Aba, magiging dalawa na ang apo naman ng Nanay Alma mo."

Doon lang medyo gumaan ang loob ni Nailah. Hindi na siya naglihim sa dalawang matanda ng tungkol sa nangyari sa kanila ni Reece. Hindi nga lang niya pinangalanan ang lalaki at naunawaan naman ng matatanda iyon. Hindi siya hinusgahan ng mga ito, sa halip ay excited pa nga na magiging dalawa na ang bata sa bahay nila. Hindi na nga magkandaugaga ang mga ito sa pag-iisip ng pangalan ng baby na ipinagbubuntis niya, pero nakapag-decide na si Nailah.

'Willa Maria' kapag babae mula sa 'Wilfredo' at 'Almaria' na tunay na pangalan ng mag-asawa. 'Will Mario' naman kung lalaki.

Dahil sa paglilihi ay nahihirapan na rin siya sa kanyang trabaho, pero pinipilit niya dahil mas mahirap kung aasa lang siya sa kinikita ng taxi. Ngayon pa lang ay nag-o-overtime na si Tatay Willy sa pagpasada nang may maipon na raw sila para sa panganganak ni Nailah.

Six months na lang, manganganak na naman siya. Wala na namang kikilalaning ama.

Nakikini-kinita niya si Tita Sarah kung malalaman nito ang tungkol sa nangyari sa kanya kay Cole at sa susunod na baby niya ngayon.

Malaking bagay ang ibinigay na pera ni Reece sa kanya. Pagkagaling niya sa condo nito nang umagang iyon, sa bangko na siya dumeretso at in-encash iyon, deretsong deposit sa account niya. Hindi niya direktang idineposito para walang paper trail. Ayaw niyang malaman ni Reece na sa bank account pa talaga niya idineposito iyon.

Pagkauwi ng bahay ay dumeretso agad siya sa pagtatrabaho at tumayo lang nang tawagan siya ni Nanay Alma para magmerienda.

"Hindi mo naman kailangang magpakapagod sa pagtatrabaho kung ganyan mapera naman ang tatay ng mga anak mo, Nailah. Ewan ko ba sa 'yong bata ka," sermon nito habang kumakain siya ng arroz caldo na niluto nito. "Kung ibang babae 'yan, ginamit pa ang sitwasyon para mamera nang husto. Sobrang pagpapaka-martyr na 'yan, anak."

"Kaya pa naman natin, 'Nay, 'di ba? O baka nabibigatan na kayo sa amin--"

Nanlaki ang mga mata nito at umastang tatampalin ang bibig niya. "Kahit kailan hindi kayo naging pabigat, bata ka. Biyaya kayo na hulog ng langit sa aming mag-asawa. Para na ring tunay na anak ang turing ko sa 'yo at bilang nanay, natural lang na ayaw kong makitang nahihirapan ka samantalang ang suwerte-suwerte ng tatay ng mga batang iyan. Ligtas na ligtas sa responsibilidad."

"Hayaan na natin iyon, 'Nay. Baka magulo lang ang buhay n'on at isumpa pa kaming mag-iina. Alam n'yo naman ang sitwasyon." Pinakaiwas-iwasan ni Nailah na makibalita kay Reece maski kung minsan ay natutukso siyang i-type ang 'Reece Hosmillo wedding' sa Google. Sarili lang niya ang sasaktan niya kung gagawin niya iyon. "Makakaraos din tayo."

"Sabagay. Tingin ko nga suwerte ang ipinagbubuntis mo, Nai. Aba, nakabenta ako ng town house unit kanina. Hindi pa naman nagda-down pero umoo na sa akin 'yong anak na nasa Dubai n'ong kumare ko. Magpapadala na raw ng pan-down. Nag-reserve na si Mareng Becky."

"Wow! Congrats, 'Nay!"

Hindi ito licensed na property consultant kundi sa referral lang. Kaibigan nito ang ahente at hati ang dalawa sa komisyon kapag nakakabenta.

"Aba, 2.5M iyon. Mahigit one hundred K din ang paghahatian namin ni Julieta kung sakali. Savings na natin iyon, pang-emergency. Puwede pa tayong magpa-spa!"

Napaluha bigla si Nailah. Dala ng paglilihi kaya emotional talaga siya lately. Kaunting kibot ay umiiyak siya. Pero touched din talaga siya sa kabutihan ng mag-asawang Willy at Alma sa kanya, sa kanila ni Cole, at ngayon ay pati na ang ipinagbubuntis niya.

"Susmaryosep, um-emote na naman," palatak ni Nanay Alma. "'Oy, baka pumangit ang apo ko niyan. Huwag ka nang laging iyak at baka makasama pa sa inyong mag-ina 'yan."

"Sobrang happy lang ako, 'Nay. Sobrang thankful na ibinigay kayo ni Lord sa akin."

"Sus, drama..." Kunwari pang tumirik ang mga mata nito, pero tumawa rin at niyakap siya. Mamaya pa ay umiiyak na rin ito. "Kami ng Tatay Willy mo ang sobrang thankful na dumating kayong mag-iina sa buhay namin, Nailah. Tandaan mo 'yan. Nagkaroon kami ng panibagong sigla dahil hindi lang kami nagkaanak, nagkaapo pa! At ngayon, magiging dalawa na ang apo namin. Sobra-sobra ang kaligayahang dulot n'yo sa aming mag-asawa kaya kami ang higit na dapat magpasalamat. Kaya tandaan mo, maski hindi ako ang nangitlog sa 'yo at hindi ka napisa sa matris ko, anak kita. Sasama ang loob ko sa 'yo kapag nagsalita ka uli ng ganyan."

Iyon ang tagpong nadatnan ng maglolong Willy at Cole kaya tatawa-tawa ang matandang lalaki sa kanila.


"Sizzle" by Kumi Kahlo [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon