Pt. 18

37.3K 797 61
                                    



"'TAY!" Sumugod si Nailah sa mga hilera ng upuan kung saan nakapuwesto ang ama-amahan. "'Tay, kumusta si Cole? Nag-text si Nanay, eksaktong kalalabas ko lang ng BDO sa Commonwealth kaya dito na ako dumeretso. Ano'ng nangyari, 'Tay?"

"Er, anak..." Hindi niya mabasa ang reaksiyon ng matanda pero ganoon na lang ang nerbiyos niya nang mapansing namumutla ito.

"Diyos ko, 'Tay! Ito na nga ba'ng sinasabi ko sa letseng basketball na 'yan! Ikapapahamak pa ng anak ko! Ano'ng nangyari, 'Tay? Masama ba ang bagsak ni Cole? May damage ba? Ano'ng tumama, ulo ba? Ano?"

"Eh, anak..." Nandidilat ang matanda sa kanya na tila may gustong sabihin na hindi masabi ng bibig kaya dinadaan sa mata. Hanggang sa tumuro ito sa tagiliran nito gamit ang hinlalaki.

"Ano ho bang--" Pagbaling niya sa katabi nito, siya naman yata ang mai-ER sa shock! Napanganga siya at hindi nakapagsalita.

Nakatitig si Reece sa kanya nang matiim at kunot na kunot ang noo. Nang magtama ang mga mata nila, pakiramdam ni Nailah ay hihimatayin siya.

Dumating na ang sandaling kinatatakutan niya.

Ilang segundo bago siya nakabawi sa kabiglaanan. Nag-pretend siyang hindi ito nakikita at muling kinausap si Tatay Willy. "N-nasaan ho si Cole, 'Tay?"

"Ine-x-ray, anak," malumanay nitong sagot.

"Diyos ko... ano ba'ng napinsala sa kanya?"

"Tuhod, anak."

"A-ano ho'ng nangyari?" Hirap na hirap siyang alisin ang atensiyon kay Reece na titig na titig sa kanya.

"Nasa ere nang matumba 'yong kalaban na anak ni Jeff na taga-Rosal. Sumalubong sa kanya, bumagsak at nadale ng balikat ang tuhod ni Cole. 'Ayun, sabay silang bumagsak pero masama ang kay Cole dahil tuhod ang nadale. Nakatayo na 'yong anak ni Jeff nang umalis kami para dalhin si Cole dito. Pero mukhang wala namang masyadong pinsala, anak. Malalaman natin pagkatapos ma-x-ray."

Tumikhim si Reece at napatingin si Tatay Willy rito.

"Ah... anak, si Reece nga pala. Siya ang nagmagandang-loob na dalhin si Cole dito. Wala siyang sinayang na oras, anak. Sugod agad kami dito."

Hindi niya matingnan nang deretso ang lalaki, pero napilitin niya ang sarili na magpasalamat.

Mayamaya ay tinawag na sila para sabihing tapos na ang x-ray. Tumayo si Nailah at agad lumapit.

"Hindi kayo buntis, Ma'am?" tanong sa kanya ng nurse. "Bawal ho ang buntis sa x-ray room."

"Hindi. Dalhin mo na ako sa anak ko."

Sumama siya sa x-ray room kung saan nang makita ang anak ay kamuntik pa siyang mag-hysteria. Binasa ng doktor ang resulta ng x-ray at sinabing wala namang major na pinsala sa bones ng anak niya. Mukhang bukong-bukong nito ang napuruhan at namamaga raw iyon.

Noon lang nakahinga nang maluwag si Nailah. At least, sprain lang. Noon din lang siya bumalik sa tamang huwisyo. "Iyan na nga ba'ng sinasabi ko sa kaka-basketball na 'yan!" sermon niya sa anak.

"Mommy..." ungol nito pero ngumiti naman. "Nandoon si Reece Hosmillo, Mommy. Siya ang nagdala sa akin dito sa hospital."

Napabuntong-hininga si Nailah.

"Nandito pa siya, 'My?"

"Oo, kasama ng lolo mo."

Isinakay na sa wheelchair si Cole palabas ng x-ray room, deretso sa ER, kung saan mas nauna pang tumayo si Reece kaysa kay Tatay Willy para sumalubong sa kanila.

"Sizzle" by Kumi Kahlo [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon