"TALAGANG kursunada ni Coach Gab si Cole, Nailah. Binalik-balikan na tuwing Sabado at Linggo," sabi ni Tatay Willy habang nagkukuwentuhan sila nang Sabado ng gabing iyon. "Bukas manonood daw uli siya ng laro ni Cole sa court sa barangay kaya sana raw makapaglaro ang bata."
"Aba, bongga talaga ang apo ko," proud na sabi ni Nanay Alma. "Ang bata pa, mada-draft na yata agad."
"Bilib na bilib talaga si Coach. Kapareho raw ng moves talaga ni Reece Hosmillo. Teammate pala niya iyon noong NCAA days. Sabay silang naglaro para sa San Beda. Na-draft nga lang sa PBA si Reece, pero si Coach Gab, na-injure daw bago pa naka-graduate. Pero nag-stay sa basketball at ngayon coach na nga ng alma mater nila ni Reece."
Halata ni Nailah na nanantiya ang tono ng matandang lalaki habang nagkukuwento. Alam na nito ang tungkol sa paternity ni Reece sa mga anak niya. Discreet naman ito, wala ring ikinomento nang mapag-usapan nila, pero alam niya na tutol ito sa desisyon niyang panatiliing walang alam si Reece tungkol sa mga anak nila.
Medyo nag-panic si Nailah nang ma-realize ang sinabi ni Tatay Willy. "Teammate niya sa college basketball si Reece? Eh, 'Tay... di personal silang magkakilala? Hindi ho kaya mabanggit niya kay Reece at..."
"Hindi naman siguro. Baka naman hindi na sila close, 'wag kang praning, 'nak," sabi ni Nanay Alma.
Hindi siya umimik.
"O, baka naman dahil diyan, eh, hindi mo na payagan si Cole na maglaro sa basketbulan sa baranggay?"
Hindi pa rin siya sumagot.
"Nailah, huwag mong piliting labanan ang tadhana ng anak mo," sabi ni Tatay Willy na parang sumaksak sa puso ni Nailah.
"Siyanga naman, anak. Kung destined for greatness ang anak mo, hindi mo iyon mahahadlangan. At nakikinita ko na, sisikat ang apo. Ako na ang pinakabonggang stage lola 'pag nagkataon!"
Napaisip siya roon. Sino nga ba siya para hadlangan ang destiny ng anak niya?
"Mahal na mahal ni Cole ang basketball, anak," sabi ni Tatay Willy. "Masasaktan iyon kung paghihigpitan mo siya sa paglalaro. Sinasamahan ko naman siya kapag naglalaro kaya wala kang dapat ipag-alala." Naka-devote na ang weekend nito sa dalawang bata kaya hindi ito nagmamaneho nang Sabado at Linggo.
"Wala naman akong balak na hadlangan ang pagba-basketball niya, 'Nay, 'Tay."
"Kung iyon ang landas na tatahakin ni Cole, hindi malayong magkrus ang landas nila ng ama niya, Nailah. Kaya mas maiging ngayon pa lang, ihanda mo na ang sarili mo."
"Yes, corrected by, 'Tay," sabi ni Nanay Alma. "Hindi maaalis kay Cole ang basketball dahil nakatahi iyon sa DNA niya."
Tumahimik na si Nailah.
"Ano kaya kung unahan mo na ng pagsasabi?" mungkahi ng matandang lalaki.
Bumuga ng hangin si Nailah. "Paano kung kunin niya ang mga bata? Maimpluwensiya iyon. Kaya n'ong gawin 'yon kung gugustuhin. Malaking angkan sila sa Isabela, mga politiko ang pamilya nila roon. Marami silang kakilala, 'Tay."
"Hindi naman natin sigurado kung ganoon nga ang gagawin niya, eh."
"Ang sinasabi ko lang, 'Tay, kaya niya kung gugustuhin niya."
"Eh, idasal na lang natin na huwag niyang gustuhin," sabad ni Nanay Alma. "Himas-himasin mo na lang. Lambing-lambingin."
Nanlaki ang mga mata ni Nailah rito. "'Nay! May-asawang tao iyon!"
Humagikgik ito at nag-peace sign. "Joke lang, ikaw naman... affected masyado."
"Puro ka naman kasi kalokohan, eh, seryoso itong pinag-uusapan," sita rito ng asawa.
"Oo na." Lumabi at umingos si Nanay Alma. "Well, kung gagawin ni Nailah iyon, hindi ko siya masisisi. Tingnan mo naman kung gaano kaguwapo. Maskels pa lang, fiesta na."
Natawa na si Nailah. "'Nay, luma iyang picture na pina-print n'yo sa canvas. Malay n'yo ngayon kung malaki na ang tiyan niyan at tumaba na, baka rin nakakalbo na," sabi na lang niya.
"Imposible. Limang taon lang kayong hindi nagkita, sa tingin mo nalosyang na siya agad sa loob ng panahong iyon? Itong tatay mo nga, sixty years old na, pero kita mo naman... ang maskols, smorgasbord!" Pinindot pa ng ginang ang mapayat na braso ng asawa. "Kaya talagang pressured akong i-maintain ang aking alindog, eh. Baka ako ipagpalit. Kaya bukas, pa-spa tayo, 'nak. Treat ko at may pumasok nang commission sa ATM ko sa Pru Life."
Kinabukasan, iyon nga ang ginawa nila pagkatapos magsimba. Pumayag na si Nailah para hindi siya tensiyonada sa pag-iisip na habang nagba-basketball si Cole ay may kakilala at old friend si Reece na pinapanood ito. Pati si Willa, nagpa-child spa rin with massage pa. Pagkatapos ay namasyal sila sa mall.
Bandang hapon na nang makauwi sila kaya deretsong nagluto na sila ng hapunan. Hindi pa rin umuuwi mula sa basketball court ang maglolong Willy at Cole.
"Mukhang napasarap sa paglalaro ang maglolo," sabi ni Nailah.
Ready na ang hapunan nang dumating ang mga ito. Ang saya-saya ni Cole dahil marami raw itong natutunan kay Coach Gab.
"Ba't ba palaging nandito 'yang Coach Gab na 'yan kung coach siya ng San Beda Red Lions?" tanong ni Nailah habang kumakain sila.
"Ah, taga-Colinas Verdes kasi 'yong nanay. Lagi raw dinadalaw." Malapit lang sa kanila ang binanggit ni Tatay Willy na residential estate na sports and country club din. "Nang makilala nga itong si Cole, naakit na bumisita na lagi dito sa lugar natin."
Napahinga na lang nang malalim si Nailah.
"Nag-alok na i-train si Cole, anak. Isali raw natin sa summer basketball clinic. Ie-enrol ko, ha?"
"Sa bakasyon pa naman 'yon, 'Tay."
"Aba, wala nang isang buwan at bakasyon na sila."
"Si Coach Gab daw ang trainer."
Tumango na lang siya. "Kayo ho ang bahala," sabi na lang niya. Wala rin namang mangyayari maski tumutol pa siya.
"May isa pa akong nasagap mula kay Coach," naninimbang na sabi nito.
"Ano ho iyon?"
"May nabili palang property si 'ano' do'n sa Altaraza." Sosyal na town center na developed by Ayala Land, Inc. ang tinukoy nito.
Hindi umimik si Nailah pero nasalba siya nang sumabad si Nanay Alma. "Josme! Sayang naman! Sana ako na lang ang nag-alok sa kanya! Iyan na nga ba'ng sinasabi ko, anak! Ang opportunities na nakakawala dahil..." Siniko ito ng asawa kaya tumahimik na ito, pero humirit pa rin kapagkuwan. "Ang mahal pa naman do'n at tiyak hindi iyon kukuha ng maliit na lote..."
Walang sumagot dito.
"Halos palo ng 8.5 to 9 million ang mga lote do'n..." hirit uli nito.
"Hayaan n'yo na 'yon, 'Nay. 'Pag mayaman na si Cole, isang buong subdivision ang bibilhin nito, kayo lang ang ahente kaya solo n'yo ang commission. 'Di ba, anak?" biro na lang niya at pinatapos na sa pagkain ang dalawang bata, saka itinaboy na sa sala. Mamaya pa ay nanonood na ang mga ito ng TV.
Bumuntong-hininga si Nanay Alma. "Nakakalungkot lang isipin na pagkarami-raming properties ng ama ng mga iyan pero nagtitiis dito sa maliit nating bahay."
"'Di bale nang maliit, masaya naman tayo," sagot ni Nailah. "Ano'ng gusto n'yo, sa mansiyon sila tumira? Eh, di ano na lang ang hitsura nitong bahay natin kung wala sila?"
Nanlaki ang mga mata nito. "Oo nga, 'no? Sige na nga, 'di bale na lang."
"Iyan. Mag-isip-isip muna kasi bago dumada," pasaring ni Tatay Willy. Nakatikim ito ng irap mula sa asawa.
BINABASA MO ANG
"Sizzle" by Kumi Kahlo [COMPLETED]
RomancePikit-matang tinanggap ni Nailah ang kanyang kapalaran dahil wala siyang pagpipilian...