The Fotune Teller

28.1K 365 7
                                    

                      PROLOGUE

MATAPOS himas-himasin ng matandang manghuhula ang palad ni Clarissa ay tumingin ito nang diretso sa kanya. “Maaga kang nag-asawa, pero ang napangasawa mo ay hindi ang lalaking nakalaan para sa ’yo.”

Napasinghap siya doon.  “Ano po ang ibig ninyong sabihin?”

“Ayon sa guhit ng iyong palad, ang lalaking nakatadhana para sa ’yo ay pinalampas mo.  Hindi ka magiging maligaya habambuhay sa iyong kabiyak, dahil babawiin siya sa ’yo ng tadhana.”

“Ano?  Paano?  Mamamatay po ba ang asawa ko?”

“Pumili ka ng baraha, iha.”

Sa nanginginig na kamay ay bumunot siya ng baraha at iniabot dito. 

“Hindi siya mamamatay.  Magkakaroon siya ng ibang buhay, buhay na hindi nakalinya sa iyong kapalaran.”

“Kung ganoon...”

“Bago ka tumuntong sa edad na kuwarenta ay daranasin mo ang isang pagsubok.  Maging matatag ka.  Kapag nalampasan mo ito ay may naghihintay sa iyong bagong ligaya, ang buhay at ligaya na siyang nakalaan para sa ’yo.  Bumunot ka uli ng isa pang baraha.”

Muli siyang sumunod sa babae.  Sinulyapan pa muna niya ang katabing anak bago niya binitawan ang napiling baraha. 

“Sa pera ay hindi ka gaanong magkakaproblema.  Sa kalusugan ay wala akong nakikitang magiging pasakit sa’yo.  Sa trabaho, mananatili kang matagumpay sa aspetong ito.  Sa...”  Sumulyap ito sa kanya bago muling nagsalita.  “Hindi na masusundan ang iyong anak.  Ingatan mong huwag siyang maligaw ng landas, kung hindi ay matutulad siya sa ’yo.”

Bigla niyang kinabig ang anak, nakaramdam ng kakaibang pangingilabot sa katawan.

Lumipad ang tingin ng manghuhula sa bata.  “Patingin nga ng palad mo, ineng.”

Napatingala ang nakatalungkong anak sa kanya.  Sunod-sunod na iling ang ginawa nito.

“Huwag kang matakot, ineng.  Narito ako para gabayan ka sa pagpili ng lalaking iyong mamahalin, para hindi mo pagdaanan ang naghihintay na pighati sa iyong ina.”

“Mama, tara na, uwi na po tayo.”  Pilit siyang hinihila nito, pero kinuha niya ang palad nito at iniabot sa babae.

“Ang iyong anak na ito ang magiging swerte mo sa buhay.  Pero isang pagkakamali lang niya ay mauuwi sa wala ang lahat ng sakripisyong gagawin mo para sa kanya.”  Tumingin ito ng diretso sa bata.  “bumunot ka ng baraha, ineng.” 

Napilitan itong dumukot ng isa at iniabot sa babae.

“Makinig kang mabuti, ineng.  Isang mahalagang bagay ang magaganap sa buhay mo kasabay ng kaarawan ng lalaking ito na siyang nakatadhana para sa’yo.  Huwag kang magpapadala sa emosyon, ito ang magdudulot sa ’yo ng kapahamakan.”

“Paano po niya malalaman kung sino ang tamang lalaking iyon?” singit niya sa babaeng manghuhula.

“Mararamdaman niya iyon sa una nilang pagkikita.”

  “May mga palatandaan po ba?”
Hinila ng babae ang telang asul na nasa harap nito at tumambad sa kanila ang isang bolang kristal.  Tuluyan ng  napukaw ang interest niya dahil sa nakita. 

“Ayon sa nakikita ko dito, ang lalaking iyon ay...”

Nang nakasakay na sila sa bus pauwi ng Pampanga ay nanatiling walang kibo ang bata.  Iniisip pa rin siguro nito ang sinabi ng manghuhula.

“Huwag mong intindihin ang mga sinabi ng manghuhula na iyon.  Kaya nga manghuhula ang tawag sa kanila, eh, dahil walang kasiguraduhan  ang mga sinasabi nila.  Puro hula at kathang-isip lamang.  Siguro ang iba ay nagkakataon lamang na nangyayari.  Pero hindi mo dapat iasa ang iyong buhay at kapalaran sa baraha at guhit ng palad.  Hindi iyon totoo.  Katulad na lang ng sinabi niya tungkol sa amin  ng Papa mo.  Imposible namang magkahiwalay kami ng ama mo dahil alam kong mahal na mahal niya tayo.”

“Eh, bakit ka pa po nagpahula kung hindi ka naman naniniwala?” tanong nito sa kanya.

“Katuwaan lang.  Naalala ko kasi noong kabataan namin ng Tita Eloisa at Tita Jenny mo, madalas kami magpahula noon sa plaza.”  Napangiti siya nang maalala ang mga kalokohan nilang magpipinsan noong araw.  “Ang sabi sa akin maaga daw ako mag-aasawa kaya sa takot ko ay nakipaghiwalay ako sa kasintahan ko noon.  Si Tita Eloisa mo naman ay makakarating daw sa ibang bansa.  Ang sabi sa kanya ay bandang Europe, pero sa Middle East naman siya napadpad. Si Tita Jenny mo ay yayaman daw, pero hanggang ngayon ay puro utang pa rin sa five-six.”  Natawa siya doon.  Kinabig niya ang anak pasandig sa kanya.

********************************

I Couldn't Ask For MoreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon