CHAPTER TWO
NAGISING si Seth sa ingay na nanggagaling sa labas. Pagsilip niya sa bintana ay nakita niya ang lagablab ng apoy, galing sa ikalawang bahay mula sa kanila.
Mabilis siyang lumabas ng silid niya at kinatok ang mga kasamahan sa bahay. Tuloy-tuloy siyang lumabas ng bakuran.
Madaming tao sa daan at halos may dalang timba ng tubig.Malaki na ang apoy at gumagapang na ito papunta sa bahay nila Daphne. Malakas niyang kinatok ang sarado pa ring gate. Nakapatay pa rin ang ilaw sa loob ng bahay. Malamang ay masarap pa rin ang tulog ng mga ito. Mabilis niyang inakyat ang mababang bakod at kinabog nang malakas ang front door ng bahay. Walang sumasagot.
“Tita Clarissa! Daphne!” malakas na sigaw niya.
Isang kapit-bahay ang nagsabi na nakita nitong naka-uniform si Clarissa nang lumabas ng bahay bago magdilim. Ibig sabihin ay si Daphne at ang matandang lola lang nito ang nasa loob. Sige ang kabog niya sa pinto. Maya-maya pa ay binalya na niya ito nang malakas, pero hindi pa rin nabuksan. Maya-maya pa ay bumukas ang pinto. Umuubong matanda ang nabungaran niya. Mabilis niyang inakay ang matanda palabas ng bakuran.
“Nasaan po si Daphne, Lola?”
“Nasa silid niya, apo, sa kanan. Madali ka.”
Ang apoy ay umabot na sa tuyong puno sa bakod at palipat na sa bukaran nila Daphne. Mabilis niyang binalikan ang dalaga. Nang pihitin niya pabukas ang pinto ng silid nito ay nakita niya itong nakahiga sa kama, may nakasaksak na headset sa magkabilang tainga. Walang tigil ito sa pag-ubo dahil sa makapal na usok na pumasok sa bukas na bintana.
“Daphne!” mabilis niya itong dinaluhan.
“Hin... hindi ako makahinga.” Kumapit ito nang mahigpit sa braso niya.
“It’s the smoke. Kailangan nating makalabas agad dito.”
“My in... inhaler.”
Natigilan siya. Hindi niya alam na may asthma ito. Natatarantang kinapa niya sa side table ang inhaler nito. Mabilis niyang itinutok ito sa bibig ng dalaga saka ito binuhat palabas. Dinala niya ito diretso sa loob ng sala nila at saka pinainom ng tubig.
Nakasunod naman agad ang pamilya niya na akay ang lola ni Daphne. Nang mahimasmasan ang dalaga ay bigla itong bumangon sa sofa.
“Si Dorothy! Lola, si Dorothy?” Tinakbo nito ang pinto.
“Daphne, wait!” Hinabol nila ito ni Jessica.
Kahit panay ang ubo nito ay hindi ito tumigil sa katatawag sa alaga nitong aso. Pero walang asong lumabas. Umiiyak ito nang akayin niya pabalik sa loob ng bahay. Para ito yagit na nakayapak lamang at panay ang singhot.
“Hush, baby. Siguradong nandiyan lang sa tabi si Dorothy. Natakot siguro kaya nagtago. Don’t worry, nandiyan na ang bombero.”
“Jess, doon mo muna patulugin si Daphne sa tabi mo. Si Lola ay sasamahan ko sa guestroom.” Inakay na ng Mommy niya ang matanda.
Sinamahan niya ang dalawa hanggang sa makapasok sa silid ni Jessica. “Will you be all right?” Inabot niya ang inhaler dito. “Matulog ka na ulit. Ako na ang bahala sa bahay ninyo, babalik ako sa labas.”
“Thank you, Seth. Si Dorothy...”
“Yeah, hahanapin ko.”
Kinabukasan ay lumitaw ang buong damage ng sunog na nagsimula umano sa faulty electric wire. Kung nahuli pa ng dating ang bombero ay malamang nahagip ng apoy ang isang bahagi ng bahay nina Daphne.
BINABASA MO ANG
I Couldn't Ask For More
Romancepublished under PHR 2012 (Modified version) Natanim sa isip ni Daphne ang hula sa kanilang mag-ina noong bata pa siya. Bakit ba hindi, eh lagi na lamang siyang dinadalaw ng isang lalaking walang mukha sa mga panaginip. Kaya nga naging mission...