CHAPTER SIX
SINAGOT ni Daphne ang cellphone na kanina pa tumutunog.
“Ang tagal mong sumagot, kaasar!” tinig ni Jessica iyon sa kabilang linya. “Nandito ako sa Recto ngayon, may binili akong book para sa thesis namin. Samahan mo naman ako sa Quiapo, girl, baka maligaw ako doon.”
“Aano ka naman sa Quiapo?”
“Mamimili ako ng cellphone accessories, para makamura,” saka ito tumawa.
“Luka-luka! Gaano ba kadami ang bibilhin mo at lumuwas ka pa ng Maynila? Ibinilin mo na lang sana sa akin ang libro mo.”
“Magpapalibre din ako sa ’yo kaya ako nandito.”
Paglipas ng kinse minutos ay magkasama na sila ng dalaga. “Kanina ka pa ba dito?”
“Kadarating ko lang. Dapat talaga magpapasama ako kay Kuya, kaya lang may biglaang lakad ang mokong.”
Pagdating nila sa malaking building na puno ng accessories ay bigla na lamang nawala sa likod niya ang kaibigan matapos nitong mamili at magbayad. Nakailang ikot siya sa palapag na kinaroroonan nila pero hindi niya ito nakita. Minabuti niyang tawagan na lamang ito. Naka-dalawang tawag siya bago ito sumagot. “Nasaan ka na?”
“Naku, kanina pa kita hinahanap. Nandito na ako sa ibaba, kung saan tayo dumaan kanina paakyat. Bilisan mo, ha?”
Nakita niya si Jessica na nasa hanay ng mga manghuhula. Bigla niyang naalala ang isang hapong iyon sa mismong lugar ding ito. Inilibot niya ang paningin, hindi na niya nakita ang babaeng nanghula sa kanila ng Mama niya noon.
“Ano’ng ginagawa mo diyan?” sita niya sa kaibigan.
“Nagpapahula din ako, hindi ba halata? Gusto kong malaman kung love din ako ng love ko,” nakatawang sabi nito. Halatang tuwang-tuwa ito sa positive na sagot ng manghuhula dahil kinikilig pa ito nang humarap sa kanya. “Ikaw naman ang magpahula, dali!”
“Ay, ayoko na, tama na iyong dati. Baka mamaya ay gumulo pa ang isip ko kapag hindi katulad ng una ang sasabihin niya.”
“KJ naman nito! Try mo lang, dali na. Malabo naman iyong hula sa iyo noon, eh. Malay mo ngayon ay may mga palatandaan ulit na ibibigay sa ’yo.”
Sa kakukulit ni Jessica ay umupo nga siya sa harap ng manghuhula.
“Ang lalaking hinahanap mo ay nandiyan na, iha. Nasa paligid mo lang, pero hindi mo nakikita dahil abala ka sa ibang mga bagay.”
“Talaga po?” sabay pa silang napasagot ni Jessica.
Tumawa ang manghuhula. “Ito na ang tamang pagkakataon para sa pag-iibigan ninyo. Imulat mo ang mga mata mo, iha. Maaaring isa siya sa mga manliligaw mo.”
Nagkatinginan silang magkaibigan.
“Eh, ang dami po niyang manliligaw. Sino po kaya sa mga iyon? Hindi po ba ninyo makikita diyan sa bolang kristal ninyo?” excited na tanong ni Jessica.
Nang yukuin ng matandang babae ang bola ay sumilay ang ngiti sa mga labi ito. “Ang nakikita ko dito ay malaking lalaki.”
“Patingin!” Niyuko ni Jessica ang bola.
Hinampas niya ang kaibigan. “Ano ka ba? Huwag kang magulo!”
“Hindi ko nakikita ang mukha niya, iha. Pero may mga palatandaan.”
“Ano?” sabay ulit sila ni Jessica.
Muling tinignan ng matanda ang bola. “May tattoo sa isang bahagi ng katawan, at...”“At?”
“Balat! May pulang balat.”
Napasinghap ng malakas si Jessica na ikinalingon niya dito. “Bakit?”
“Ohmigosh!”
“Bakit nga?” kulit niya dito.
“Malapit mo na siyang makita, girl!”
“Sus! Akala ko naman, eh...” Hinarap niya ulit ang manghuhula. “Ang hula po sa akin noon ay kalbo daw ang lalaking iyon.”
“Noon siguro, kaya iyon ang lumitaw na imahe.”
“Korek! Kaya mula ngayon ay may tattoo at pulang balat na ang hanapin mo, girl.”
“Lalo lang naging mahirap. Paano ko naman kakalkalin ang katawan ng isang lalaki? Paano kung ang balat niya ay nasa pang-upo?” saka siya natawa nang malakas. “Halika na nga, girl. Bayaran mo iyan, ikaw ang nakaisip niyan!”
“Ang daya nito!”
Nang nasa sasakyan na sila ay tinukso siya ulit nito. “Huwag mong babanggitin kay Kuya na nagpahula tayo, ha? Aasarin lang tayo.
💓💓💓💓💓💓💓💓💓💓💓💓💓
BINABASA MO ANG
I Couldn't Ask For More
Romancepublished under PHR 2012 (Modified version) Natanim sa isip ni Daphne ang hula sa kanilang mag-ina noong bata pa siya. Bakit ba hindi, eh lagi na lamang siyang dinadalaw ng isang lalaking walang mukha sa mga panaginip. Kaya nga naging mission...