CHAPTER THREE
After three years...
PARANG kailan lang, natapos din ang kontrata ni Seth. Ngayon nga ay pauwi na ito. Sa loob ng tatlong taon ay minsan lamang nagbakasyon ang binata at isang buwan lamang ang inilagi nito sa Pilipinas. May pasok ng mga panahong iyon kaya ilang beses lamang sila nito nagkita. Sa tingin niya noon ay lalo itong naging makisig at guwapo. Para lang naman siyang nakamasid kay Channing Tatum sa tuwing kaharap niya ito. Ano pa kaya ang nadagdag sa anyo nito ngayon?
Excited siyang makita muli ang binata kaya sumama siya sa pagsundo dito sa airport. Paglabas nito sa arrival area ay may kasama itong sexy at matangkad na babae na kung titignan ay parang galing sa Western country dahil sa porma nito. Nagtatawanan ang dalawa at nakakapit pa ang babae sa braso ng binata. Dahil doon ay parang bulang naglaho ang pananabik niya dito.
“Kuya!” Masayang salubong ni Jessica dito. “Ang tagal mo namang lumabas.”
Pagkatapos nitong niyakap ang kapatid ay niyakap naman nito ang ina. Pagharap nito sa kanya ay binuksan nito nang maluwag ang dalawang braso para salubungin din siya ng yakap.
Alanganing lumapit siya dito at nagpakulong sa matitipunong bisig nito.“Look at the two of you! Lumaki na ang mga alaga ko.” Natutuwa itong tinignan silang dalawa ni Jessica. Tapos ay hinarap nito ang ina. “Hindi naman ba pasaway ang dalawang ito, Mommy?”
“Naku, mabuti at umuwi ka na, dahil iyang kapatid mo ay hindi ko na maawat sa pakikipag-date!”
Tumaas ang mga kilay nito nang tignan si Jessica. “By the way, Mommy, si Karen po. Chemical Engineer namin siya sa planta sa Malaysia.”
“Hello, Tita.” Humalik ito sa pisngi ng matandang babae.
“Idadaan na kita sa inyo, Karen. May dala namang sasakyan ang Mommy.”
“No need, darling. Padating na rin ang Papa.”
Bago naghiwalay ang dalawa ay humalik ang babae sa mga labi ni Seth. Wala itong pakundangan kung nakaharap silang tatlo.
Kinagabihan ay nagdatingan ang mga ka-tropa nito. Silang dalawa ni Jessica ang naghanda ng pulutan ng mga ito.
“Babalik ka pa ba sa Malaysia, ‘Tol?” tanong ng bestfriend nitong si Ethan na matagal naglagi sa Amerika nitong nakaraan.
“Hindi na. Dito na muna ako habang hinihintay ko ang promotion na ipinangako ng boss ko doon. Inaalok ako ng pinsan kong si Marcus na makisosyo sa negosyo nila na distributor ng medicines and medical supplies. Balak daw nilang gawin itong corporation. Ngayong nandito ka na ulit, ‘Tol, baka interesado ka ring mag-invest?”
“Kung si Marcus ang may hawak, siguradong okay iyan. I’ll join you.”
“Magkikita kami ni ‘Insan bukas, sumama ka para mapag-usapan natin ang details.”
********************************
KINABUKASAN ay araw ng Linggo. Kasalukuyang nilalaro ni Daphne si Chloe sa bakuran nang tawagin siya ni Seth.
“Hi there, pretty ladies!”
Isang napaka-guwapong mukha ang nakita niyang nakasilip sa gate. “Pasok ka. Miss na miss ka ni Chloe.”
Isang manipis na silver chain na may palawit na pangalan ang inilagay nito sa leeg ng aso. Isang paper bag naman na puno ng chocolates, isang mamahaling pabango at bag ang iniabot nito sa kanya.
“So tell me, aside pa sa mabilis na paglaki ni Chloe, what did I miss?” tanong ni Seth habang iniinom ang juice na ibinigay niya dito. “Nagpapaligaw na ba ang isang iyan?”
BINABASA MO ANG
I Couldn't Ask For More
Romancepublished under PHR 2012 (Modified version) Natanim sa isip ni Daphne ang hula sa kanilang mag-ina noong bata pa siya. Bakit ba hindi, eh lagi na lamang siyang dinadalaw ng isang lalaking walang mukha sa mga panaginip. Kaya nga naging mission...