Sa pagsapit ng pasko,
Hiling ko ang kaligayahan mo
Sa bagong babaeng nagpatibok ng iyong puso
Kahit ang babaeng 'yon ay hindi na ako
Sa pagtupad ng hiling na ito,
Pinapanalangin ko sa mga tala
Na itong mararamdaman ko
Ay tuluyan nang maglaho't mawala
Sana'y matupad ang hiling ko
Ibig kong mawala
Ang hapdi nitong puso
Ang ngiting pinipilit ipakita
At ang pagbagsak ng mundo ko
Dahil napagtanto ko na ang ikaw at ako
Kailanman ay hindi na magiging totoo
Niloloko ko lang ang sarili ko
Kung ako'y patuloy na magnanais sa himig ng "tayo"
Kaya sa pasko, luluhod ako kay Bathala
Ipapanalangin na ang "ako nalang sana"
Ay mapapalitan ng "masaya ako sa inyong dalawa"
Ayoko nang ipilit ang hindi nagkakasya
Sa pagsapit ng bagong taon, hiling ko'y pagbabago
Ninanais kong mag-iba naman ang ihip ng panahon
Yung hindi na pangalan mo ang sinisigaw ng puso
Yung hindi na ikaw ang unang iniisip pagkagising ko
Hiling ko'y magbago ang pagtibok nitong puso ko
Ang pagbilis nito sa tuwing ika'y naaalala
Ang pagtigil nito tuwing nasisilayan ang iyong mukha
Ang pagsigaw nito ng pangalan mo sa bawat minuto
Ang isip ko ay umaayaw na sa'yo
Pero bakit tinatraydor pa rin ako ng damdamin ko?
Kaya dalangin ko sa bagong taon
Sana, iba na ang kinikilala ng puso ko
Sana'y matupad ang hiling ko
Sa pagsapit ng iyong kaarawan,
Hiling ko ang kaligayahan ko
Na kahit alam kong hindi na ako
Ang iyong makakasama
Magawa kong maging masaya
Kahit na nakagawian na nating
I-celebrate ang birthday mo
Doon sa munting isla
Kung saan tayo unang nagkita,
Sana, kung saan ka pupunta at
Kung siya man ang kasama,
Huwag mo sanang malimutan
Ang ating munting isla
Isla kung saan lahat nagsimula
At napuno ng ating mga ala-ala
Mga pangakong napako
Ngiting hindi ko na makita
At pagmamahalan na nauwi sa wala
Hiling ko sana ito'y iyong maalala
Sa pagsapit sa araw ng mga puso,
Hiling ko'y puso ko ay titibok pa
Kahit wala nang nag-iingat nito
Hiling ko na ang puso ko ay masigla at malusog pa
Kasabay nito, hiling ko rin sana
Na patawarin mo ako sa mga kasalanang sinadya ko
Patawarin mo ako sa hindi na pagsipot sa mga gala
At sa minsa'y hindi pagsagot sa iyong mga tawag
Hiling ko'y mapatawad mo ako
Sa hindi pagbukas ng pinto
Nang ikaw ay kumakatok
At luha'y umaagos sa pisngi mo
Pagpasensyahan mo na ako
Kung hinayaan kita sa labas
Habang ang ulan ay bumabagsak
At puso mo'y winawasak
Sana'y matupad ang hiling ko
Sa pagsapit ng araw na ako'y mawawala
Alam kong ikaw pa rin ang ititibok sa huling pitik nito
Kahit gaano kalakas ang panalangin ko,
Sayo'ng sa'yo pa rin ang puso ko, mahal ko
Kaya sa pagsapit ng araw na ako'y papanaw,
Hiling kong hindi makita ang pag-iyak mo
Ibig kong ikaw ay maging malaya at masaya
Sana'y matupad ang hiling ko
Sa pagsapit ng araw na mababasa mo ito,
Ako ay wala na sa mundong ginagalawan mo
Kaya hiling ko sana,
Tumahan ka na
Huwag ka nang humikbi
Dahil nandiyan naman ang bestfriend ko sa tabi mo
Hindi ka niyan iiwan kailanman, sigurado ako
Kaya please lang,
Tuparin mo ang hiling ko
Maging masaya ka sa babaeng mahal mo
BINABASA MO ANG
Written Poetry
PoetryStumbled into a whirlwind of endless thoughts Only did it made sense When I grabbed a pen and fought Arranged them in words that felt intense Since 2018
