Dravius
Magana kong pinagmamasdan ang mga nilalang ng Irebus.
Isang planetang minsan nang binalot ng kasamaan ng liwanag at sinagip ng kapangyarihan ng kadiliman. Marami nang nagbago sa mundong ito. Naging mas maunlad ang mahika, nagkaroon ng mga akademiya, at pumasok ang panibagong sistema ng pagsasanay ng kapangyarihan.
Kita ng aking mga mata ang karahasan, ang kabutihan, ang mga luha at pag-asa. Ngunit hindi ko dapat galawin ang daloy ng tadhana at ang balanse ng buhay at kamatayan, ng lungkot at ligaya, ng pagsubok at pag-asa, at ng pagkalugmok at ng pagbangon.
Ang dati kong mga kaibigan at mga kakilala, nakatatak pa sa aking isipan ang mga halakhak at iyakan, mga labanang matapang naming hinarap at napagtagumpayan... Ang aking mga kaibigan, ngayo'y mga hari't reyna na ng iba't ibang kaharian kasama ang kanilang mga minamahal.
Iba't ibang tanawin. Nakakatuwang pagmasdan ang kaharian ng mga elfo at mga diwata, ang nagtataasang mga palasyo sa gitna ng kabundukan at mayayabong na kakahuyan, mga naglalakihang tahanan sa ibabaw ng mala-paraisong tanawin kung saan nag-iingay ang hampas ng matayog na talon habang sa ibaba, kalapit ng ilog ay naroroon ang akademiya ng mga elfo at diwata, kung ilalarawan ang lugar na ito ay masasabing isa itong tunay na paraiso...
Sa kabilang dako, mga makalumang disenyo naman ng palasyo ay mansyon sa gitna ng taglamig, ng yelo at nyebe ang tahanan ng mga bampira at mga taong lobo. Balot ng kadiliman mula noon hanggang ngayon ngunit magkaganoon pa man ay napakasigla ng lahat.
Habang ang mga mangkukulam at sorsero naman ay natipon sa lugar na may payak na pamumuhay, wari mo'y mga mortal habang nagsasaka, naglilibang, nag-aaral, at naghahanap-buhay...
Habang sa ilalim ng karagatan, naroroon ang pinakamalaking lahi ng mga serena at sereno, mga lamang-dagat na tahimik na namumuhay at mabubuhay pa sa mas mahaba panv panahon.
---
Payapa na nga ang lahat...
O payapa na nga ba talaga ang lahat?
---
Isang kulay gintong ilaw ang siyang may bahid ng kadiliman ang patuloy na nagpapalipat-lipat sa mga lugar kung saan walang ni isang nilalang ang naroroon.
Subalit sa bawat baong sikat ng liwanag ay unti-unting nagbubuo ang mga panibagong lupon ng mga hayop. Kakaibang hayop o mas tamang sabihin na sila ay lupon ng mga maaamong halimaw. Kakaiba ang kanilang anyo, mabuhok ang kanilang mga katawan habang makakapal anv kanilang mga balat na animo'y hindi mahihiwa ng isang sandata, mga naglalakihang mga pangil, at bato-batong katawan na punong-puno ng lakas, matatalas na kuko at singbilis ng hangin kung gumalaw, tila wala silang taglay na bigat sa kabila ng kanilang laki.
Ngunit ang nakapagtataka ay ang talas ng isipan ng mga naturang halimaw. Tila ayaw nilang makita ng mga nilalang sapagkat matapos libutin ang buong isang kilometrong bantod ay parang isda silang sumisid sa lupa at naglaho ng wala man lamang bakas na naiwan.
"Tapos na rin ang lahat... Limang milyong halimaw ang sa inyo'y magtatangol, mahal kong tahanan..." Tahimik na sambit ng ginintuang liwanag.
"Hindi ko gustong ika'y aking lisanin, aking lupain, ngunit ako'y tinatawag ng mga bituin sa likod ng mga ulap..."
"Nais kong tahakin ang aking landas sapagkat ang inaakalang hangganan ay siya pa lang pala ang simula ng lahat..."
"Ang bilyon bilyong bituing nagniningning, mga talang akala ko'y nilikha ng langit upang magliwanag sa gabing binalot ng dilim ay siya palang panibagong mundo..."
"Ang mundo..."
"Ay hindi iisa..."
"Ang langit, ay hindi ang hangganan kun'di siya lamang lagusan sa mas malawak na paraiso at enpyerno..."
BINABASA MO ANG
Ardon (Slow Update)
FantasyPanibagong kabanata, sa pagwawakas, siyang pag-usbong ng bagong simula... Sa likod ng bughaw na langit ay panibagong kalawakan ang matutuklasan, bagong mundo, bagong simula, kaganapang nakatala, mundong sinilangan, saan kaya nagmula? BOOK 2 of The D...