Pagsasalaysay
Si Dravius...
Habang tumutulo ang kaniyang luha ay biglang tumigil ang tibok ng kaniyang puso. Ang daloy ng enerhiya sa kaniyang katawan na nagsisilbing kaniyang kapangyarihan ay tila isang sapang unti-unting natutuyo.
Ngunit ang nakakamangha sa kaniyang katawan ay ang katatagan ng kaniyang mga buto, laman, at ng kaniyang balat. Kahit patuloy na nauubos ang kaniyang taglay na enerhiya ay tila wala pa ring pagbabago sa kaniyang katawan.
Preskong-presko pa rin ang kaniyang balat, ang kaibahan lamang ay ang kaniyang walang buhay na mga matang nakatago sa likod ng kaniyang nakasaradong mga talukap.
Ngunit taliwas sa inaasahan, hindi naglaho ang kaniyang kaluluwa. Sa halip ay nanghihina lamang ito ngunit kasalungat nito ay ang linaw ng kaniyang kaisipan.
Nagbago ang kaniyang pananaw sa mundo at tila ang lahat ng mga bagay sa kaniyang paligid ay pinoproseso ng kaniyang isipan at iniintindi ng buo niyang pagkatao.
Ang batas ng oras, kung saan at papaano ito gumagalaw at ang kahalagahan nito sa buhay at kamatayan.
Ang kawalan.
Ang lahat ay nagsimula sa kawalan. Walang oras, walang bagay, at walang buhay. Naroroon lamang ay purong kadiliman. Hanggang sa isinilang ang maliit na butil. Ang puso ng sandaigdig.
Isang milyong taon ang lumipas.
Nabuo ang isang planeta sa kawalan...
Isinilang si Dravius bilang si Starcus, isang prinsepe ng lupain. Lupaing lubos na makapangyarihan sa buong planeta.
Unti-unti ay nawala si Dravius sa agos ng ilusyon ng kaniyang panibagong buhay.
Sa loob ng ilusyon ay nabuhay siya bilang isang isang makapangyarihang nilalang, sumabak sa mga labanan at digmaan. Ngunit sa huli, ang buhay ay may hangganan. Siya'y pumanaw dahil sa labis na katandaan, sa kaniyang gulang na 10,000.
At sa kaniyang pagpanaw ay muli siyang isinilang bilang isang magsasaka, isa sa mga nilalang na may pinakamababang estado sa buong lupain. Dumanas ng mapait na buhay kung saan walang kapangyarihan at isang alipin. At sa bawat hataw ng latigo ay napapaigtad siya sa sakit.
Hanggang sa siya'y binawian ng buhay habang inililigtas ang kaniyang malupit na panginoon laban sa mga halimaw.
Sa kaniyang ikatlong pagsilang, naging isa siyang halimaw. Isang halimaw na walang ginawa kun'di ang pumaslang ng mga buhay at magpaagos ng dugo, hanggang sa muli na naman siyang binawian ng buhay.
Naging isa siyang hayop, isang lobong isinilang sa gitna ng malamig na klima, ngunit hindi nabigyan ng pagkakataong mamuhay bilang isang hayop sapagkat agad rin siyang pinaslang ng labis na lamig ng panahon.
At nagtuloy-tuloy pa ang agos ng mga ilusyon sa isipan ni Dravius.
Naging isa siyang halaman.
Naging ulap.
Naging hangin.
Naging bato.
Naging insekto.
Nagtuloy-tuloy pa iyon hanggang sa dumanas siya ng buhay at kamatayan ng isang milyong ulit.
At sa pang-isang milyon, si Dravius ay naging kaluluwa ng sandaigdig. Nasilayan niya ang pagsilang at pagpanaw ng kaniyang mga nilalang.
Nasilayan niya ang naglalakihang mga digmaan at siya'y nabalot ng kalungkutan.
Nakita mismo ng kaniyang mga mata at naramdaman mismo ng kaniyang puso ang ligaya, kawalan ng pag-asa, hinanakit, galit, takot, pangamba, at hinagpis.

BINABASA MO ANG
Ardon (Slow Update)
FantasyPanibagong kabanata, sa pagwawakas, siyang pag-usbong ng bagong simula... Sa likod ng bughaw na langit ay panibagong kalawakan ang matutuklasan, bagong mundo, bagong simula, kaganapang nakatala, mundong sinilangan, saan kaya nagmula? BOOK 2 of The D...