Chapter 28 - Ang Tunay na Nararamdaman

146 9 2
                                    

Sa mga sandaling ito’y tahimik lamang na nakaupo sa tabi ng kaibigan si Tommy habang pinagmamasdan ito. Dalawang araw narin halos ang nakalipas matapos ang kanilang reunion ngunit hanggang ngayon ay wala paring pagbabago sa kundisyon ni Macario. Kung puwede lang sanang tanggalin na niya ang mga suwerong nakatusok sa mga kamay ng kaibigan ay gagawin na niya ngunit sa puntong ito, ang mga nasabing “suwero” na lamang ang sumusuporta sa kalusugan ni Macario.

Maya-maya lang ay pumasok sa loob ng kuwarto sila Pierre at Armand. Iniwan nila sa labas sila Orli, Raisa at Aling Merly. Nang makita nila si Tommy ay dali-dali silang tumabi dito. At katulad rin ni Tommy, awang-awa sila sa kalagayan ni Macario.

“Tandaan mo, kahit na anong mangyari, wag mong kakalimutan ang advice ni Macario. Think positive,” sabi ni Armand.

Inakbayan naman siya ni Tommy kahit na di parin natatanggal ang mga mata nito kay Macario.

“I’m always positive,” pagsisinungaling naman ni Tommy.

“Magigising siya, naniniwala ako,” sabi ni Armand.

Tumayo naman si Tommy at inayos ang damit. Nagpaalam muna siya sa kanila Orli at Armand. Naisip niya kasi munang bumili ng kape sa cafeteria at magpainit muna ng katawan. Hinayaan niya muna ang dalawang kaibigan na bantayan at tignan muna si Macario.

Paglabas niya ng kuwarto ay agad naman siyang nakita ng kanyang asawa at bigla rin itong napatayo. Tinanong niya kung saan pupunta ito at hinayaan nalang munang mag-isa. Tinuloy nalang ni Raisa ang pakikipag-kuwentuhan kanila Pierre at Aling Merly habang palakad na papuntang elevator si Tommy.

Pinindot ni Tommy ang elevator. Ilang saglit lang ay bumukas ito at pumasok siya. Sa loob, pinindot niya naman ang letrang G at naghintay habang patuloy din sa pagpasok ang  iba pang sasakay ng elevator.

Pagdating ng 4th floor ay biglang nagbukas ang elevator. Dalawa ang lumabas at apat ang pumasok kabilang na nga dito ang isang babaeng may bitbit na batang lalaki na mukhang dalawang taong gulang pa lamang.

Nasa bandang likod si Tommy at nasa bandang harap niya naman ang mag-ina. At kahit nakatalikod ang nanay kay Tommy, ay kitang-kita naman siya ng batang nakasandal ang baba sa balikat ng kanyang ina. Nang magkatinginan naman si Tommy at ang bata, ay biglang napangiti si Tommy. Ngumiti naman pabalik sa kanya ang bata.

Maya-maya ay biglang may isang tunog nalang ang narinig nila sa isang iglap. Ito ang tunog na karaniwang maririnig mo kapag bumubukas ang elevator. Agad namang lumabas ang dalawang mag-ina  sa floor kung saan may nakadikit na karatulang “2” sa dingding. Pero bago tuluyang magsara ang elevator ulit ay nagbigay ng isang sweet na kaway ang bata kay Tommy kung saan kumaway rin naman pabalik ito.

Pagdating sa ground floor ay dali-dali namang lumabas si Tommy at naglakad papuntang kaliwa kung nasaan ang canteen. Pagdating niya doon ay dali-dali siyang bumili ng kape mula sa vendo na matatagpuan lang malapit sa may drinking fountain. Naghanap muna siya ng puwesto na medyo malapit naman sa bintana, naupo, nagmuni-muni habang umiinom ng kape.

Di mo na kailangan pang pumunta ng matataas ng bundok o pumuwesto sa tabi ng Manila Bay upang makakita ng magandang sunset sapagkat sa ganda ng puwesto ni Tommy ay makikita mo ang nakakabighaning paglubog ng araw. Di man ito eksakto sa kung paano lumubog ang araw sa mga lugar na iyon ngunit makikita mong unti-unting nilalamon ang araw ng matataas ng mga gusali ilang kilometro ang layo mula sa bintana.

Kapag tumingin ka naman sa itaas, makikita mo naman ang mga ibong masaya at malayang lumipad sa himpapawid habang nakapuwesto sa letrang V. Bakas rin naman sa mga ulap ang mga naghahalong kulay ng asul at kahel na mula sa papalubog na araw.

TropaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon