PAGKALIPAS ng dalawampung minuto ay nakapagpalit na ng damit si Bianca. Nailugay na rin niya ang buhok at kahit paano ay nakapagpolbo at lip gloss na. Tumitig siya sa maliit na salamin na nakadikit sa likod ng pinto ng dressing room at huminga nang malalim. Mabilis ang pagtahip ng kanyang dibdib dahil sa planong gawin. Pero alam niya na walang mas magandang tiyempo kundi ngayong umaga. Kaya muli siyang huminga nang malalim at bitbit ang shoulder bag na lumabas ng dressing room.
Dumeretso si Bianca palabas sa coffee shop, kung saan alam niyang naghihintay si Ross. Nang mapadaan sa counter, nanlaki ang mga mata ni Abigail nang magtama ang kanilang mga mata. Alanganing nginitian ni Bianca ang katrabaho at bahagyang tumango. Gumanti ito ng ngiti at walang tunog na umusal ng: "Good luck."
Bumaling si Bianca sa direksiyon ng mga mesa na palagi nilang pinupuwestuhan ni Ross. Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso nang makitang nakaupo ang binata sa mismong upuan sa mesa na palagi niyang puwesto. Nakahalukipkip si Ross at nakatingin sa labas ng coffee shop na tila may hinihintay.
Hindi nakangiti si Ross at lalong walang halong kapilyuhan ang ekspresyon sa mukha na palaging nakikita ni Bianca sa ilang beses na nagkaharap sila. Subalit kahit ganoon, si Ross pa rin ang pinakaguwapong lalaki na nakita niya sa buong buhay. Walang sinabi rito ang lahat ng lalaking customer ng coffee shop. Ang iba pa nga roon ay mga modelo at artista.
Kaya bakit palaging naroon si Ross? Bakit nagpapakita ng interes sa kanya ang lalaking katulad nito?
Iyon pa rin ang iniisip ni Bianca habang nakatitig sa binata nang biglang tila naramdaman nito ang pagtitig niya at lumingon sa kanyang direksiyon. Nagtama ang mga mata nila at parang may humalukay sa kanyang sikmura. Nang ngumiti si Ross at umaliwalas ang mukha, pakiramdam ni Bianca ay nahulog ang kanyang puso.
Lumunok siya at nagsimulang maglakad palapit kay Ross. Tumayo ang binata at namulsa habang hindi inaalis ang pagkakatitig sa kanya. Ngunit nang ang ngiti ni Ross ay napalitan ng bahagyang pagkunot ng noo, kinabahan na naman si Bianca. Nakita kasi niya na tumalas ang mga mata ni Ross at bahagyang sumulyap sa pinanggalingan niya.
Huminto siya sa mesa nito. "Ang aga mo, ah," komento niya.
Mabilis na kumilos si Ross. Hinila nito ang isang silya at inalalayan siyang makaupo. "Gusto kitang makita uli. Mas maaga mas maganda."
Nagkalapit ang kanilang mga katawan nang kumilos si Bianca upang makaupo sa silyang hinila ni Ross para sa kanya. At nang magsalita ang binata, humampas sa buhok niya ang hininga nito. May lumukob na kilabot sa kanyang buong katawan at mabilis siyang napaupo. Nanlambot kasi ang kanyang mga tuhod. Si Ross naman ay hindi agad kumilos para lumayo at umupo sa katapat na silya. Nanatili itong nakahawak sa sandalan ng kinauupuan niya.
Nagtatakang tumingala si Bianca. Nakayuko si Ross sa kanya kaya nagtama ang mga mata nila. "Bakit?" tanong niya.
Bahagyang ngumiti ang binata at tila bantulot na kumilos upang lumayo sa kanya. "Nothing. I've just realized how good it feels to be close to you."
Tila may lumamutak sa kanyang sikmura at napatitig lang kay Ross.
Lumuwang ang ngiti ng binata at naging mapang-akit ang kislap sa mga mata. "And I know you think so, too."
Nag-init ang mukha ni Bianca. Ngunit sa halip na magpatalo sa embarrassment, tinaasan niya ng isang kilay si Ross. "Napansin ko noong umpisa pa lang, masyado kang bilib sa sarili mo, ano?" hindi nakatiis na tanong niya.
Bahagyang tumawa ang lalaki at tuluyan nang umupo sa katapat na silya. "Bianca, Bianca. I'm a lawyer, remember? Perceptive ako. Kaya kong malaman ang kahulugan ng bawat kilos at reaksiyon ng isang tao. At hindi ko ibubuka ang bibig ko para magsabi ng isang bagay na hindi ako sigurado. It might be used against me if I do that. Kaya lahat ng sinasabi ko sa iyo, hindi dahil bilib ako sa sarili ko. I'm just telling you the truth and you know it," kompiyansang sabi nito.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZER
RomanceLaki sa hirap si Bianca. Dalawa ang trabaho niya para lang maka-survive sila ng sakiting ina sa araw-araw. Kaya nang makilala niya si Ross at hayagang magpakita ng interes sa kaniya, nakaramdam siya ng insekuridad. Ross is the embodiment of an eligi...