UMUWI muna si Bianca sa kanilang apartment upang magpalit ng damit at mag-ayos. Sasabak siya sa enemy territory kaya dapat, kahit paano ay maganda siya. Ayaw niya na sa entrance pa lamang ay palayasin na siya dahil hindi maayos ang kanyang hitsura. Isinuot niya ang isa sa ilang naitatagong semi-formal dress. Maganda naman ang damit kahit sa Divisoria lang niya nabili at hindi sa mamahaling boutique. Hinayaan niya na nakalugay ang kanyang tuwid at mahabang buhok. Pagkatapos, naglagay siya ng manipis na makeup. Nang matapos ay tumingin siya sa repleksiyon sa salamin.
Kamukhang-kamukha ni Bianca ang kanyang ina sa mga larawan nito noong dalaga pa. She looked beautiful.
Huminga siya nang malalim bago bitbit ang bag na lumabas ng apartment. Pumara siya ng taxi. Okay lang kahit mahal ang pamasahe dahil sa araw na iyon lang naman niya gagawin. Bago mananghali, nakatayo na siya sa entrada ng gusali na kinaroroonan ng law firm na kinabibilangan ng kanyang ama. Bahagya siyang nakaramdam ng pag-aalinlangan subalit nagpakatatag siya. Para sa nanay niya at para na rin sa kanya ang gagawin. Maniningil lang siya sa nararapat na ibinigay ng ama sa kanya mula pa pagkabata.
Sa naisip ay lumakas ang loob ni Bianca. Wala siyang balak maharang ng mga receptionist kaya deretso ang tingin niya sa elevator habang naglalakad sa lobby upang kunwari ay normal na ginagawa niya ang pumasok sa gusaling iyon. Nakahinga siya nang maluwag nang nasa loob na siya ng elevator. Alam niya kung anong palapag siya dapat bumaba. Matagal na niyang na-research ang tungkol sa kanyang ama. Hindi naman mahirap gawin iyon dahil ang law firm ng kanyang ama ang pinaka-elite na law firm sa bansa. Bukod doon, kilalang human rights advocate ito at madalas na lumabas sa telebisyon.
Mapait na napaismid si Bianca. Human rights advocator pero sariling anak ay iniwan niya. Kinalma niya ang sarili. Kailangang kontrolin ang kanyang galit kung gusto niyang magtagumpay sa misyon. Kailangan niya ng tulong para sa kanyang ina.
Bumukas ang elevator at lumabas si Bianca sa palapag na sakop ng law firm. May reception area na naman doon. Iyon lang ang isang problema na hindi niya nagawan ng paraan. Hindi niya alam kung saan eksakto ang opisina ng kanyang ama kaya mapipilitan siyang magtanong.
Kumakabog ang dibdib na lumapit si Bianca sa nag-iisang receptionist. Nag-angat ng tingin ang lalaki at palakaibigang ngumiti. "Good morning, Ma'am," masiglang bati nito.
Gumanti siya ng ngiti kahit sa totoo lang ay nanlalamig siya sa kaba. "Hi. I would like to see Attorney Salvador."
"Do you have an appointment, Ma'am?"
Apologetic ang naging ngiti ni Bianca at mabilis na nag-isip ng kasinungalingan. "Well, wala. Pero kausap ko lang siya sa cell phone kanina and he's expecting me."
Naging alanganin ang ngiti ng lalaki. Dahil doon ay ginawa ni Bianca ang isang bagay na hindi pa ginagawa kahit kailan at napapanood lang sa ilang palabas. Nagpa-cute siya. "Please? Puwede mo bang sabihin sa akin kung saan ang opisina niya? Ang sabi kasi niya, itanong ko lang sa 'yo. Gustong-gusto niya talaga akong makita, promise," malambing na sabi niya kahit halos bumaligtad na ang kanyang sikmura sa pinaggagagawa.
Nakita ni Bianca na unti-unti nang bibigay ang receptionist. Ibinuka na ng lalaki ang mga labi at alam niyang papayag na nang lumampas ang tingin nito sa kanya at tila nakahinga nang maluwag. "Attorney Salvador, there's someone here to see you."
Napaderetso ng tayo si Bianca. Nanigas ang kanyang likod at kumabog nang malakas ang dibdib.
"Who?" narinig niyang tanong mula sa likuran.
Pilit na pinatatag niya ang loob at halos hindi humihingang humarap. Makalipas ang dalawang dekada, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya nang harapan si Atty. Ferdinand Salvador, ang kanyang ama. Hindi nagulat si Bianca sa nakita. After all, kapag matindi ang kanyang depresyon at iniisip kung bakit pinabayaan sila ng kanyang ama, isine-search niya ang pangalan nito sa Internet. Nakikita niya roon ang mga larawan ng ama. Bukod doon, madalas na makita niya ito sa mga balita sa telebisyon.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZER
RomanceLaki sa hirap si Bianca. Dalawa ang trabaho niya para lang maka-survive sila ng sakiting ina sa araw-araw. Kaya nang makilala niya si Ross at hayagang magpakita ng interes sa kaniya, nakaramdam siya ng insekuridad. Ross is the embodiment of an eligi...