UMUWI kaagad si Bianca pagkatapos ng trabaho niya bilang encoder. Gusto niyang mag-shower at magbihis para sa pagkikita nila ni Ross. Oo nga at hindi pa siya tinatawagan ng binata subalit alam niya na tutuparin nito ang pangako sa kanya.
Kabubukas pa lamang ni Bianca ng pinto ng kanilang apartment nang may maramdaman siyang kakaiba. Nagkalat ang sapatos at shoulder bag ng kanyang ina sa bukana ng pinto. Bagay na nakapagtataka dahil masinop ito sa gamit. Kasasara pa lamang niya sa pinto ay may narinig na siyang malakas na lagabog mula sa kuwarto. Kasunod niyon ang tunog ng mga natapong gamit.
Namutla si Bianca. "'Nay?!"
Hindi sumagot ang kanyang ina. Nanlamig siya at mabilis na tumakbo papasok sa kuwarto. Pakiramdam niya ay huminto sa pagtibok ang puso nang makitang nakadapa sa sahig ang nanay niya at halatang nahihirapang huminga. Nagkalat sa sahig ang mga gamit mula sa nakabukas na cabinet. Mukhang inaabot ng kanyang ina ang nebulizer subalit natumba na bago pa mahawakan iyon.
"'Nay..." Garalgal ang tinig na lumapit si Bianca sa ina upang alalayan itong makaupo. Nanginig ang kanyang mga kamay nang makitang nangangasul na ang mukha at mga labi nito sa kakapusan ng hininga. Isang beses lamang nangyari ang ganoon kalalang kalagayan ng nanay niya. At nang panahong iyon, napilitan siyang huminto sa pag-aaral dahil kinailangang ipa-admit ito sa ospital.
Ngayon, sa kabila ng nagpa-panic na utak, alam ni Bianca na iyon ang dapat niyang gawin. Subalit bago iyon, kinuha muna niya ang nebulizer at itinapat sa bibig ng kanyang nanay. "L-langhapin mo, 'Nay. D-dadalhin kita sa ospital..."
Umiling ang kanyang ina. At mukhang hindi pa rin lumuluwag ang paghinga nito kahit may nebulizer na. Nag-init na ang mga mata ni Bianca. Inalalayan niyang makatayo ang kanyang ina, bagay na hindi mahirap gawin dahil magaan lang ito, at inakay palabas ng apartment. Mabuti na lang, paglabas nila ay kalsada na agad. Nakakita siya ng tricycle at mabilis na pinara iyon. Nakita agad ng driver ang sitwasyon kaya tinulungan siya nito na mabilis na maisakay sa loob ang nanay niya.
Pagdating nila sa pinakamalapit na ospital, sinalubong agad sila ng mga nurse. Inilagay sa stretcher ang ina ni Bianca at idineretso sa emergency room. Helpless na napasunod lang siya hanggang sa pinto ng ER. Nanginginig ang buong katawan niya sa takot para sa kaligtasan ng kanyang ina. Ano ba ang nangyayari? Bakit lumala na naman ang asthma ng nanay niya? Mali ba na hinayaan niya itong magtrabaho? Pero ang sabi ng nanay niya, hindi naman daw mahirap ang ginagawa nito sa bahay ni Mrs. Charito.
Nakagat ni Bianca nang mariin ang ibabang labi at magkasalikop ang mga kamay sa tapat ng dibdib habang nakasilip sa bintanang salamin ng emergency room. Mataimtim siyang nagdarasal habang inaasikaso ng mga doktor ang kanyang ina. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakatayo lamang doon. Ang alam lamang ni Bianca, parang slow motion ang lahat. Manhid siya sa ibang bagay maliban sa nakikitang pag-aasikaso ng mga doktor sa kanyang ina.
Nagawa lamang ni Bianca na kumurap at bumuga ng hangin nang makitang kalmado na ang mga doktor sa ER at maayos nang nakahiga ang kanyang ina sa kama habang may oxygen mask.
Lumabas ang mga doktor at lumapit sa kanya ang pinakamatandang doktor. Sumulyap ito sa clipboard na hawak bago muling tumingin sa kanya. "Miss Bernabe?"
"Kumusta ho ang nanay ko?" mabilis na usisa ni Bianca.
"Sa ngayon ay stable na ang paghinga niya. Subalit kung nahuli ka ng pagdala sa kanya dito sa ospital, baka na-respiratory arrest na siya. It could have cost her life," sabi ng doktor.
Hindi alam ni Bianca kung makakahinga siya nang maluwag na naging maagap siya o manlulumo na ganoon kalala ang sakit ng nanay niya. "P-pero okay na ho ba talaga siya?"
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZER
RomanceLaki sa hirap si Bianca. Dalawa ang trabaho niya para lang maka-survive sila ng sakiting ina sa araw-araw. Kaya nang makilala niya si Ross at hayagang magpakita ng interes sa kaniya, nakaramdam siya ng insekuridad. Ross is the embodiment of an eligi...